Chapter Eight

15.1K 584 7
                                    

TAMILMIL na kinain ni Ayesha ang mga pagkaing ipinadala ni Luke sa kanyang mesa. Naroroon siya sa may poolside ng Polaris. Sa suhestyon ni Luke ay doon siya nag-almusal upang siya'y maarawan. Kakailanganin niyang magpalakas ng resistensya bago ang naka-schedule niyang operasyon sa susunod na buwan.

Napabuntong-hininga siya. Hindi na niya matandaan kung ilang ulit na niyang ginawa iyon. May isang linggo na ang nakararaan mula nang gabing iyon na nakasama niya si Boris. Sapul din noon ay hindi na niya ito muling nakasama o nakausap. Nang kaswal siyang magtanong kay Luke tungkol dito ay sinabi ng nakatatandang lalaki na umalis si Boris at may inaasikasong importante tungkol sa negosyo. Kung anuman iyon ay hindi na ito masyadong nag-elaborate.

Sinikap niyang abalahin ang sarili sa mga reading materials na dala-dala niya. Hindi niya tiyak kung ano ang buhay na naghihintay sa kanya pagkatapos ng operasyon. Gayunma'y mas malinaw na ang natatanaw niyang bukas para sa kanyang sarili. Lalo pa nga at very encouraging ang mga tao sa kanyang paligid. Partikular si Dr. Benson—ang kanyang ophthalmologist. Wala raw siyang dapat ipangamba sapagkat halos isandaang porsiyento ang success rate ng corneal transplant.

Naipikit niya ang mga mata nang maramdaman niya ang mainit na dampi ng araw sa kanyang mukha. Napangiti siya at nasabik na muling masilayan ang paglubog at pagsikat ng araw.

Malapit na.

Nang mangawit ang kanyang likod ay sumandal siya sa reclining chair. Nakasuot siya ng dark sunglasses at sino man ang makakita sa kanya ay aakalaing isa siya sa mga guest na nakatulog habang nagbabasa.

Kumusta na kaya siya? Nangungulilang daing ng puso niya.

Nakakapagtaka kung iisipin. Ni wala siyang ideya kung ano ang hitsura nito. Pero hayun at hindi lumilipas ang maghapon na hindi ito ang laman ng isipan niya.

Marahil kung hindi siya partially blind ay mauunawaan niya kung paano siyang na-attract dito. At least may basehan siya kung paano itong naging kaibig-ibig. Pero marahil ay sadyang ganoon ang hiwaga ng pag-ibig. Hindi nangangailangan ng depinidong dahilan. At higit sa lahat, hindi ito superficial.

"Mukhang nakatulog na ang alaga mo."

"Ang sarap nga ng buhay. Senyorita."

Ang balak na pagbago ng posisyon ni Ayesha sa reclining chair ay naudlot pagkarinig niya sa tinig ng dalawang babaing nag-uusap. 'Yong una ay hindi niya kilala; ngunit itong pangalawa ay natitiyak niyang si Rita. Hindi maikakaila ang inis sa tono ng pagsasalita nito. Bagay na nais niyang ipagtaka sapagkat wala siyang natatandaang atraso rito.

"Siya ba 'yong napapabalitang bagong girlfriend ni big boss?" medyo pabulong na tanong ng una.

"Girlfriend?" patuyang gagad ni Rita sa sinabi ng kausap. "Nakakatawa naman kayo. Isa lang 'yan sa mga charity case ni big boss. At saka paano niyo naman naisip na papatol 'yon sa isang ganyan, e, ni wala sa kalingkingan 'yan no'ng ex ni Sir Boris."

"Shh, ang boses mo."

"Medyo bingi 'yan, huwag kang mag-alala."

Naipikit ni Ayesha ang mga mata sa hapding humaplit sa kalooban niya. Bagama't hindi siya nag-iilusyon na maaari siyang magustuhan ni Boris ay masakit pa rin palang marinig ang katotohanan mula sa ibang tao.

"Wala ka namang lihim na galit sa alaga mo, ha?"

"Excuse me, hindi niya ako muchacha. Hindi bagay sa beauty ko. Marami nga ang nagsasabing nakakahawig ko 'yong ex ni Sir Boris. Nakakainis lang, dini-deadma niya ang aking kagandahan."

Tumawa ang kausap ni Rita. "Ang tayog ng ambisyon mo, girl. Nasa top floor ng Pol—"

Biglang natahimik ang kausap ni Rita. Kataka-takang biglang tumigil ang pag-uusap ng mga ito. Kasunod noon ay narinig niya ang nagmamadaling yabag ng dalawa habang papalayo.

Boris Javier (Forever and Always)Where stories live. Discover now