31: Investigation

400 18 0
                                    


Bianca's POV

Nitong mga nakaraang buwan, naging kakaiba ang ikinikilos ng kaibigan ko. Madalas siyang nawawala sa klase at uwian na siya kung bumalik. Minsan pa nga ay hindi na siya bumabalik pa na labis kong ipinagtataka. Saan siya nagpupunta? Bakit tila may pinagkakaabalahan siya?

Nakapagtataka.

Napagpasyahan kong ipaimbestiga siya sa isang imbestigador upang malaman ko ang mga kilos niya. Hindi naman sa nanghihimasok ako sa buhay niya ngunit may parte lang sa loob ko na gustong malaman kung anong tinatago niya. Kakaiba ang kutob ko. Parang may mali.

Nakakainis lang dahil yung nakukuhang impormasyon ng imbestigador na kinuha ko ay hindi sapat upang malaman ang talagang pinagkakaabalahan niya. Palagi na lang kasi siyang nawawala sa paningin ng imbestigador. Palagi siyang nakakatakas nang hindi napapansin. Para bang, alam na alam niya na may nakasunod at nanunuod sa bawat kilos niya.

Ang mga text at tawag na palagi kong hinihintay tuwing may klase ay mula sa imbestigador. Nasasabik na akong malaman ang tungkol sa sikreto niya kaya naman naging desperado ako. Ginawa ko ang lahat na maaring gawin upang malaman iyon.

Sinubukan ko rin siyang sundan nang minsang maguwian. Ngunit nabigo rin akong matunton ang pinupuntahan niya dahil palagi niya akong natatakasan. Nawawala na lang siya bigla sa paningin ko at hindi ko na alam kung saan siya nagpupunta.

Labis talaga akong nagtataka sa mga ikinikilos niya. Parang hindi na siya iyong dati kong kakilala. Pakiramdam ko ang dami niyang tinatago sakin. Kaibigan niya ako ngunit may mga bagay siyang nililihim. Nakakapanibago.

Hindi na siya gaya ng dati.

Sa ngayon ay hindi na ako masyadong nakikipagusap sa kanya dahil nagiingat na ako. Ayokong mapahamak kung sakaling may kinalaman man siya sa mga kaganapang nangyayari sa loob ng school namin.

Nakakatakot.

Halos tatlong taon na rin ang naging samahan namin ngunit ni minsan ay wala siyang naikwento tungkol sa naging nakaraan niya. Wala na raw siyang maalala. Kahit na anong pilit ko sa kanyang magkwento siya ay parati niyang iniiba ang usapan.

Parang may tinatago talaga siya.

Ang mga tanging impormasyon lang na alam ko tungkol sa kanya ay ang pangalan, kaarawan, at edad lang niya. Sa loob ng mahabang panahon, ni minsan ay hindi niya ako inimbita sa bahay nila.

Hindi niya rin ako ipinapakilala sa mga magulang niya. Ang sabi niya'y meron naman siya nun ngunit parati raw busy ang mga ito kaya imposibleng makita ko ito sa bahay nila kung sakaling pupunta ako.

Hindi ba't parang ang dami niyang nililihim?

"Ano bang sikreto mo?" sabi ko habang pinagmamasdan ang aking sarili sa salamin.

Kinuha ko sa bulsa ng jacket ko ang cellphone ko upang icheck kung may bagong impormasyon ba tungkol sa kanya. Ngunit wala. Wala pa ring nahahanap ang imbetigador. Mukhang pahirapan pa rin ang pagsunod-sunod niya sa kaibigan ko.

Nakakainis.

Tinignan ko ang oras sa suot kong relo. Isang oras pa bago magsimula ang unang klase namin. Ang aga pa pala. Hindi ko namalayang ang aga kong nagising. Sabagay, ang aga ko nga pala matulog. Alas otso pa lang ng gabi ay nasa higaan na ako at nagpapahinga. Hindi ako gaya ng iba na nasa labas pa, nagce-cellphone o kung ano pa.

Wala akong oras para sa mga ganyang bagay.

"Bianca! Bumaba ka na!"

Napangiti ako nang marinig ang boses ni Daddy. Simula pa nang bata ako ay wala na siyang ibang ginawa kungdi ang alagaan at ituring ako na isang prinsesa. Sa aming dalawa ni Ate Tracy, ako ang palaging inaasikaso niya.

Laki ako sa isang marangyang pamilya. Lahat ng gusto ko, nakukuha ko. Spoiled simula pa nang bata ako kaya siguro kahit ako na ang may kasalanan ay kinukunsinte pa rin nila ako.

Wala naman kasi silang pakialam kung anoman ang gawin ko. Kahit na mapaaway pa ako sa school o kung saan, parang wala lang sa kanila. Nasanay na siguro sila na ganito ang ugali ko. Mabait sa loob ng bahay ngunit pagdating sa labas ay parang demonyong nakawala sa impyerno.

Salbahe.

Bully.

Inggitera.

Isa pa iyon sa pinagtatakhan ko. Bakit ako naiinggit sa iba kung nasa akin naman ang lahat ng gusto ko? Hindi ko maintindihan. Siguro ugali ko na rin iyon sa tuwing nakikitang masaya rin ang iba. Gusto ko na ako lang ang masaya. Habang sila, nagdurusa dahil sa ginawa ko sa kanila.

"Bianca! Bumaba ka na!" tawag muli ni Daddy sakin.

"Opo Dad! Susunod na!" sabi ko at inayos saglit ang buhok ko bago lumabas ng kwarto.



Cyrill's POV

"Kailangan mong pumasok kahit na anong mangyari. Ako na muna ang bahala sa lamay ng ate mo."

Yan ang makailang ulit na sabi sakin ng step-father ko nang maibalik na dito ang katawan ni Ate. Naayos na ang lahat dito sa lamay niya. Ang kabaong, mga bulaklak, upuan, maging ang mga ilaw ay nakaayos na rin. Kami pa lang dalawa ang nandito dahil mamaya pa darating ang ibang bisita. Mga kamag-anak at kaklase namin ang inaasahang pupunta dito mamayang hapon.

Nangangamba ako na baka may mangyari habang wala ako o oras na dumating na dito ang mga bisita. Inaalala ko si Aira. Baka manggulo iyon o may gawing masama kahit na maraming tao ang pupunta. Alam ko na ang kakayahan niya. Kaya niyang magpasunod ninoman. Sa ayaw o sa gusto man ng taong naisin niya.

Nakakainis at hindi ko magawang sabihin kina Patricia kung sino siya. Hihingi sana ako ng tulong kaya lang baka isipin nilang kasabwat ako ng demonyong iyon sa mga pinaggagagawa niya. Bwisit.

Ano bang dapat kong gawin?

"P-pero gusto kong magbantay kay Ate!" ang apila ko.

"Pero hindi mo pwedeng pabayaan ang pag-aaral mo. Ga-graduate ka na ng high school. Ano ba Cyrill! Makinig ka naman sakin kahit ngayon lang." Napangisi ako nang makitang may tumulong luha sa kaliwang mata niya.

Ano 'yon? Concern siya sakin? Samin? Kailan pa? Ang alam ko wala siyang pakialam samin ngunit para saan iyong luha na nakita ko? Kalokohan. Nagda-drama yata ang lalaking ito sa harapan ko ngayon.

"O, sige na! Papasok na ako!" padabog kong sabi bago pumunta sa kwarto ko at nagsimulang maghanda.

Naligo ako pagkatapos ay hinanda ang uniform ko. Matapos ko itong plantsahin ay pinagpag ko ito upang mawala ang init tsaka sinuot. Humarap ako sa salamin habang pinapatuyo ang buhok ko gamit ang tuwalya.

"Magbabayad ka, Aira," bulong ko kasabay ang isang pagngisi.

Live or DieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon