Chapter Twelve: Umagang kay Ganda

1.6K 24 15
                                    

   Nang gabing iyon ay magkatabing natulog sina Ginny at Jordan. Eto ang pangalawang beses na magtatabi sila sa iisang kama, at hanggang ngayon ay kinakabahan pa rin si Ginny sa tuwing magdadantay ang kanilang mga balat. Mabilis na nakatulog si Jordan habang si Ginny naman at tahimik na pinagmasdan ang lalake. Kahit ilang buwan na silang magkasama, may mga bagay pa rin na tila ba bago sa kanya. Eto ang unang beses niyang napansin na mahahaba pala ang mga pilikmata nito. Mahinang hilik ang pinapakawalan nito at kung makagapos ito sa kumot, tila ba ito ay maaagawan ng candy. "Ang cute pala nito matulog..." bulong ni Ginny sa sarili. Nang gabing iyon ay mahimbing ding nakatulog si Ginny at lingid sa kanyang kaalaman ay maging si Jordan ay pinagmamasdan din siya. 


     Nagising si Ginny nang umagang iyon na wala si Jordan sa kanyang tabi. Mataas na ang sikat ng araw na siyang pumapasok sa loob ng kwarto. Nag-unat si Ginny at saka napagdesisyunang bumangon. Nag-ayos siya ng kanyang sarili at saka siya lumabas ng kwarto para hanapin kung nasaan si Jordan. Walang ano-ano'y nakasalubong niya si Martha sa may hagdanan. "Magandang umaga Ginny! Kumusta ang tulog mo?"

     "Sa sobrang sarap po ay tanghali na akong nagising, magandang umaga rin po sa inyo."

     "Tama ka, ang alas nuwebe dito sa hacienda ay tanghali na para sa nakararami. Si Jordan ay alas singko pa lang ay gising na."

     "Pasensya na po, nakakahiya naman-"

     "Ano ka ba iha, wala kang dapat ipagpasensya. Hindi kita masisisi dahil napaka-komportable naman talaga ng kama ni Jordan, bagong dating lang ng kama galing London, pina-order ng lola niya. Anyway, halika na, mag almusal ka muna."

     "S-sige po."


     Mag-isang nagalmusal si Ginny nang umagang iyon at hindi siya sanay. Sana man lang ay nagpaalam muna sa kanya si Jordan bago ito umalis, inis na usal ni Ginny sa sarili. Sa malaki at mahabang hapagkainan kasi ay siya lang ang mag-isang nakaupo. Pinagsilbihan siya ni Agatha, isa sa mga katiwala sa bahay na naka-uniporme pa. Hindi malaman ni Ginny kung mahihilo o kung ano, hindi siya sanay na siya ay pinagsisilbihan ng ibang tao. "Agatha, nag-almusal ka na ba? Bakit hindi mo ako sabayan dito?"

     "Nag-almusal na po ako Madaam," mahinhing tugon nito.

     "Naku, 'wag mo na akong tawaging Madaam, baka magkasing-edad lang tayo. Ginny na lang."

     "Sige po," nakangiting pagsang-ayon nito. "'Wag niyo pong kalimutang uminom ng gatas para sa baby. Galing po 'yan dito mismo sa farm, fresh pa po. Lahat po ng nakahain ngayon dito ay galing mismo sa farm ng mga Dela Fuente."

     "Sige, salamat. Alam mo ba kung nasaan si Jordan?"

     "Kasama po ng papa ko si Sir Jordan, mamaya po ay ipagda-drive ko po kayo kung saan sila naroroon. Pinagbilin po kayo niya sa akin kaninang umaga na ihatid ko po kayo sa may bukid."


     Matapos mag-almusal ay tumungo na ang dalawa sa may norteng bahagi ng hacienda. Malawak na bukirin ang kanilang dinaanan sakay ang isang puting van. Dahan dahang magpatakbo si Agatha dahil may pagkalubak lubak ang daanan. "Mahigit isang daang ektarya ang lupaing pagmamay-ari ng hacienda," pagkukuwento nito. "At mahigit isang daang katao rin ang trabahador dito. Sa galing ng pamamalakad nina Madaam Felicidad at Sir Carlito, ngayon po ay tahimik at mapayapa ang buong hacienda. Masaya ang mga trabahador dito, kumpara sa mga karatig hacienda. Maayos silang magpa-suweldo, minsan po ay may bonus pa," masayang pagkukuwento ni Agatha. "Dito na nga po ako lumaki, ang ama ko ang siyang pinuno ng mga magsasaka dito. Bata pa lang po kami ay magkalaro na kami ni Sir Jordan."

Sakit ng KahaponTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon