Chapter 15: For a change

1.4M 40.3K 16.1K
                                    

NAGISING AKO SA liwanag ng sikat ng araw. Unti-unti kong minulat ang mata ko. Bumungad sa 'kin ang isang puting kuwarto at napatingin ako sa paligid, walang tao. Napaupo ako at napatingin ako sa katawan ko. Hindi ko napigilan na mapasigaw sa nakita ko.

"Bakit ako nakahubad?" Pinulupot ko agad sa katawan ko ang kumot. May bumulaga pa sa 'kin na isang babaeng nakauniporme. "Miss sino ka? At ano ang ginagawa ko rito?"

"Staff po ako rito sa hotel. Lasing na lasing po kayo kagabi kaya inutusan po ako ni Sir Tyler na hubaran kayo dahil puno ng suka ang damit n'yo. Ito nga po o, nilabhan namin ang damit n'yo kasama kay Sir Tyler. Nasukahan n'yo kasi siya eh." Inilapag niya sa kama ang damit ko. "Magbihis na po kayo. Hinihintay po kayo ni Sir Tyler sa kabilang kwarto." Agad siyang umalis.

Nagbihis ako at nag-ayos. Bago ako lumabas ng kwarto, umupo muna ako sa kama para makapag-isip. Ano bang nangyari?

Umiinom ako kasama si Tyler. Lasing ako at wala sa sarili. Ang nakakapagtaka lang walang nangyari sa 'kin dahil kung lasing na lasing ako kagabi, may pagkakataon si Tyler na mag-take advantage sa 'kin. Tama siguro ang una kong inisip sa kaniya at ibig sabihin lang no'n ay mabait siyang tao. Hindi naman niya ako kilala pero dinala niya pa ako sa isang hotel at inasikaso niya pa ako. Nakakahiya lang na nasukahan ko pa siya. Hindi ko na tuloy alam kung paano ko siya haharapin.

Lumabas na ako ng kuwarto at nadatnan ko si Tyler na nakatayo at nakasandal sa gilid ng pintuan ng kuwarto niya.

"Tiffany, how are you feeling?" bati niya sa akin.

"I'm feeling better." Hindi ako makatingin sa kaniya. "Sorry about what happened last night."

"Don't worry about it. Come on, let's eat."

Nag-aalangan ako kung sasama ba ako sa kaniya o hindi, pero sa mga nangyari kagabi hindi ko na dapat siya pagdudahan. Sumama ako sa kaniya palabas ng hotel.

"Saan mo ba ako dadalhin, Tyler?" tanong ko sa kaniya habang hinihila niya ako papunta kung saan. Malayo layo na rin ang nilakad namin at hindi man lang kami nagdala ng sasakyan. "Ano bang balak mo?"

"Here you go." Huminto kami sa isang mamihan sa gilid ng kalsada. Amoy na amoy dito ang masarap na amoy ng sabaw. Hinila niya pa ako hanggang sa makaupo ako.

Madami ang tao dito kahit na simpleng kainan lang ito. Mukhang dinadayo ang mamihan na ito.

"You should know this place. Masarap dito." Tiningnan niya ang paligid. "Sampung taon na akong hindi nakabalik sa Pinas, pero parang walang pinagbago ang mamihan na 'to."

"Kumakain ka rito?" tanong ko at tumango lang siya. Mukha kasi siyang anak-mayaman.

"Dalawang mami, manang!" sigaw niya.

Ngayon ko mas lalong nakita ang mukha ni Tyler at masasabi kong napakaguwapo niya.

"Dito kami madalas kumain ng ex-girlfriend ko. Nakakatuwa na sa tagal ng panahon, nandito pa rin ang mamihan na 'to." May bakas ng kalungkutan sa mukha niya. "Bata pa lang ako kumakain na kami ditong dalawa kasama ang best friend ko."

Hindi ko alam kung tama ba na itanong ko pa ang tungkol sa kanila ng ex niya, pero gusto kong malaman ang lahat at para na rin masabi niya ang sama ng loob niya. Sabi sa 'kin ni Ate nakakagaan daw 'yon ng pakiramdam. "Ano bang nangyari sa inyo?"

"Ito na ang mami n'yo." Inilapag ni manang ang dawang malaki at umuusok pang mangkok ng mami sa mesa namin. Tinitigan niyang mabuti si Tyler. "Ikaw ba 'yan, Tyler?" gulat niyang reaksyon.

"Manang, naaalala n'yo pa pala ako."

"Oo naman, naaalala ko pa kayong tatlo nina Rina. Parang mga anak ko na kayo dati eh. Kumusta ka na?" Ngumiti lang si Tyler at si manang naman, napatingin sa akin. "Siya na ba ang girlfriend mo?" Pareho kaming nagulat sa tanong niya.

The Bad Boy's Love (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon