Chapter Nineteen

3.6K 108 12
                                    


MATAPOS ang klase ay niyaya ko si Jake na mag-shot. Tumuloy kami sa paboritong naming hangout place sa Adriatico sa Malate. Mura kasi ang beer dito. Pwede ka pang bumili ng fishball sa kalye para pulutan.

Alam kong may curfew si Jake pero hindi siya tumanggi nang yayain ko. Siguro'y natutunugan na niyang may problema ako. Ilang linggo na rin siyang nagtatanong ng tungkol kay Abby dahil hindi na ito nagpapakita sa campus.

"Ilang bote pa ba ng beer ang itutumba natin bago ka magsabi kung ano ang problema?" si Jake nang umabot ng bote ng Red Horse. Mauubos na namin ang isang bucket na inorder namin.

Napatingin lang ako sa kanya. Hindi ko gustong sabihin sa kanya ang tungkol sa kalagayan ni Abby. Ang gusto ko lang nang sandaling ito'y uminom. Makalimot.

"Gusto mo bang pasunurin ko sina Ryan at Greg?" tanong niya uli. Tropa ni Jake no'ng high school ang dalawa na naging common tropa na namin. Kabilyaran at kainuman.

Umiling ako. "Huwag na, p're. Ikaw lang sapat na," pagbibiro ko na may kasamang kindat.

Inumpog ni Jake ang dulo ng bote niya sa bote ko. "Ano ba kasi ang problema, brader? Si Abby ba? Wala na ba kayo? Hanap uli ng bago."

Halos napangalahati ko ang laman ng bote ko nang lagukin ko ang bagong bukas na beer ko. Ang sarap nang hagod ng iced cold na alak sa lalamunan ko. Na-miss ko ang mapait at matamis na lasa ng beer.

"Mukhang tinamaan ka nang matindi," komento ni Jake. "Akala ko pang-move on-move on mo lang siya."

"Pare, naniniwala ka ba sa himala?" tanong ko nang ilapag ko ang bote sa mesa. Iyon na lang kasi ang pinanghahawakan ko makatutulong kay Abby.

Sandaling napatitig sa akin si Jake na parang tinitiyak kung seryoso ba ako sa tanong ko.

Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko alam. Depende."

Napabuga ako ng hininga. Simula kagabi ay panay na ang dasal ko na gumaling si Abby sa sakit nito. Ayoko itong mawala sa akin. Hindi ko alam kung kakayanin ko.

"Pero ang sabi ng nanay ko," dugtong na sabi ni Jake, "ang himala raw ay hindi bagay o pangyayari."

Nakuha niya ang atensyon ko.

"Ang himala raw ay 'yong mga taong dumarating sa buhay natin at nagpapabago sa atin."

Matagal na sandaling napatingin ako kay Jake at napaisip sa sinabi niya. Naalala ko bigla 'yong araw na una kong nakilala si Abby, noong araw na nagpasya akong magpakamatay.

Natatandaan ko noon na humiling ako sa Diyos na makita at magkausap lang kami ni Lindsey ay hindi ko na itutuloy ang pagpapakamatay ko.

Sa bigat ng nararamdaman ko ay napangiti ako nang ma-realize ko na tama ang nanay ni Jake. Dahil na-realize ko na noong araw na humiling ako ng himala sa Diyos, hindi si Lindsey ang ibinigay Niya sa akin kundi si Abby. Dahil kay Abby ay hindi natuloy ang pagpapakamatay ko.

Inabot ko ang nag-iisang bote ng beer sa bucket at binuksan iyon.

"Brad, may lakad ka ba?"

Napatingin ako kay Jake sa tanong niya.

"Wala pa tayong thirty minutes na nakaupo rito nakaka-apat na bote ka na."

Bumagsak ang tingin ko sa apat na bote sa harap ko. Tatlo ro'n ay wala nang laman. Nakakadalawang bote pa lang si Jake. Hindi ko namalayan na naparami na pala ang inom ko.

PARANG mabibiyak ang ulo ko sa sakit. Bumungad sa nanlalabo ko pang paningin ang maliwanag na fluorescent lamp sa kisame ng kuwarto ko.

Nakahiga ako sa... kama ko?

Somewhere Between Moving On and YouWhere stories live. Discover now