SI ORANGE: Chapter 8

1.3K 33 2
                                    

"KAWAWA naman ang iba diyan. Nagpupumilit makisali sa relasyon nang may relasyon."

Napapikit sa labis na inis si Anastacia. Dating gawi. Naroon na naman ang grupo ni Marsha at pinagdidiskitahan na naman siya. Kung bakit kasi hindi niya agad napansin ang paglapit ng mga ito. Abala siya sa pagbabasa ng libro, tuloy ay na-corner siya ng mga bruha at ngayon ay iginigisang mag-isa.

"Naman! Ano ba naman ang aayawan mo kay Carlo? Guwapo na, matangkad at matalino pa."

"Pero kahit na! Kung may dyowa na ang boylet, dapat ay hindi na sinusulot, hindi ba girls?"

"Ano ang magagawa mo kung hobby 'yun ng ibang tao diyan?" ani Marsha na mariin ang paraan ng pagsasalita.

Hindi man niya iangat ang paningin mula sa binabasang libro ay alam niyang sa kanya lang at wala nang iba patungkol lahat ng mga iyon. Sa isip ay nagbilang siya ng hanggang sampu at nang akma na siyang tatayo para makipagsabayan sa mga ito ay saka naman nagsitigil ang grupo. Isa-isa itong tumalikod habang sige pa rin sa pagtatawanan.

Napailing siya, pilit na kinalma ang sariling damdamin. Tumayo na rin siya at isinukbit sa balikat ang dala niyang bag habang sa isang kamay ay ang mga dala niyang libro.

"Tasha..."

Nalingunan niya si Carlo at gayon na lang ang pagdamba ng puso niya nang mapagmasdan ito. He was just wearing an ordinary college uniform, carrying an ordinary bag and on his feet were ordinary shoes. Lahat naman ay ordinary dito pero bakit ganoon? Ang hindi yata ordinaryo ay ang tibok ng puso niya.

"How's your day, baby girl?" anitong nakangiti.

Inirapan niya ito. "Huwag mo nga akong tawagin nang ganyan. Baka may makarinig," kunwa'y inis na sabi niya.

"Bakit? May masama ba doon?"

'Oo dahil baka makarating kay Portia...' Sa halip na isatinig ang nasa isip ay minabuti na lang niyang hindi kumibo. Humakbang na siya bitbit ang bag at mga libro niya. Madali namang sumabay si Carlo.

"Huwag mo naman akong iwan!" habol nito. "Hindi nga ako um-attend sa practice ng team para hindi ka mainip sa paghihintay eh."

Sinulyapan niya ito. "Excuse me? Hindi po kita hinihintay, Sir."

Tinawanan ni Carlo ang naging reaksiyon niya. "Totoo?" nakangiti nitong sabi sabay hawi ng ilang hibla ng buhok niya upang iipit iyon sa kanyang tainga.

Kunwari ay pumiksi siya. "Busy ako." Binilisan niya ang paglalakad habang pilit naman itong umaagapay sa kanya.

"Tasha, ano ba?" bulong nito nang makakuha ng tiyempo. "Ano na lang ang iisipin ng mga nakakaalam tungkol sa pagtatanan natin? Na kay bago-bago ay nag-aaway na agad tayo?"

"Hayaan mo sila. I don't care about them, Carlo. Ang tatay ko lang ang concern ko."

"Exactly! Kung inaalala mo ang tatay mo, dapat ay sumagi na rin sa isip mo na makakarating sa kanya lahat ng kilos natin dito sa campus."

Napahinto siya sa paglalakad at napatingin dito. "Ganoon ba iyon?"

"Oo naman. Natural, kakalat ang balitang nagkakagalit tayo."

Napaisip siya, tapos ay nagningning ang mga mata. "Kung malalaman ni Tatay na nag-aaway na tayo, mag-aalala iyon...at kapag nag-alala si Tatay, paniguradong kukumbinsihin ako noon na bumalik sa bahay...at kapag hindi ako sumama, tiyak na pag-iisipan na niyang paalisin ang mag-iinang bruha sa bahay namin!" Namilog ang kanyang mga mata sa matinding excitement pero agad din iyong nawala nang marinig ang sinabi ni Carlo.

SI ORANGE (The Pinay Cinderella)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon