Chapter Nine: Pagpapanggap

1.6K 20 1
                                    

     Habang binabagtas ng bus na sinasakyan nina Ginny at Jordan ang daan pabalik ng Cavite, tahimik lamang ang dalawa na nakatuon ang mga mata sa bintana, nag-iisip, nakikiramdam. Dahil sa bagyo, kinailangan nilang manatili ng isa pang gabi sa isla ng Cagbalete, ngunit hindi na ulit silang nagusap ng tungkol sa mga personal na bagay. Hindi na rin maintindihan ni Ginny ang kanyang nararamdaman para kay Jordan. Sa ilang araw na magkasama sila ay sobrang nawili siya rito. Hindi mahirap mahalin ang isang tulad ni Jordan, na lahat na ata ng katangian ay siyang kabaligtaran ng kay Lorenz. Pero, bulong ni Ginny sa sarili, Hindi pa ito ang takdang panahon. Marami pa siyang dapat ayusin sa kanyang sarili, kasama na ang batang nasa sinapupunan niya. 

     Nang makarating sila sa Cavite ay inalok ni Jordan na ihatid si Ginny sa kanila, pero tumanggi siya. "Kaya ko na 'to mag-isa, huwag kang mag-alala. Kailangan ko rin ng ilang oras na mapag-isa bago kami magkita ni Lola. Hanggang ngayon di ko pa rin alam ang sasabihin ko sa kanya. Bahala na siguro..." Hinawakan ni Jordan ang nanlalamig na kamay ni Ginny, isang bagay na kanina niya pa gustong gawin.

     "Willing pa rin ako sa in-offer ko sa'yo. Um-oo ka lang at sasama ako ngayon sa'yo Ginny."

     "Jordan, hindi kita kayang hilain pababa sa isang sitwasyon na tulad nito. Isipin mo ilang araw pa lang tayo magkakilala pero gusto mo nang akuin ang isang responsibilidad na wala ka namang kinalaman. At isa pa, ayokong isugal ang puso ko! Paano kung mamaya ay makahanap ka ng mas nararapat para sa'yo? Jordan, paano kung tuluyan nga akong ma-inlove sa'yo? Nabigo na ako nang unang beses, ayoko nang mabigo pang muli, dahil napakasakit..." naiiyak na sabi ni Ginny. Nasa isang sulok sila ng bus terminal at kahit maraming tao ang nasa paligid ay hindi niya ito inalintana. 

     "Sinong nagsabi na hihilain mo ako pababa? I know this is a crazy idea, pero ilang araw na akong nag-iisip kung ano ba itong makulit na nararamdaman ko na nagsimula pa noong araw na nakita sa library. I have been wanting to see you again after that day, pero hindi na kita mahagilap sa school. Until that morning in the bus. Knowing na buntis ka at that time doesn't change this god damn feeling, na akala ko dati, isang munting crush lang. Hindi ako istupidong tao, Ginny. Pinagiisipan kong mabuti ang bawat sitwasyon na pinapasok ko. Oo nung una, crush lang kita, pero makalipas ang ilang araw na pagsasama natin, it started to grow into this fucking feeling. Pasensya ka na, hindi pa ako nai-inlove sa buong buhay ko, pero kung ito na ba ang pag-ibig na sinasabi nila, hindi ako papayag na pakawalan pa kita."

     "See, hindi ka pa nga sigurado sa nararamdaman mo sa akin eh, pero gusto mo nang tumayo bilang ama ng magiging anak ko? Permanenteng posisyon ang gusto mong aplayan sa buhay ko, Jordan. Hindi ka si Superman, hindi mo ako maililigtas."

     "Ginny, nakita ko kung gaano mo kamahal ang Lola mo, ang Mama mo. Sinabi mo na rin sa akin ang istorya ng mga Ate mo. Ayaw mo silang ma-disappoint, but what you're going to do at this moment is disappoint them. Why don't we forget about these feelings first, kung talagang hindi pa tayo sigurado? Hanapan muna natin ng solusyon ang problema mo. Kapag nalaman nila na pamilyadong tao ang nakabuntis sa'yo, they'll be heartbroken Ginny. I am the solution to this problem." Napabuntong hininga si Ginny, may punto si Jordan. Ang saktan ang kanyang pamilya ay ang huling bagay sa mundo na gusto niyang gawin. "May paraan pa, at eto na ang paraang iyon."

     "Nababaliw ka na ngang talaga Jordan. Isang malaking kasinungalingan ang gagawin natin. Hindi rin natin masisigurado na masosolusyunan mo ang problema ko. Buntis pa rin ako at eventually, kailangan kong huminto ng pag-aaral."

     "Isang kasinungalingan na tayong dalawa lang ang makakaalam. Hindi nga ito ang magpapawala ng problema, pero this will lighten things. Hindi mo kailangang harapin ito ng mag-isa." tugon ni Jordan. Ilang segundong natahimik si Ginny. Napasandal siya sa isang poste dahil tila ba nawalan siya ng lakas para makipagtalo kay Jordan at sa kanyang sarili. Inisa-isa niya ang lohika, ang mga rason para sa desisyong kanyang gagawin. Unang una, hindi pa siya sigurado sa nararamdaman niya kay Jordan dahil ilang araw pa lang silang magkasama. Pangalawa, hindi niya kayang saktan ang mga taong mahal niya sa buhay - ang kanyang Lola at ang kanyang Ina. Ito ang pahayag na mas tumitimbang sa kanyang pagkatao. Humugot siyang muli ng isang malalim na hininga. 

     "Paano kung um-oo ako?"

     Hindi sumagot si Jordan sa tanong na ito, sa halip ay ibinaba niya ang kanyang mga dalahin at lumapit kay Ginny. Hinawakan ng kanyang dalawang kamay ang nakasimangot na mukha nito, at saka hinalikan ang mga labing nangungusap. Napapikit na lamang si Ginny, hindi malaman ang gagawin kung hindi ang gantihan ang halik na pinapataw ni Jordan sa kanyang mga labi. Malalim ang halik at hinahayaan niya ang kanyang sarili na malunod dito. Ilang segundo silang nanatili sa ganoong posisyon bago tuluyang naglayo ang kanilang mga mukha. 

     "Tara na, pumunta na tayo sa Lola mo at ako na ang bahalang magpaliwanag."

     Masayang sinalubong ni Malyn ang apo sa may gate. Maluha-luha pa nga nang mayakap na niya si Ginny. "Kumusta ka na apo? Mabuti naman at nagbalik ka na, sobrang nagalala ako sa'yo!" 

     "Lola, pasensya na po at pinag-alala ko kayo." 

     "Nabasa ko ang sulat mo at akala ko hindi ka na babalik. Pilyo ka talagang bata ka," anito sabay halik sa pisngi ni Ginny. Natuon ang mga mata nito sa lalakeng kasama nito, kayumanggi, matangkad at guwapo. "Siya na ba ang nobyo mo Ginny?"

     "Ako nga po, Lola. Ako po si Jordan." Inabot ng binata ang kamay ng matanda at saka ito nagmano. "Kinagagalak ko po kayong makilala."

     "O siya, pumasok na muna kayo sa loob. Nagluto ako ng turon, halina kayo dali," yaya ng matanda. Malawak ang sala ng kabahayan at gawa sa kahoy ang mga kasangkapan. Nakapatay ang TV, sa halip ay radyo ang maririnig na siyang naglalabas ng musikang jazz. Makikita sa mga dingding ng sala ang mga larawan ni Ginny at ng kanyang mga ate nung siya ay bata pa. Ilang sandali lamang ay dumating na si Lola Malyn at ihinain ang ilang ilang turon at mainit na tsokolate. "Paborito ito ni Ginny. Sige kumain na kayo." 

     "Maraming salamat po, paborito ko rin po ang turon at hot chocolate." sabi ni Jordan.

     "Kailan pa kayo nagkaroon ng relasyon ng apo ko iho?" Natigilan sa pagsubo ng turon si Jordan. Nagkatinginan silang dalawa ni Ginny. 

     Sa pagkakataong ito ay si Ginny ang tumugon, "Mga ilang buwan na rin po Lola, sorry po kung hindi ko nabanggit sa inyo."

     "Kung ganoon, ang lalakeng ito ang rason kaya ka madalas na tumatakas pag hatinggabi? Siya pala ang kinikita mo." Halos mabilaukan si Ginny sa kanyang iniinom na mainit na tsokolate. Alam pala ng kanyang Lola ang mga pagtakas niya nitong mga nakaraang buwan.

     "Ganoon na nga po Lola." tahimik na tugon nito. Ano pa kaya ang alam ng Lola niya?

      "Sige apo, ipagpatuloy mo lang ang sasabihin mo."

     "Lola, b-buntis po ako-"

     "Pero pananagutan ko po siya." mabilis na sabat ni Jordan. "Hindi ko po pababayaan si Ginny."

     Natahimik si Malyn na tila ba nag-iisip. "Mahal mo ba talaga ang apo ko, iho?"

     "Opo, mahal ko po siya," walang agam agam na sumagot ang binata. "Mahal na mahal." Napalunok si Ginny, tila ba siya ay mabubulunang muli, pilit na nilalagay, sa kanyang kukote na ginagawa lamang iyon ni Jordan para sa kanyang kapakanan. 


Sakit ng KahaponWhere stories live. Discover now