6

9.2K 324 45
                                    


TATLONG linggong hindi sila nagkita ni Troy. Tila ba nag-iiwasan sa isa't isa. At napuna iyon ng mga magulang ni Jea.


"Nagkakagalit ba kayo ni Troy, Jea?" si Patrick minsang nasa harap sila ng hapunan."H-hindi ho, Daddy. Bakit n'yo naman naitanong?" Tinapangan niya ang sariling salubungin ang mga mata ni Patrick at muli ring yumuko sa pinggan.


"Dati-rati'y parati dito ang lalaking iyon kung hindi man ikaw ang nasa kanila. At bakit hindi si Troy ang nagdala ng imbitasyon dito para sa anibersaryo ni Victor at Inez?"


"Dad, alam naman ninyong hindi biro ang trabaho ni Troy sa kabilang-bayan," katwiran niya. Umabot ng ulam bagaman hindi pa niya nagagalaw man lang ang unang kinuha. "At saka may girlfriend na si Troy, Dad. Paano niyon hahatiin ang oras?"


"Kunsabagay," sang-ayon ni Patrick. "Maganda ang report ng unang buwan ni Troy sa branch. Naninibago nga lang ako. Kung ilang taon na..." sadya nitong hindi tinapos ang sinasabi."Bukod sa trabaho'y baka selosa ang girlfriend niya," ani Laila.


"Isa pa nga rin iyan sa naisip ko. Bakit ba'y napakaganda nitong anak ko para hindi pagselosan," ngumiti si Patrick at tinitigan ang anak na pinilit ngumiti.


"Baka lumaki ang ulo ko, Daddy..." aniya, nakangiti. Subalit sa dibdib ay iniinda ang matinding kalungkutang nadarama sa tatlong linggong hindi nila pagkikita ni Troy.



NASA silid niya siya at nakikinig ng musika. Maaga pa lang ay nagkulong na siya sa silid niya kaya nang magdahilan siya sa mga magulang na masakit na masakit ang ulo at tila lalagnatin ay hindi na nagtanong ang mga ito kung bakit hindi siya makadadalo sa party.


Ang gabing ito ang anibersaryo ng kasal ng mga magulang ni Troy. At sa loob ng maraming taon ay hindi sila pumapalya sa selebrasyon ng mga ito. Pero paano niya haharapin si Troy sa normal na paraan matapos ang nangyari sa kanila? Tiyak na magtataka ang mga magulang nila roon.


Dumapa siya sa kama. Gusto niyang makatulog kahit na alas-ocho-y-media pa lang. Kung gising siya'y parati na lang na si Troy ang laman ng isip niya. Nang bumukas ang pinto ng silid niya'y agad siyang nagsalita.


"Yaya Juling, ayokong maghapunan. Gusto kong matulog."


"May sakit ka bang talaga o nagdadahilan ka lang?"


Napabalikwas siya ng bangon sa pamilyar na tinig. "A-ano ang ginagawa mo rito?"


"At bakit hindi ka sumama sa mommy at daddy mo? Bakit kailangang magsinungaling ka?" Anger and weariness in his voice.


"M-masakit namang talaga ang ulo ko," aniya. "Umaga pa lang ay masama na ang pakiramdam ko."


"And you expect me to believe that?" he snapped.


"You should?" Umiwas siya ng tingin.


"You never failed to attend my parents' wedding anniversary party, Jea. Kahit noong kagagaling mo sa chicken pox ay dumalo ka scaring almost everyone," ang galit ay nabahiran ng amusement sa pagkaalala sa pangyayaring iyon.

Sweetheart 7 - Somewhere Between Lovers & Friends (COMPLETED) (UNEDITED)Where stories live. Discover now