Chapter Ten

15.2K 634 23
                                    

NAGISING si Ayesha sa dampi ng malamig na simoy ng hangin. Manaka-naka ay naririnig niya ang hampas ng alon sa dalampasigan. Napagod siya sa biyahe. Nang ipakilala siya ni Boris sa Mama nito ay saglit lamang silang nakapag-usap ng ginang sapagkat hatinggabi na silang dumating. Antimano ay inihatid siya ni Boris sa magiging silid niya.

Bumangon siya upang mag-ayos ng sarili. Kinapa niya ang panali ng buhok sa pinag-iwanan niya kagabi. Wala siyang natatandaang may ginamit siyang hairbrush ngunit natagpuan niya iyon kasama ng rubberized na pantali sa buhok. Nang bumaba siya sa kama ay may nahagip na malambot na tsinelas ang kanyang mga paa. Napangiti siya. Kung sino man ang nag-abala sa mga mumunting bagay na iyon ay labis siyang natutuwa at nagpapasalamat.

Nakarinig siya ng mga katok mula sa pinto. Tutunguhin na sana niya iyon nang marinig niya iyong bumukas.

"Ay, mata na palan si Ma'am."

"Magandang umaga," hindi niya sigurado kung ano ang sinabi ng kausap, nginitian niya na lang ito.

"Magandang umaga din po, Ma'am. Ipinapasundo po kayo ni Sir Boris. Kung gising na raw po kayo ay samahan ko kayo sa komedor para makapag-almusal."

"Sige," tinanggap niya ang kamay nito upang magabayan siya sa paglalakad.

"Ako nga ho pala si Anna. Apo ako ng mayordoma nilang si Mamay Caridad."

"Ako naman si Ayesha," kumpara kay Rita ay magaan kaagad ang loob niya sa kausap. Hula niya rin ay mas bata ito sa kanya ng ilang taon.

"Magaganda ho ang mga beach namin dito. Kapag kailangan niyo ng makakasama sa pamamasyal ay ipatawag niyo lang ako."

"Salamat."

Hindi pa nila nararating ang komedor ay dinig na ni Ayesha ang usapan ng dalawang tinig mula roon. Si Boris at ang Mama nito.

"Maaga ka ba talagang gumising o hindi ka na naman nakatulog?" may bahid ng pag-aalalang tanong ng ginang.

"Marami lang ho akong iniisip."

"Negosyo o...babae?"

"'Ma—"

"Anak, hindi naman ako manghihimasok kung sakali. Ang totoo ay natutuwa nga ako dahil mukhang sa wakas ay nakaka-move on ka na pagkatapos ng mga nangyari."

"Mama, sinabi ko naman sa inyo na—" ang tangkang pagpapaliwanag ni Boris sa ina ay hindi nito naituloy. "Ayesha."

"G-good morning."

Narinig niya ang ingay ng iniusod na upuan. Kasunod noon ay naramdaman niya ang pamilyar na init ng kamay nito na humawak sa kanya. Iginiya siya niyon paupo sa hinila nitong upuan.

"Nakatulog ka ba nang mahimbing, hija?" narinig niyang tanong ng Mama ni Boris.

"Oho, salamat. Malamig at napaka-presko po ng hangin dito sa inyo."

"Ano ang gusto mong kainin?" mula sa kaliwa niya ay tanong ni Boris. Halos magkiskisan ang mga braso nila sa lapit ng kanilang upo. "Meron ditong sinangag, tapa, pritong dinaing na tuna, suman, scrambled eggs, bacon at longganisa—"

"Suman at kape na lang," mabilis niyang putol sa iba pa nitong sasabihin. Nalalanghap niya ang aroma ng freshly brewed coffee. Para siyang natakam uminom ng kape.

"No coffee for you. May freshly squeezed orange juice dito at tsokolate, take your pick."

Muntik na siyang mapasimangot kung hindi lamang niya naalalang kasalo nila sa hapag ang Mama nito.

"Ano ba ang masama sa kape? Kapeng barako naman 'yan at wala pang halong kemikal," biglang sabi ng ginang.

"Walang sustansya 'yon. Here, have some orange juice."

Boris Javier (Forever and Always)Where stories live. Discover now