SI ORANGE: Chapter 11

2K 43 12
                                    

"HOY, Bff, hanggang canteen ang nguso mo ah. Ano na namang drama 'yan?"

Hindi kumibo si Anastacia sa tanong na iyon ng bestfriend niyang si Chikki. Sa halip ay lalo pa niyang pinagbuti ang pagkakasimangot. Ni hindi niya tiningnan ang kaibigang nagda-dayalogo sa kanyang harapan. Mayamaya ay naramdaman niya nang marahan nitong dunggulin ang kanyang balikat.

"Girl, hindi dapat ganyan. Paano namang iisipin ng kapisanan ng mga bruha na masaya ka sa pag-aasawa mo kung hindi ka man lang mangiti diyan?"

Noon siya napalingon sa kaibigan. "Sa tingin mo, tama pa ba itong ginagawa ko, Chikki? Feeling ko, wala namang pakialam si Tatay sa akin." Napayuko siya pagkaalala sa ama. "Ilang linggo na akong wala sa amin pero ni hindi man lang niya ako hinahanap." Nagsimulang mangilid ang kanyang mga luha. Agad niyang hinanap sa loob ng kanyang bag ang panyolitong inilagay niya doon pero nailabas na niya ang mga librong laman niyon ay hindi pa rin niya nakikita ang panyo. Napilitan tuloy siyang pahirin ng kamay ang mga luhang nagsimulang dumaloy sa kanyang mga pisngi.

"Bespren, I'm sure na nag-aalala na rin ang tatay mo sa'yo. Kung ano man ang dahilan niya sa hindi paghahanap sa'yo, siguro ay valid naman iyon."

"Valid? Mag-iisang buwan na akong hindi umuuwi sa amin, Chikki. May ama bang hindi hahanapin ang anak sa loob ng isang buwan nitong pagkawala kung mahal niya ang anak niyang iyon?"

Nagkibit ito ng balikat at nakauunawang tumingin sa kanya.

"Ewan ko ba. Mula nang umalis ako sa poder ni Tatay, pakiramdam ko ay parang ibon akong nakalaya. Walang nang-aapi sa akin, walang nananakit...pero bakit ganoon, kulang pa din?" Ilang butil na naman ng luha ang gumulong sa kanyang mga pisngi. "Hindi pa rin kumpleto ang buhay ko kung wala si Tatay, Chikki. Miss na miss ko na siya..."

Niyakap siya ng kaibigan at hinagod nito ang kanyang likod.

"Don't lose hope, Bff. Malay mo, isang araw ay bigla na lang dumating ang tatay mo dito at sunduin ka na, 'di ba."

Bumuka ang bibig niya para tugunin ang sinabi nito pero hindi na niya naisatinig ang ibig niyang sabihin. Kapwa sila napalingon ni Chikki sa humahangos na si Kristina. Kaklase at kaibigan rin niya ito at tulad nilang mag-bestfriend ay naaalibadbaran din sa grupo ni Hanna at Marsha.

"Naku, kanina ko pa kayo hinahanap, Orange!" humihingal nitong sabi.

"Bakit?" halos magkapanabay nilang sabi ni Chikki.

"Narinig ko kanina, pinag-uusapan ka ng grupo ni Marsha!"

Bahagyang umangat ang kilay niya sa sinabi nito. Well, wala namang kakaiba roon dahil alam naman niya iyon kahit hindi sabihin ni Kristina. Mukhang ginawa ng hobby ng magkapatid na Marsha at Hanna na guluhin ang buhay niya. Gayon man, may kung anong kabang bumundol sa dibdib niya pagkarinig sa pangalan ng panganay na anak ng kanyang madrasta.

"Ano naman ang pinag-uusapan nila tungkol sa'kin?"

Nanlalaki ang mga matang binalingan siya ni Kristina. Hinawakan pa nito ang kanyang mga kamay kaya napakunot ang noo niya at lalo nang kinabahan.

"Orange, narinig ko...dinig na dinig ko nang sabihin ni Marsha sa mga kaibigan niyang nakikisama ka na raw kay Carlo! Mag-asawa na raw kayo! Echosera talaga ang babaeng 'yan!"

Umikot ang mga mata ni Chikki. "So iyon ang itinakbo mo dito? Feeling mo, hot item na 'yang tsika mo na 'yan?"

"Bakit?" taka nitong tanong.

"Expired na 'yan, luka! Matagal nang nagsasama si Carlo at itong kaibigan natin!"

"What?!" Daig pa nito ang namatanda sa narinig. "Bakit hindi ko alam?"

SI ORANGE (The Pinay Cinderella)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon