Chapter Eight: Binabagyong Puso

2K 40 16
                                    

     Maagang nagising si Ginny nang araw na iyon, iyon na ang huling araw nila sa isla ng Cagbalete kaya naman nais niyang magkaroon ng ilang oras na makapagisip-isip nang mag-isa. Mamayang tanghali ay babalik na silang muli ni Jordan sa Cavite, babalik na siya sa realidad pero hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam kung ano ang susunod na hakbang. Nakapagpahinga ng kaunti ang kanyang puso't isipan pero alam niyang tumatakbo ang oras, at alam niyang kailangan na niyang ipagtapat sa kanyang Lola ang lahat. Ilang araw na lang din at darating na ang kanyang Ina at hindi niya maitago sa sarili ang takot na nararamdaman sa maaaring sabihin nito. Sigurado siyang lalabas ang mga salita ng kabiguan katulad ng mga narinig nito nang nagsipag-asawa ang kanyang mga ate. Nakapagtapos ng kolehiyo ang nakatatanda niyang mga kapatid pero nag-asawa din ito kaagad at hindi na nakatulong pa sa pamilya. Madalas niyang marinig ang sumbat sa bibig ng kanyang Ina, na mag-isa na nga lang siyang tumataguyod ng pamilya, hindi pa magsikap ang kanyang mga anak. Nangako si Ginny sa kanyang Ina na makatapos lang siya ng kursong nursing ay pagpapahingahin na niya ang kanyang Ina sa pagtatrabaho, pero mukhang malayo nang matupad pa ang pangarap niyang maging isang nurse. 

     Naalala niya ang mensaheng pinadala ni Lorenz, hindi pa pala niya ito binubuksan. Binuksan niya ang cellphone at ang mensahe sa kanyang inbox. 

Kumusta ka na Ginny? Pag-isipan mo sana ang mga sinabi ko sa'yo. Kaya kitang sustentuhan, pero hindi ko maiiwan ang pamilya ko.

     Tila ba isang patalim ang sumaksak sa puso niya. Hindi niya alam kung nasaktan siya para sa sarili o para sa magiging anak o kaya ay para sa pamilyang niloloko ni Lorenz. Sino bang nagsabi na iwan ni Lorenz ang pamilya niya? Minura ni Ginny si Lorenz sa kanyang isipan kahit hindi naman talaga siya sanay na magmura. Katulad ng nakararaming lalake, sumama rin sa iba ang kanyang Ama. Nakita niya ang pagdudusa ng kanyang Ina at pagpapakahirap ng kanyang Lola kaya naman sinabi niya sa sarili na kahit anong mangyari ay hindi siya papatol sa may asawa. Mataas ang respeto niya sa kasal, siya ang tipo ng babaeng naniniwala sa soulmates at sa destiny. Pero nilinlang lamang siya ni Lorenz, nagpauto siya, nagpakatanga. Ang tanga tanga niya. Sana nag-usisa man lang siya sa lalake kung bakit hindi man lang siya ipinakilala sa mga kaibigan o sa pamilya nito. Sana nagtanong siya kung bakit sa madaling araw lang siya puwedeng kitain ni Lorenz. Sana... napakaraming sana! Pero huli na ang lahat.

     Kung tatanungin siya ngayon ay hinding hindi niya matatanggap na tumayong ama ito para sa kanyang magiging anak. Hangga't maaari ay ayaw na niya itong makita pang muli. Nagpasya siyang hindi sumagot sa mensaheng iyon ni Lorenz. Makakalimutan rin kita Lorenz, hindi man ngayon pero gagawin ko ang lahat. Manloloko ka... iniyak ni Ginny lahat ng kanyang maiiyak habang sa bandang silangan ng isla ay pasikat ang araw. Hawak hawak niya ang kanyang puso at ang kanyang tiyan. You'll be fine baby, we will both be fine. Hindi ka papabayaan ni Mommy. 


     "Nandito ka lang pala Ginny. Kanina pa kita hinahanap, nilibot ko na ang buong resort. Hey, umiiyak ka ba?" 

     "Naaalala ko na naman kasi ang lahat ng katangahan ko Jordan, naaalala ko ang lahat ng kabiguan. Para akong mamamatay k-kung hindi ko ito ilalabas." Tuluyan na ngang humagulhol si Ginny. "Hindi ko alam kung paano ko siya makakalimutan." Niyakap ni Jordan si Ginny, inalo ito at hinimas ang mahabang buhok, iyon lang ang kaya niyang gawin sa mga oras na iyon. Nanatili sila sa ganoong puwesto hanggang sa tuluyan nang tumaas ang araw. Habang unti unting tumataas ang alon ng dagat, ay nakatitig naman ang dalawa sa kawalan, nilalasap ang mga emosyong umaalpas sa puso ni Ginny. Sa ilang sandaling pagyakap na iyon ni Jordan ay nagkaroon ng kapayapaan sa puso ni Ginny, hindi niya alam kung papaano pero siya tila ba napagod na lang ang kanyang baga sa pag-iyak. "Masasanay ako sa yakap mo Jordan."

     "Ayos lang 'yan, mag-schoolmates naman tayo. 'Pag sa tingin mo ay kailangan mo kayakap, i-message mo lang ako."

     "Siraulo ka talaga."

Sakit ng KahaponHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin