"Binibini, masama po ba ang inyong pakiramdam?" nag-aalalang tanong ni Catalina nang mapansing kanina pa walang imik si Victorina.

"Hindi naman. Pinagmamasdan ko lamang ang aming hacienda," ngiti nito.

"Natitiyak ko pong mas lalong gaganda iyan kapag ipinasa na sa inyo ang pamamahala riyan," papuri naman ni Catalina.

"Naku, huwag mo na ngang bilugin ang aking isipan! At isa pa, huwag ka nang gumamit ng 'po' dahil hindi naman ako matanda at hindi naman nalalayo ang ating mga edad. Victorina na lang din ang itawag mo sa akin."

Dalawampung taong gulang na si Victorina habang si Catalina naman ay nasa edad na labing walo. Isang linggo pa lamang simula nang mamasukan si Catalina bilang kasambahay sa Hacienda Sanchez upang matustusan ang pangangailangan ng tatlo niyang kapatid at ng kaniyang ina at ang pagpapagamot sa kaniyang amang may malubhang karamdaman.

"Mang Kanor, maiwan na lamang ho namin kayo rito upang bantayan ang mga kabayo," habilin ni Victorina kay Mang Kanor.

"Masusunod, binibini," tugon naman nito.

Nang makarating sa pamilihan ay nagtungo kaagad sila  sa paboritong tindahan ng mga damit ni Victorina. Napakaraming pamimilian doon kaya nahirapan siya sa pagpili kung alin ang kaniyang bibilhin.

Sa huli, napili niya ang isang puting baro't saya na may palamuting makukulay na mga perlas. Mayroon din itong nakaburdang kulay asul na ulap kaya mas lalo itong nagustuhan ni Victorina. Kung ang ibang kababaihan ay nagagandahan sa mga palamuting bulaklak, disenyong ulap naman ang paborito ni Victorina. Parang gumagaan ang kaniyang pakiramdam kapag pinagmamasdan niya ang mga ulap sa kalangitan.

"Ito na lang ho ang aking bibilhin," wika niya sa tindera. Nagalak naman ang tindera nang mapagtantong ang anak pala ng kanilang gobernadorcillo ang bumibili sa kaniyang paninda.

"Magandang araw, Binibining Victorina. Ngayon ko lamang kayo namukhaan, kayo pala iyan," magalang na bati niya rito. Ang pamilya Sanchez ang isa sa mga pinaka kagalang-galang na pamilya sa bayan ng San Asuncion.

"Magandang umaga rin ho. Natutuwa ho ako sa magagandang disenyo ng inyong mga panindang mga damit," papuri ni Victorina sa tindera. Kinagigiliwan din ng mga tao si Victorina dahil bukod sa maganda at matalino, siya rin ay mapagpakumbaba at magalang. Ang ibang mga anak kasi ng mga opisyales ay mga matapobre at walang galang sa mga nakatatanda lalo na kung mababa lamang ang katayuan ng mga ito sa lipunan.

"Salamat, binibini. Ikinagagalak kong natuwa kayo sa aking mga paninda." Hindi na maitago ng tindera ang kaniyang tuwa dahil sa magandang komento ni Victorina sa kaniyang mga paninanda. "Wala na ho ba kayong ibang nais na bilhin?" tanong nito.

"Huwag ka nang gumamit ng 'ho' dahil hindi pa naman ako matanda." Isa sa mga ayaw ni Victorina ay ang paggamit ng magalang na pananalita sa kaniya ng mga tao dahil sa mataas niyang antas sa lipunan. Para sa kaniya ay mas karapat-dapat na ibigay ang paggalang na iyon sa mga nakatatanda. "Bibilhin ko na rin ang pulang baro't saya na ito para sa aking kasama," anito kaya biglang nagningning ang mga mata ni Catalina.

"Talaga po? Bibilhin niyo ako ng bagong baro't saya?" hindi makapaniwalang tanong ni Catalina na abot tenga ang ngiti. May lahi rin itong Intsik kaya halos hindi na makita ang kaniyang mga mata kapag ngumingiti.

My Love from 18th Century [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon