Chapter Fifteen: Sapat na ang Minsan

1.3K 19 8
                                    

     Tahimik na lumabas si Ginny mula sa kwarto, ilang oras nang nakakaraan mula nang umalis si Lorenz. Tahimik ang buong bahay, at tanging paglalaro ni Gigi lamang sa sala ang maririnig. "Ginny, may gusto ka bang sabihin sa amin?" tanong ni Lola Malyn na nakaupo kanina pa sa may sofa. Kaharap nito si Nina na siyang umaalalay kay Gigi sa paglalaro. Nanlamig ang buong katawan ni Ginny, tila siyang nanigas sa pagkakatayo. 

     "Narinig namin ni Lola nag pag-uusap niyo ni Lorenz." sabi ni Nina. "Totoo bang siya ang ama ng dinadala mo?"

     "Alam mo apo, hindi ka naman namin hinuhusgahan sa mga desisyon mo, kasi pinili mo naman iyan. Ang hindi ko lang maintindihan ay bakit sa loob ng ilang buwan ay nagawa mo kaming pagsinungalingan." Hindi na napigilan ni Ginny ang maluha, sunod sunod na patak ng luha ang pinakawalan ng kanyang mga mata. Lumakad siya nang parang bata patungo sa kanyang lola at saka yumakap dito habang humagulhol. 

     "Sorry po Lola, sorry po!" aniya sa kanyang mga hikbi. "Ayoko lang na ma-disappoint kayo sa akin. Isang malaking pagkakamali po ang nagawa ko, nagsinungaling ako sa inyo noon." Humagulhol siya nang tuluyan, samantalang si Malyn naman ay nanatiling isang bato. "Pinili akong hindi panagutan ni Lorenz ngayon. Takot na takot po ako..."

     "Napakasakit ng ginawa mo Ginny, hindi lang ako ang niloko mo, pati ang Mama mo, at ang buong mundo Ginny!" pasigaw at galit na galit na giit ng matanda. 

     "Ayoko lang po na ma-disappoint kayo sa akin, lalong lalo na at malaki ang tiwala niyong makapagtapos ako ng pag-aaral. Hindi ko po malaman ang gagawin ko noon." Napayuko si Nina sa narinig, alam niyang isa siya sa dahilan kung bakit napakalaki ng ekspekstasyon ng lahat kay Ginny, natatakot ang lahat na baka magaya ito sa kanya at sa isa pa nilang kapatid na mabilis nagsipag-asawa matapos makapagtapos ng pag-aaral. 

     "Mahal kita apo, ngunit hindi pa kita mapapatawad sa ngayon. Pagbalik mo sa hacienda nina Jordan ay dapat maipagtapat mo sa kanila ang katotohanan o habambuhay kang magdurusa sa kasinungalingang iyong pinaninindigan." Tumayo si Malyn at nagtungo sa kwarto. Naiwang impit na umiiyak si Ginny habang si Nina naman ay umupo sa kanyang tabi, hinahagod ang kanyang likod. 

     "Tama na ang pag-iyak, makakasama iyan sa baby mo," anito. 


     Nang sumunod na araw ay maagang nagising si Ginny, tutungo kasi siya sa clinic para makapagpa-check up. Sinamahan siya nina Mang Kanor at ni Nina. Ngayon na nila malalaman kung ano ang kasarian ng magiging anak niya. Sa ultrasound room ay doon siya nahiga habang si Nina naman ay hawak ang kanyang kamay. Malaki na nga talaga ang kanyang tiyan at nahihirapan na rin siyang maglakad kung minsan. "Aba, sumisipa si baby mo o!" puna ni Nina na siyang ikinangiti naman ni Ginny. 

     "Excited na atang lumabas." Nakangiting tugon niya. Pinahiran na siya ng malamig na ultrasound gel sa tiyan at saka pinagana ang mismong ultrasound sa tiyan niya. Halos maluha siya nang makita niya ang hitsura ni baby. Nakita niya ang buong katawan nito, napakaliit at tila natutulog. 

     Itinuro ni Doktora Sanchez ang lugar ng ari ng sanggol. "Congratulations, it's a boy Ginny!"

     "Wow, lalake ang anak ko!" Walang mapaglagyan ang saya ni Ginny. Napayakap naman sa kanya si Nina. 

     "Ang gwapo naman ni baby, mag-isip na tayo kung ano ang ipapangalan natin sa kanya!" masayang sabi ni Nina. "Sa wakas at may kalaro nang lalake si Gigi!"

     "He looks healthy and normal. Nasaan pala ang ama ng bata? Bakit sa pagkakataong ito ay hindi mo siya kasama?"

     "Lumipat na po kasi kami sa probinsya Doc, nagkataon lang na binisita ko dito sina Lola kaya naisip kong magpa-appointment na rin."

Sakit ng KahaponTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon