Chapter 4

585 27 0
                                    

"Papasok ka na, madam?" Napalingon ako sa kapitbahay nang marinig 'yon. Napangiti ako at isinarado ang gate.

"Opo."

"Naku, kay gandang dalaga." Aniya bago ito bumalik sa dating ginagawa. Napailing na lang ako at nagsimulang maglakad

Ang bilis lumipas ng one week. Heto na agad ako at magsisimulang magtrabaho. Pinalipas ko lang ang mga nakaraang araw sa pag-aayos ng mga gamit. Hindi ko na rin nakita pa si Jovi at wala rin akong balita sa mga kaibigan ko. Siguro ganito na talaga kapag may mga trabaho na, mayroon na ring kaniya kaniyang buhay.

Habang naglalakad, hindi ko maiwasang punahin lahat ng nagbago sa lugar. Ang dati'y  bahay kubo, ngayon two storey na. 'Yong mga maliit na tindahan dati halos isang grocery store na. Naalala kong madalas akong maglakad rito noon papasok sa school, kasama si Jovi. Nakakalungkot lang na hindi na 'yon mangyayari pa kahit kailan.

Naisip ko ngang tanggapin na lang lahat. Na hindi naman lahat ng first love nagtatagal. Katulad nina Sarah at Clinton. Pati na rin sina Aya at Jeremy. Pero hindi ko naman 'yon matatanggap sa loob lang ng isang araw, o ng isang linggo. Lalo na kung lahat ng alaala ay nakikita ko sa lahat ng lugar.

Pagdating ko sa school, dumiretso ako sa faculty. Binati naman ako kaagad ng mga teacher na nandoon. Napansin kong ako yata ang pinakabata sa English department. Nagpapasalamat din akong sa dulo ang table ko. Siguro iniisip ng ilan na mahiyain ako kahit na ang totoo, ayoko lang makipag-usap.

Naibigay na rin kaagad sa akin ang schedule ko kaya agad din akong pumasok nang tumunog ang bell.

Napabuntong hininga ako matapos lumabas sa faculty room. Lunch break kaya wala akong mapuntahan. Mababait naman ang mga kasama ko pero ewan ko, ayokong makipag-usap kahit kanino.

Namalayan ko na lang ang sarili sa park, katapat ng school. Hawak ko ang isang stick ng sigarilyo at lighter. Sisindihan ko na sana 'yon pero natigilan lang nang makarinig ako ng boses mula sa gilid ko.

"Ang tapang ah? Maninigarilyo ka talaga sa tapat ng school?" Naibaba ko ang hawak saka ito nilingon.

Napangiti ako saka tinapon ang sigarilyo. Nilapitan naman ako nito. Tinanggal niya ang suot na sumbrero kaya kitang kita ko ang semi kalbo nitong buhok.

"Basta raw kalbo masamang tao." Pagbibiro ko kaya pareho kaming natawa.

"Ba't mo tinapon 'yong sigarilyo mo?" Tanong ni Joseph saka naupo sa tabi ko.

"Ewan. Hindi naman talaga ako naninigarilyo. Gusto ko lang subukan ngayon." Nagkibit balikat ako. Nababaliw na nga yata talaga ako para subukan ang mga bagay na ayaw ko noon. Kagaya ng pag-inom at paninigarilyo. Sadyang magulo lang yata ang isip ko.

"Anong ginagawa mo rito? Lunch break ah? Dapat kumakain ka sa loob ng canteen." Puna niya kaya napabuntong hininga ako.

"Ikaw? Ba't ka nandito? Hindi ka ba nakaduty?" Balik tanong ko habang pinapasadahan ang uniform niyang pang pulis.

"Uso naman ang maglunch break sa amin, Ma'am." Rason niya saka tinuro ang police station na nasa tapat ng kinatatayuan namin.

"Swerte mo naman. Hindi ka nadestino sa malayong lugar." Tugon ko kaya napatango siya.

"Tapos na. Noong unang mga taon ko sa bundok din ako," natawa siya saka kinuha ang isang kaha ng sigarilyo sa bulsa niya. Inalok pa ako nito kaya tinaasan ko siya ng kilay.

"Kunsintidor ka rin e 'no?"

"Hindi naman pero hindi rin KJ." Hindi na lang ako umimik pa saka pinagmasdan ang mga estudyanteng paroon at parito. Pasalamat na lang at hindi ako nakasuot ng unipormeng pang teacher kung hindi, para siguro ako ritong tangang tumatambay.

No RestrictionsWhere stories live. Discover now