Kabanata 51

868 33 25
                                    

|Kabanata  51|

“Mahal ko, bakit mo naisip na ipasok si Kristina sa ganitong sitwasyon?”

“Nakabubuti iyon sa kaniya, Florentina.”

“Nakabubuti? Paano naman nangyari iyon?”

“Huwag mo ng itanong pa ang malinaw na. Alam ko ang aking ginagawa.”

“Bakit mo nilihim sa akin ito? Kailan pa nangyari ang kasanduang ito? Inalam mo ba ang mararamdaman niya kung mangyari ang ninanais ninyo?”

“Panahon na upang gumawa ng hakbang ukol sa bagay na ito. Florentina, hindi na siya bata. Oras na upang magsimula na siya ng kaniyang sariling pamilya at tumayo sa sarili niyang mga paa. Hindi na natin siya nararapat na itago o hayaan na magmukmok rito sa mansiyon.”

“Bakit? Sapat ba iyon na dahilan upang pangunahan mo ang nais niya? Ngayon at alam ko na kung bakit mo hinahadlangan ang relasyon niya kay Joaquin.”

“Hindi iyon paghahadlang, Florentina. Alam ko ang nakikita ko. Bunga lamang iyon ng kanilang mga batang pag-iisip. Hindi iyon tunay na pagmamahal.”

“At paano mo nasabing paghanga lamang iyon? Sinasaktan mo ang damdamin nila. Hayaan mo na sila, pakiusap lamang.”

“Hindi ako bulag, Florentina. Kaya ko nga ginagawa ang bagay na ito upang maging maayos ang kanilang hinaharap.”

“Tila nabatid ko na ngayon kung bakit hindi nais na makipagkasundo ni Kristina sa iyo matagal na panahon na. Ito pala ang dahilan? Alam na niya ang tungkol sa bagay na ito? Bakit hindi man lang niya nagawang sabihin sa akin ang katotohanan?”

“Pagsabihan mo siyang putulin na niya ang kanilang relasyon ni Joaquin. Hindi siguro magandang pakinggan at makita ng mga taong siya ay ikakasal na ngunit mayroong kasintahang iba.”

“Mahal ko, mas mainam naman sigurong ang kasal ang inyong putulin. Hayaan na natin siyang piliin ang taong nais niyang makasama at maging kabiyak.”

“Hindi ko na uulitin pa iyon, Florentina.”

“Kung ako ba...ipinagkasundo ng ama ko sa iba hindi ka ba masasaktan?”

Tahimik lang akong pinakikinggan sina Ama at Ina na nagsasagutan. Nagising ako dahil sa mga boses nilang namamayani sa buong silid. Hindi ko man ibinuka ang mga mata ko ngunit alam kong nasa may paanan lamang sila ng hinihigaan ko.

Lihim na lang akong bumuntong-hininga dahil sa mga naririnig nila. Ayaw ko silang mag-away pero hindi talaga maiiwasan dahil sa hindi inaasahang pangyayari.

Tama nga talaga ang hinala kong walang alam si Ina tungkol sa kasunduang ito.

“Ilagay mo na lamang ang iyong sarili sa paa ni Joaquin. Hindi ka ba masasaktan kung nakita mo akong ikinasal sa iba gayong iniibig mo ako?”

Ilang sandaling nanatiling tahimik at hindi sumagot si Ama. Bahagya kong ibinuka ang mga mata ko at nakitang nakatayo nga sila sa may paanan ng hinihigaan ko. Nakita ko naman sina Kuya na magkakatabing nakaupo sa may kanan ko. Nakahanay sila mula panganay hanggang sa nakababata. Nakayuko lamang sina kuya Lucas at Marco habang si Kuya Lucio naman ay maya’t-maya ang pagtingin kina Ina, naghahanda na tumayo sakaling may dapit na pigilan.

“Magkaiba ang atin at kanila, Florentina.”

Napatitig pa si Ama kay Ina. Tila may nais pa siyang sabihin ngunit tumalikod na lang ito at naglakad paalis. Namayani ang yabag ng kaniyang mga sapatos hanggang sa nakalabas na siya ng silid. Narinig ko naman ang malalim na pabuga ng hangin ni Ina at walang ganang naglakad papunta sa hinihigaan ko at umupo sa dulo.

Sa Taong 1890Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon