Chapter 23: Maddieson Paredes

96.6K 4.7K 2.6K
                                    

23.

Maddieson Paredes

Third Person's POV


Dala ang isang folder na puno ng mga nakalap na impormasyon, naguguluhang pumasok si Skylark sa isang napakalaking gate na may napakalawak na hardin. Mistulang napaka-tahimik at napaka-tiwasay ng buong lugar lalo pa't karamihan sa mga nakikita niya ay mga pasyenteng nakaupo lamang sa wheel chair habang pinapasyal ng mga nurse na kasama.


"Anong maitutulong ko hijo?" Lumapit kay Skylark ang isang may-edad na lalakeng may nakasabit pang stethoscope sa kanyang leeg at may bitbit itong isang clipboard. Kahit hindi tanungin, halatang isa itong doktor.


Agad na ilibas ni Skylark ang ID mula sa bulsa niya, "Ako si Skylark Montoya, ako yung tumawag kaninang umaga para kumuha ng impormasyon tungkol kay Maddieson Paredes, base kasi sa mga nakalap kong impormasyon, naging pasyente mo siya rito."


"Ah, ikaw pala iyong nakausap ko kanina. Kasalukuyang wala ang director ng facility kaya naman ako muna ang kakausap sayo tungkol dito." Tumango-tango ang doktor at nagsimulang maglakad patungo sa napakalaking gusaling nagsisilbi palang kanlungan at pasilidad para sa mga taong nasiraan ng bait at wala sa tamang pag-iisip.


"Hindi po ako magtatagal dito, gusto ko lang po talagang makuha ang records ni Maddieson Paredes para sa kasong hawak ko." Giit ng bagitong pulis habang sumusunod sa doktor.


"Sinong Maddieson Paredes?" Biglang tanong ng doktor kaya naman agad na nakunot ang noo ni Skylark.


"Ha? Akala ko ba naging pasyente niyo dito si Maddieson Paredes?" Naguguluhang sambit ni Skylark na nagsisimula nang mainis.


"Hindi, ang ibig kong sabihin, sinong Maddieson Paredes?" Muling giit ng doktor.


***


Nakangiwi, hindi makapagsalita at labis na naguguluhan si Skylark nang inilapag ng doktor sa mesang nasa harapan niya ang labing-limang folder kung saan nakasulat ang pangalang "Maddieson Paredes". Ang tanging kaibihan lamang sa mga ito ay may kaakibat itong mga numero, mula kay "Maddieson #1" hanggang kay "Maddieson #15".


"T-teka, iba-ibang tao sila? May labing-limang Maddieson Paredes?" Tanong ng litong-litong si Skylark.


"Labing-limang babaeng naniniwalang sila si Maddieson Paredes." Agad na napalingon si Skylark sa pinto nang may marinig siyang pamilyar na boses mula rito. Laking gulat niya nang makitang muli si Detective Chen, ang taong nagsilbi niyang guro sa lahat ng bagay.


Naguguluhan man, agad na binuksan ni Skylark ang unang folder at nakita niya ang litrato ng isang babae. Dali-dali niyang binasa ang impormasyon tungkol sa kanya.


"Taong 2000, nangyari ang isang krimen kung saan pinatay ang isang buong pamilya. Nahuli ang may kagagawan, si Maddieson Paredes." Paliwanag ni Robbie Chen at itinuro ang isang CD na agad namang pinaandar ng doktor sa isang laptop upang mapanood mismo ni Skylark.

Skeletons in her closetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon