CHAPTER SEVEN

11.6K 285 2
                                    

CHAPTER SEVEN

NAIINIS na naman si Drix sa sarili. Pakiramdam niya ay wala talaga siyang self-control. Napasubsob lang siya kagabi sa dibdib ni Via, nakalimutan na niya ang pangako niya sa sarili na hindi gagalawin ang babae. He made love to her the whole night! Kaya eto siya ngayon- alas-dose na ng tanghali nagising. Mabigat ang ulo niya, para siyang may hang-over na hindi maintindihan.

Nakita niyang tulog pa rin si Via sa kama. Hindi naman niya masita ang babae- pinagod niya ito kaya't tulog pa rin kahit tanghali na. Nanlumo tuloy siya. Ganito ba ang magiging buhay niya?

Bumangon siya at nagshower. Paglabas niya ng banyo ay gising na rin si Via pero nanatili itong nakahiga.

“Aalis ka?” tanong ng babae.

Hindi siya sumagot- tahimik lang siyang nagbihis. Paalis na siya nang lumingon siya sa asawa.

“Aasikasuhin ko na yung titirhan natin. Hindi ako kumportableng dito sa resort natutulog. Gusto ko ay may kanya-kanya tayong kuwarto para may privacy,” saka siya umalis.

Nasa may highway na siya nang makapag-isip. Tama ba ang sinabi niya or masyado siyang naging harsh? Pero naisip niyang tama naman ang gusto niyang ipaabot. Totoo namang hindi siya kumportable sa resort dahil lagi niyang naiisip na iba ang nagbabayad ng cottage nila. Isa pa ay hindi talaga siya sanay na may katabi sa kama- lalo pa't si Via iyun. Ayaw na niyang muling matukso.

AGAD namang nakakita ng mumurahin pero maayos na apartment si Drix. Bagong gawa pa yun- sila ang unang titira at malapit lamang iyun sa kampo kaya parang hulog na rin ng langit sa kanya ang lugar. Matapos maayos ang kontrata at ang bayad ay agad niyang kinuha ang mga gamit sa kampo at inilipat sa apartment.

Matapos madala ang mga gamit sa bagong tirahan ay saka na-realize ng lalake na ni wala pala silang mga muwebles. Hindi naman kasi furnished ang naturang apartment. Bagama't maliit lamang iyun at may dalawang kuwarto- aalog-alog pa rin ang lugar dahil ni walang mga upuan o kahit man lang mesa. Tumawag siya sa kampo para manghiram muna ng apat na monobloc chairs at isang plastic table.

“Sir, paano po ang tulugan ninyo?” tanong ni Joey, isa sa mga runner niya sa kampo nang dumating ito sa apartment niya para dalhin ang mga upuan at mesa. “Wala po pala kayong kama dito.”

“Oo nga e.” Naisip niya ang higaan sa kanyang quarters pero single bed lang yun.

“Di naman po puwedeng sa folding bed niyo pahigain si ma'am.”

Napakamot ng ulo si Drix. Twenty thousand na ang lumabas sa kanya kaninang tanghali dahil nagbayad siya ng eighteen thousand para sa one month advance at two months deposit sa landlady pati na rin two thousand para sa kuryente at tubig. Pero wala siyang magagawa- kailangan niya talagang bumili ng kama, foam at mga bed sheet.

“Mga magkano kaya ang kama? Yung ordinaryo lang?”

“Mga five thousand po siguro sir. Single lang po yun, me kasama nang foam. Bumili kasi si sarhento last month. E di po ba double ang kailangan niyo?”

Agad na nag-mental calculate si Drix. Tantiya niya ay nasa seven thousand to eight thousand din ang double-sized bed dahil alam niyang hindi naman matutulog sa single na kama si Via. Ipapakuha nalang niya ang kanyang lumang kama sa kampo para yun pa rin ang gagamitin niya sa kabilang kuwarto.

Kasama si Joey ay nagtungo sila sa pinakamalapit na bentahan ng mga kama at agad na bumili ng isa. Matapos magbayad ay nagbilin si Drix na ideliver na lang iyun sa apartment saka binalikan ang lumang single bed sa kampo.

“Sir, bakit po ililipat niyo pa ang kama niyo?” nagtatakang tanong ni Joey habang ikinakarga ang kama sa sasakyan. “Paano po kapag gusto niyong magpahinga dito sa quarters?”

“May folding bed naman, okay na yun,” sagot niya. Alangan namang sabihin pa niya sa tauhan ang tungkol sa sleeping arrangement nila ng asawa?

“Kung sabagay. Iba rin kapag may kama pati sa kabilang kuwarto. Para kapag may bisita ay may magagamit.”

Nang matapos nilang ayusin ang dalawang kama sa apartment ay halos madilim na. Saka siya bumalik sa resort. Naabutan niyang kumakain si Via.

“Nagpa-room service na ako,” kaswal na wika ng babae nang pumasok siya sa kuwartong ginagamit nila. “Kumain ka na ba?”

“Hindi pa,” sagot niya.

“Eto o, isinama na talaga kita sa order.” Tumayo si Via at kinuha ang platong natatakpan sa ibabaw ng personal ref na nasa loob ng cottage nila. Inilagay ng babae ang pagkain sa mesa. “Kain ka na.”

Hindi na nagpakipot pa si Drix, umupo siya at sinabayan sa pagkain si Via- tutal- gutom na rin naman talaga siya. But there was an awkward silence habang kumakain sila.

Nang matapos silang kumain ay nag-offer siyang magligpit ng mga plato. Hindi naman tumanggi si Via pero tinulungan pa rin siya. Wala silang kibuan, tila parehong nagpapakiramdaman. Sa huli ay siya ang lumabas ng cottage at humiga sa may duyan. Tinanong pa siya ng babae kung okay lang ba siya.

“Baka gusto mong manood ng TV?” tanong ni Via habang nakasilip sa may pinto.

“Hindi na muna. May iniisip lang ako. Sige na, papasok rin ako mayamaya.”

Pero nakatulog siya sa may balkonahe. Alas sais na ng umaga nang magising siya! Napabalikwas tuloy siya dahil narealize niyang hindi naka-lock ang pinto ng cottage nila! Pagpasok niya sa cottage ay nakita niyang mahimbing ang tulog ng asawa- nakayakap ito sa unan. Nakaramdam siya ng awa sa babae.

The Cavaliers: DRIXWhere stories live. Discover now