SI ORANGE: Chapter 16

1.7K 31 32
                                    

"MA, what a pleasant surprise!"

Naidilat ni Orange ang mga mata at nabuglawan niya ang hubad-barong si Carlo. Tanging boxers ang suot nito, nakangiti habang nakalahad ang mga kamay. Lumapit ito at niyakap ang ina. Sa pagkabigla ay natakpan niya ang mga mata. Mabuti na lang at palihim siyang tinapik ni Carlo. Hindi nga naman normal na gawin niya iyon gayong mag-asawa sila at nakatira sa iisang bubong.

"Ang aga niyo namang lumipat? Kagigising ko lang!"

Inilibot nito ang paningin at napaismid. Alam ni Orange ang kahulugan niyon. Ang makalat na sinabi niya kanina ay malinis na ngayon. Walang kumot at unan na nasa sofa kung saan totoong natulog si Carlo. Ang naroon ay tanging bag ng lalaki at isang libro. Nang sulyapan niya ang kusinang natatabingan lang ng manipis na kurtinang nang mga sandaling iyon ay nakahawi sa isang gilid, napansin niya ang pagkaing nasa ibabaw ng mesa. May pritong talong roon, kanin at saka tilapia.

Malamang sa hindi ay nayabangan ang biyenan niyang hilaw sa kanya dahil sa isip nito, ang pinagpipilitan niyang marumi pala ay malinis naman. Meaning, isa siyang masinop na babae dahil ang konsepto niya ng marumi na kunwa ay itinatago pa rito ay hindi naman pala totoong marumi. Lihim siyang napangiti sa isiping iyon.

"May pagkain ka na?"

"Yes, Ma." Tumabi si Carlo sa kanya at saka siya inakbayan. "Itong misis ko, kahit bata pa ay sobrang responsable na. Hindi niya ako kahit kailan pinabayaan."

"Siya ang nagluto niyan?"

"Yap. Kaya nga madaling-madali iyan kasi mali-late na. Pinilit pa niyang makapag-prepare ng food para sa guwapo niyang mister bago siya pumasok."

Umismid na naman ang mama nito. Tinanaw siya pero hindi naman sa mga mata kundi sa bumbunan. "Mabuti naman," anito. "Ayokong malalaman na pinababayaan mo itong anak ko, Anastacia." Lumakad ito palapit sa pinto ng silid at awtomatikong naghinang ang mga kamay nila ni Carlo habang nakasunod rito. Nagkatinginan pa sila nito dahil sa pareho nilang reaksiyon.

Kaba man iyon o kung ano, aminado si Orange na kampante siya habang hawak ng lalaki ang kanyang palad. May kung anong katiwasayan sa dibdib siyang nadama dahil doon.

Nakahinga si Orange nang maluwag nang makitang malinis rin ang silid. Maayos na nakasalansan ang mga unang ginamit ni Carlo sa almohadon. Maging ang kumot nito ay maayos rin ang pagkakatupi. Isang totoong ngiti ang ibinigay niya sa lalaki. Pinisil naman nito ang palad niya.

"O, siya, mabuti naman. Ang mga damit mo, Carlo, maayos na ba?"

Saglit na natigilan ang lalaki at napakamot ng batok. Sinalo naman niya ito sa tanong na iyon.

"Ipinaghanda ko po siya ng tubig, 'Ma. Ang damit naman, personal niyang inihahanda. Magkaiba kasi kami ng taste nitong anak ninyo kaya naman kahit nagsasama na kami, iginagalang ko pa rin ang personal preferences niya."

"Mas magiging matatag ang pagsasama ninyo kung ikaw pa rin bilang maybahay ang magpi-prepare niyon para sa kanya. Tanungin mo siya at kung ano ang gusto niya na pasado sa iyo, ihanda mo."

"Yes, Mama," ala-parrot niyang sagot na may diin ang 'mama.'

"Nasaan ang closet ninyo?" Nang malingunan nito ang lalagyan ng damit ay lumapit ito roon. Hindi naman siya kinabahan dahil alam naman niyang maayos iyon. Napag-usapan na nila iyon ni Carlo nang unang araw na lumipat ito sa apartment niya. Pagdating kasi sa bagay na iyon ay talagang masinop siya. Sinisiguro niyang nakahiwalay ang puti sa de-kolor at naka-sort ang mga damit ayon sa kulay at gamit.

Binuklat nito ang mga damit na naka-hanger at saka kinuha ang isang polo shirt na kulay moss green. "Okay ito. Maganda. Ito ang isuot mo, anak."

Bumitiw siya kay Carlo at saka nakibuklat sa closet. "Mama, mainit po ngayon. Parang hindi okay ang green. Mas maganda kung light color lang tulad nitong isang ito." Inilabas niya ang kulay murang dilaw at iniabot kay Carlo na inayunan naman nito.

SI ORANGE (The Pinay Cinderella)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon