Chapter Three

17.6K 658 5
                                    

"JUICE colored. Akala namin ni Sam kung napa'no ka na?" nag-aalalang sabi ni Mayette nang sumalubong kay Ayesha pag-uwi.

Si Luke ang nagprisintang maghatid sa kanya pauwi. Tulad niya ay tila naging magaan din kaagad ang loob nito sa kanya.

"Tuloy ho muna kayo sa bahay para makapagkape," anyaya ni Ayesha sa nakatatandang lalaki.

Hula niya ay tumingin muna ito sa suot na relo bago sumagot.

"Sige. Tutal ay maaga pa naman."

Ipinakilala niya si Luke kay Mayette. Niyaya niyang maupo ito habang ang kaibigan niya ay nagpasintabing maghahanda ng maiinom sa kusina.

"Nag-aaral ka ng Braille? Iyon ang tawag nila sa mga ito, tama?" tanong ni Luke nang marahil ay mapansin ang mga textbooks niya na nasa ibabaw ng coffee table.

"Oho, eh. No'ng ma-diagnose ho kasi 'yong diprensya sa mga mata ko ay tinapat na kaagad ako ng doctor na kung hindi maaagapang ma-opera ay permanente na akong hindi makakakita. Kaya no'ng nakakapagbasa pa ako ay nag-research ako ng mga alternatibong trabaho na maaari kong pasukan pagdating ng araw."

"Sinukuan mo na kaagad ang posibilidad na makakakita ka pa?"

"May mga laban ho kasi na hindi pa man nagsisimula ay alam mo na kaagad na talo ka. Nang sabihin sa akin ng doctor ang presyo ng operasyon ay alam ko na kaagad na imposibleng maipon ko ang presyong hinihingi nila. Idagdag pa ro'n na may termino akong kailangang habulin. Makaipon man ako ng sapat na halaga, oras naman ang magiging kalaban ko," hindi niya gusto ang pakiramdam na para siyang nagpapaawa. Ngunit iyon ang totoo niyang kalagayan.

Nang isilbi ni Mayette ang kape para sa kanyang bisita ay sinikap niyang ibaling sa ibang paksa ang kanilang usapan. Nagtagal pa ng ilang sandali si Luke sa pakikipaghuntahan sa kanila. Maging si Mayette ay tila maganda rin kaagad ang vibes dito. Hindi na nila namalayan ang oras. Mabuti na lamang at wala siyang tugtog sa Frazier's, MWF kasi ang schedule niya. Nang magpaalam si Luke ay gabi na. Si Mayette na lamang ang naghatid dito hanggang sa sasakyan.

***

"HAVE you seen Luke?" makailang ulit na iyong itinatanong ni Boris sa bawat taong pumapasok sa kanyang silid. Mula kay Pil, sa mga empleyado sa Polaris at maging kay Alex.

"Nope. Although this is a first," tugon ni Alex matapos suriin ang kalagayan niya. "Siya ang pinaka-abalang taong kilala ko. Minsan nga akala ko apat ang katawan ni Luke na umiikot sa resort at casino."

Nagsasalubong ang kilay na sinimulan niya uling idayal ang numero ng cellphone ni Luke. Kanina pa panay lang ang ring ng cellphone nito ngunit walang sumasagot. Hindi niya tuloy maiwasang mag-alala...at mairita sapagkat kanina pa siya naghihintay ng balita mula rito. Kung anong balita ang inaasahan niyang marinig ay hindi niya rin maintindihan ang kanyang sarili.

Biglang namatay ang linya. Mahina siyang napamura.

Hindi nakaligtas sa kanya ang pag-iling ni Alex. "Will you just relax? I'm sure he's just around the corner, somewhere."

"He's not."

"What?"

"Siya ang naghatid kay Ayesha."

"Ah."

Tila lalong nadagdagan ang iritasyon niya sa reaksyon ni Alex. Hindi na niya inulit ang pagtawag kay Luke. May palagay siyang na-drain na ang baterya ng cellphone nito sa paulit-ulit niyang pagtawag. Mayamaya pa ay nagpaalam na rin si Alex. Bago umalis ay mahigpit nitong ibinilin na magpahinga muna siya ng ilang araw upang mas mapabilis ang paghilom ng kanyang sugat.

Naging kainip-inip ang mga sandali. At kahit hirap kumilos ay pinilit niyang tumayo. Nagtungo siya sa mini-bar at nagsalin ng alak. Nasa unang baso pa lamang siya ng iniinom na brandy nang pumasok sa kanyang suite si Luke.

Boris Javier (Forever and Always)Where stories live. Discover now