Kabanata- 1.

9.4K 235 14
                                    

“Paano aalis na ako.” lingon ko sa kanya na nakaupong pasalampak sa sofa habang ang mga paa ay nakapatong sa katabing mesita.

Ikinaway lamang niya ang kanyang kamay habang nakatutok pa rin ang atensyon niya sa kanyang pinapanuod. Napailing na lamang ako at pumasok na ng kusina.

‘Yan ang kapatid ko, si Althea.

Pero kahit ganun’ na ang takbo ng ugali niya’t pagkatao’y ‘di ko pa rin matitiis na may mangyari sa kanya. Kambal kami pero magkaibang-magkaiba kami ng ugali, sabi nga raw ni ama ay nagmana raw sa ugali ni ina bilang mortal. Napangiti na lamang ako nang maisip si ina. Mahal ko ang pamilya ko, masaya ako kung ano man ang meyron at ano ako, kuntento sa takbo ng buhay ko kaya kahit anong mangyari ay ‘di ko hahayaang may mangyari ‘ni isa man sa kanila.

Napabuntong hininga ako nang malasap ko ang malamig na simoy ng hangin. Ika-sampu na ngayon ng gabi at balak kong magpalipas ng ilang araw sa Ukbiran.

Tahimik na akong bumaba ng bahay at naglakad papasok sa kakahuyan hanggang magsimula akong tumakbo habang unti-unting nawawasak ang kasuutan ko sa pagbabagong anyo ko.

Sa loob ng dalawampung taon ay ganito na ang takbo ng buhay ko at ng kapatid ko. Pinilit ni ina na mamulat kami sa mundo ng mga mortal pero sa huli mas gusto ko pa rin ang buhay bilang busaw, bilang isa sa mga talindawang.

Isang busaw na malayong-malayo sa inaakala ng mga mortal. Isang busaw na ‘di aakalain ng lahat ay kaya palang magbago at ituwid ang kinagisnang tatak namin na mamamatay tao.

Pero wala mang maniwala, sa loob ng pamamahala ni Amang Amorsolo ay nagawa namin ‘yun. Nagawa ng buong talindawang na mamuhay ng tahimik at sapat nang maging pagkain ang anumang hayop na nahuhuli.

Pahayag nga ng ibang nilalang ay nasisiraan na raw ng dignidad ang angkan ng busaw dahil ipinipilit naming mapalapit at malinis ang pagkakakilala sa amin ng mga mortal kaya doon ay ‘di naiiwasang mabanggit ang pangalan ng aking ina. Isang mortal na piniling maging busaw sa ngalan ng pag-ibig.

Ako kaya, makakakilala rin ng isang babaeng kayang ipagpalit ang lahat para lamang sa akin?

Napangiti na naman ako nang pumasok sa isipan ko ‘yun.

Lumundag ako sa isang malaking bato na bahagyang nakausli sa isang pahabang bangin at nilingon ko ang pinanggalingan ko. Iilan na lamang ang natatanaw kong kumukutitap na liwanag.

‘Yan ang lungsod ng Maguellas na pinakamalapit sa Ukbiran.

Sa loob ng dalawampung taon ay parte na siya ng pagkatao namin. Pinilit ni ina na matulad kami sa ibang mga batang mortal na lumaking nakapag-aral. Kahit alam na namin ni Althea at kahit isang pitik lamang ay malalaman na namin ang samo’t saring bagay na nilalaman ng mundo ay nakipagsabayan pa rin kami.

‘Di lang kami kundi ng buong talindawang. Naging bukas na rin sa kanila ang pagtakbo ng panahon, sa mga iba’t ibang gamit, sa teknolohiya, sa pananamit pero iisa lamang ang hanggang ngayon ay pinapanatili pa rin naming lahat.

BUSAW 4: ABRAHAM, Anak ng BusawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon