SI ORANGE: Chapter 5

1.4K 35 5
                                    

"AKO ang kinakabahan sa ginagawa mo, Anastacia. Pinag-isipan mo ba talaga 'yan?"

"No choice na ako, bff."

"Paanong no choice? Puwede ka pang umatras. Una, hindi ka naman pala desidido. Pangalawa, mas lalo namang hindi desidido si Carlo."

Napatingin siya rito. "Tingin mo?"

Umikot ang eyeball ni Chikki. "Ano ka ba naman? Aba'y nagsisimula pa lang dumiga 'yung tao, gusto mo nang magpatanan!"

"Tanan?" kunot-noo niyang sabi.

"Tan-ji-a ka, 'day! Tanan as in elope!"

"At 'yung tan-ji-a, tanga ang ibig sabihin noon, di ba? Excuse me, hindi ako tan-ji-a!"

"Hindi daw pero tanan lang ay hindi alam."

"Alam ko iyon, ano ka ba! Nagulat lang ako sa sinabi mo."

Kinutusan siya sa ulo ni Chikki. "Nagulat ka pero sa sinabi mo kay Carlo ay hindi ka nagulat? Sure ka bang talagang nasabi mo iyon sa kanya?"

"Oo nga!"

"Hindi ka talaga nag-iisip kung minsan eh, 'no. Kung ano ang masabi mo ay pinangangatawanan mo na. Puwede ba, bff, kahit minsan naman ay mag-iisip ka lalo at ganyan kaseryoso ang sasabihin mo."

Nagkibit siya ng balikat. "Ano naman ang gusto mong gawin ko? Gusto ko nang makalayo sa poder ng mag-iinang iyon."

"Kahit bahay ninyo iyon at ang mismong kinatatayuan ay lupa ng nanay mo na sabi mo ay ipinamana na sa'yo ng nanay mo?"

Totoo ang sinasabi nito. Kahit noong nabubuhay pa ang ina ay madalas nitong sabihin na siya ang magmamana ng bahay at lupa nila. Ang dalawa naman niyang kapatid ang siyang mangangasiwa ng mga bukid na ngayon ay sinasaka ng ama.

"Hindi naman mahalaga sa akin ang materyal na bagay, Chikki."

"Hindi naman iyong materyal na bagay ang tinutukoy ko, friend, kundi 'yung idea na bigay iyon ng nanay mo sa'yo. Ganoon mo lang ba kadaling isusuko iyon?"

Nangilid ang luha niya sa katotohanan ng sinabi ng kaibigan. "Siyempre ay hindi ko naman gustong umalis sa bahay ng Nanay. Kaya lang, ano ba ang gagawin ko? Mahirap nang itama ang mga maling bagay na ipinasok ng mag-iinang iyon sa isip ni Tatay. Baka lalo pang lumala ang away namin ni Marsha kung magtatagal pa kami sa iisang bahay."

"So, sure ka na talaga? Ano ang plano mo ngayon kung sasama ka kay Carlo?"

"Bahala na, friend. Malay mo, mapabuti ako sa gagawin kong ito. Isa pa ay babalik naman ako pagdating ng takdang panahon. Just wish me good luck, okay."

Napailing muna si Chikki bago sumagot. "Kinakabahan ako sa gagawin mo, bff pero nakasuporta ako sa'yo. Ano man ang mangyari ay tawagan mo lang ako, okay. Pupuntahan kita agad."

"Salamat," aniya kasabay ng pagpatak ng tinitimping luha.

"O, ano 'yan? Huwag ka nang umiyak at baka magbago ang isip ko ay gumawa pa ako ng paraan para pigilan ang gagawin mo. Ikaw rin, baka mugto ang mata mo mamaya kapag nagkita kayo ng mister mong si Carlo."

"Sira ka talaga!" aniya sabay tampal sa braso nito.

Sinikap niyang ngumiti kahit ang totoo ay kinakabahan siya. Bakit ganoon ang naramdaman niya sa sinabi ni Chikki? Tila biglang dinagsa ng samu't-saring alalahanin ang dibdib niya. Ang isiping mapagsosolo sila niya si Carlo sa ilalim ng iisang bubong ay bumubuhay sa iba't-ibang klaseng emosyon sa kanyang sistema.

Napailing siya sa sarili. Bahala na.

ANG usapan nila ni Carlo ay alas-onse ng gabi sila magkikita. Ang sabi niya rito ay hintayin siya sa likod-bahay dahil doon niya idadaan ang mga gamit niya. Pagkatapos niyang ihulog ang gamit ay saka siya bababa at saka tuluyang lalabas sa back door. Hindi niya kasi puwedeng dalin ang bag dahil kung sakaling may makakasalubong siyang kasambahay sa pagbaba ay agad siyang magigibikan.

SI ORANGE (The Pinay Cinderella)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon