Chapter 10: Hello wedding bells

1.5M 42.9K 33.5K
                                    

Troy's Point of View



BUMABA KAMING APAT sa kotse ko at dumiretso kami papasok sa loob ng resort. Sa tapat pa lang, kita namin sa malayo 'yong mga tao at ang bilog na buwan.

"Nandito 'yong buong Section 11 pati sina Sir Jason? At saka sina Tamara nandito rin pati sila Jayshin?" nagtatakang tanong ni Candice.

"Oo at susunod na rin sina Charles dito," sagot ko tapos nanlaki 'yong mga mata ni Candice.

"Kasal mo ba talaga? Paano si Tiffany, ha?" natataranta niyang tanong. Gusto kong matawa, pero pinigilan ko na lang ang sarili ko. I'm enjoying this. "Kanino ka ikakasal?"

"Makikilala mo rin siya mamaya," nakangiti kong sabi. "Mabuti pa magpalit na kayo ng damit. Malapit nang magsimula 'yong wedding." Sinamahan ko sila papunta sa dressing room kung saan nakalagay 'yong mga damit nila.

Matagal na 'tong nakaplano pero no'ng isang araw lang namin sinabi sa kanila kasabay ng invitation. Wala nga lang akong panahon na sabihin kay Candice kaya siya lang ang hindi agad nakaalam dito. Tingin ko naman, hindi na siya gaanong magugulat kapag nalaman niya 'to.

"Okay ka na ba sa damit mong 'yan, Troy?" tanong ni Marky at umiling na lang ako.

"Guwapo na 'ko kahit ganito lang 'yong suot ko." Bigla na lang akong natawa sa sarili ko. Hanggang ngayon pala, mayabang pa rin ako.

"Bahala ka na nga, magkita na lang tayo mamaya," masungit niyang sagot pagkatapos dumiretso na siya sa dressing room.

Pumunta na ako sa tabi ng lawa kung saan gaganapin ang kasal. Dito ang napili naming lugar dahil napakaganda rito. Konti lang din naman 'yong mga tao na nandoon, mga taong malapit lang sa 'min. Nakaramdam ako ng excitement. Ito na talaga 'yong araw na hinihintay ko.

Ibang kasiyahan 'yong nararamdaman ko ngayon. Sabi nga nila, sa hinaba-haba ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.

Maya-maya, namatay na 'yong ilan sa mga ilaw at tanging ang bughaw na ilaw na korteng paru-paro na lang 'yong nakikita namin kasama na rin doon 'yong ilaw ng mga magagandang kandila. Hindi ko napigilang mamangha sa nakikita ko ngayon. Ang ganda ng lugar na ito.

"Troy!" sigaw ni Candice at nagmamadali siyang lumapit sa 'kin. Nagulat na lang ako nang hinampas niya ako. "Talagang ikakasal ka na nga? Bakit hindi kay Tiffany?!" Hanggang ngayon pala hindi niya pa rin matanggap at pakiramdam ko maiiyak na siya. Ganoon ba talaga niya kagusto na magkatuluyan kami ni Tiffany?

"Mahirap kasi ipagpilitan ang isang bagay na hindi na puwede dahil baka mas lalo lang 'yon masira." Hindi na siya sumagot sa sinabi ko at natahimik na lang siya pero halata ko sa ekspresyon ng mukha niya na malungkot siya. "Wala ka nang ibang magagawa sa nakaraan kung hindi pagsisihan lahat ng ginawa mo. Kaya mas mabuti na mabuhay ka na lang sa kasalukuyan kung saan puwede mong itama ang lahat ng mali mo noon."

"Kung saan ka masaya, masaya na rin ako." Nginitian niya na lang ako.

"Sige, mauna na ako, darating na siya." Sinamahan ni Marky si Candice at Sabrina sa mga upuan. Alam ko maiintindihan din niya ako.

Dumiretso ako sa puwesto kung saan naghihintay sa 'kin sina Dad at Mom. Nagsimula na ang wedding entourage at kita ko na rin sa malayo ang babaeng papakasalan ko, ang babaeng mamahalin ko sa panghabang buhay. Hindi ko naiwasan na mapangiti. Sobrang saya ko ngayon. Napakatagal na panahon kong hinintay ang ikasal at panigurado ako madaming iiyak na babae dahil dito. Sa guwapo ko ba naman na 'to?

Isa-isang naglakad 'yong mga ninong at ninang, flower girls, ring at coin bearers, mga abay, 'yong maid of honor at, siyempre, ang best man ko na si Jeydon.

The Bad Boy's Love (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon