✔ | CHRONICLES OF THE ROSES B...

By dreamcoloredgift

503 28 1

[COMPLETE]【Written in Filipino】 Nagbalik si Alexis sa kanilang hacienda matapos ang sampung taong pamamalagi... More

Writer's Note
Chapter 2
Chapter 3.1
Chapter 3.2
Chapter 3.3
Chapter 4
Chapter 5.1
Chapter 5.2
Chapter 5.3
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Final Chapter & Writer's Note

Chapter 1

88 3 0
By dreamcoloredgift

PAGTAPAK na pagtapak pa lang ng kanyang mga paa sa lupa ay agad na hinagilap ni Alexis ang mga mukhang pamilyar sa kanya.

Kararating lang kasi niya galing Canada. And from the airport, dumiretso muna siya sa isang hotel na malapit sa daungan ng mga barko at tinawagan ang kapatid na si Joaquin para magpasundo gamit ang yate ng kanilang pamilya.

Matapos makapagpahinga ay agad na dumiretso si Alexis sa daungan kung saan sinalubong siya ng piloto nitong si Mang Inggo. At gamit ang yate ay dumiretso sila sa San Jose, ang bayang kanyang sinilangan.

At ngayong narito na siya, napangiti siya nang makita ang napakalaking pagbabago sa bayang iyon. Subalit sa kabila ng pagbabalik niya sa San Jose ay may kahungkagan pa ring nararamdaman ang binata.

Kahungkagan nga ba... o sakit na dulot ng isang alaalang sumugat sa kanyang puso?

Habang pinagmamasdan ang paligid niya ay nagulat siya nang biglang pumisan sa likod niya si Fate, ang kapatid niya. Pero saglit lang iyon. Dahil na-miss din niya ang kakulitan nito.

"Hanggang ngayon, hindi ka pa rin nagbabago, ah," natatawang wika niya habang nakapasan pa rin sa kanyang likuran ang kapatid.

"Pasensiya ka. Na-miss kita nang husto, eh."

"Na-miss din naman kita, ah. Kaya lang, hindi nakaka-miss 'yang kabigatan mo. Laging nakakasakit ng likod."

Nanghahaba ang nguso ni Fate na umalis sa pagkakapasan sa likod niya.

"Ito naman. Parang naglalambing lang, eh," nagtatampong wika ni Fate.

"Hindi ka naman mabiro. Biro lang iyon." Saka biglang hinila sa braso ang kapatid at saka mahigpit na niyakap.

Nang iangat niya ang kanyang mukha ay napangiti siya nang makita ang iba pa niyang mga kapatid.

Si Joaquin na sumunod sa kanya, si Cecille na sumunod dito at ang panganay sa mga babae, si Nathan na bunso sa mga lalaki at si Cheska na siyang kakambal ni Fate.

Inilayo niya si Fate at excited na lumapit sa mga kapatid.

"Ang laki na ng ipinogi natin, Kuya," nakangiting puna ni Cheska na unang yumakap sa kanya.

"Siyempre naman, 'no? Alangan namang hahayaan ko ang sarili kong pumangit. Eh 'di 'pag nangyari 'yon, hindi na ako magiging lapitin ng chicks." At kasabay niyon at ngumiti siya ng pilyo sa bunsong kapatid.

Napailing na lang si Nathan sa mga sinabi niya.

"Alam mo, Cheska, sa susunod ay huwag mo nang purihin si Kuya. Lalo lang lumalaki ang ulo niyan, eh."

"Ito naman. Kahit na kailan yata ay hindi na ako pupurihin nito," kunwari'y nagtatampong wika niya.

Natawa lang si Cecille at si Fate sa inakto niya.

"Kuya naman, hindi ka na nasanay kay Nathan. Nagbibiro lang iyan. Wala lang kasing maasar 'yan dito for the past ten years kaya siya ganyan ngayon."

Nangunot ang noo ni Cheska matapos marinig iyon.

"Ano'ng walang inaasar? Eh ako nga itong halos matuyo ang dugo sa kunsumisyon diyan kay Kuya Nathan, 'no?"

"Hayaan mo na lang, Cheska. Ako na ang bahala sa 'yo kapag kinunsumi ka pa nitong si Nathan," aniya sa kapatid.

Napangiti si Cheska sa sinabing iyon ni Alexis. 'Di nagtagal ay naging kapansin-pansin na tila may hinahagilap siya sa paligid.

"Bakit, Kuya?" puna ni Joaquin.

"S-saan nga pala si Papa? Bakit kayo lang ang nandito sa pier para sunduin ako?"

"Nasa bahay si Papa, Kuya." Si Fate.

"Ano'ng nangyari sa kanya?" nag-aalalang usisa niya.

"Wala namang masamang nangyari sa kanya. Kaya lang, medyo napagod sa trabaho kaya kinailangan niyang magpahinga. Si Fate ang nag-aasikaso kay Papa kapag may sakit ito o 'di kaya ay nai-stress," paliwanag ni Cecille.

"Ganoon ba? Tara na. Dumiretso na tayo ng uwi sa bahay. Baka mamaya niyan, sermunan na ako ni Papa."

"Hindi mangyayari iyon. Miss na miss ka nga n'on, eh."

"Ang mabuti pa, eh sumakay na tayo at umuwi na."

Agad silang sumakay sa van na si Joaquin ang nagmamaneho.

Habang binabagtas nila ang daan papunta sa hacienda nila ay napansin niya ang mga tao roon na palagi siyang binabati. Ang iba sa mga ito ay pamilyar sa kanya samantalang hindi niya makilala ang iba subalit ginagantihan niya ng isang matamis na ngiti.

Natural lang iyon sa kanila dahil matagal nang kilala ang kanilang angkan sa bayang iyon. Subalit may kasabayan din ang angkan ng mga Cervantes pagdating sa kayamanan at kasikatan. Ito ay ang angkan ng mga dela Vega na matagal nang kaibigan ng kanilang angkan.

Sa bayan ng San Jose kilala ang dalawang angkang ito na nagtataglay ng simbolo ng mga rosas. Kaya naman tinagurian ang dalawang angkan as the 'Clans of the Roses.'

Ang mga Cervantes ay kilala bilang 'The White Rose' samantalang ang mga dela Vega naman ay kilala bilang 'The Red Rose' dahil ang mga ito ang emblem ng bawat angkan. Magkaiba man ang taguri sa kanila, alam ng marami, lalo na ng mga mahihirap na nakasalamuha na nila, na iisa ang taglay na ugali ng dalawang angkan. At iyon ay ang kagandahang-loob na ipinapakita nila sa lahat ng uri ng tao kahit na sila'y napagkakamalang matapobre at mapagmataas.

Subalit hindi lamang sa San Jose kilala ang dalawang angkan ng mga rosas. Sa loob at labas ng bansa ay kilala sila dahil sa dami ng mga business establishments, agencies at shipping lines na kanilang pag-aari.

Bukod sa kayamanan ay tanyag din ang dalawang angkan dahil sa lahi nilang naggagandahan na animo mga diyos at diyosa sa halos lahat ng klase ng mitolohiya. Exxagerated mang sabihin subalit laging ganoon ang deskripsyon sa kanila kaya naman hindi na kataka-takang marami ang nagnanais kumuha ng atensyon nila upang kanilang pansinin.

Kasalukuyang lumilipad ang kanyang isipan nang kalabitin siya ni Cheska.

"Kuya!" pagtawag-pansin ng talaga.

"H-ha?"

"Nandito na tayo. Baba na."

Napatango na lamang siya rito at agad na bumaba sa van. Nang makalabas ay hinagod niya ng tingin ang kanilang ancestral house na alam niyang sadyang napakalaki ng ipinagbago.

Kunsabagay, hindi na nakakapagtaka kung magkaroon ito ng pagbabago. Sampung taon ba naman kasi niyang hindi nasilayan ang bahay na ito.

Subalit sa pagtingin niya sa ancestral house ay mukha ng isang babae ang biglang lumitaw sa kanyang isipan. Ipinilig na lamang niya ang kanyang ulo upang agad na mapalis iyon sa kanyang utak.

Napakaimposible pang makita niya ang babaeng iyon. Matagal na itong patay.

"Ah, Sir Alexis, kukunin ko na po ang bagahe ninyo."

Natigilan si Alexis nang marinig ang boses na iyon. Boses iyon ng kanilang mayordomang si Aling Belinda. Napangiti na lamang siya at iniabot sa houseboy ang kanyang mga maleta. Pagkatapos niyon ay diniretso nilang magkakapatid ang pagpasok sa mansyon.

xxxxxx

BAHAGYA pang nagulat si Alexis nang marinig niyang sumigaw ng "Welcome back!" ang mga tao sa bahay. Subalit agad din siyang napangiti dahil sa katuwaang kasalukuyang nararamdaman. Hindi niya akalaing maghahanda ang mga ito ng isang welcome party para sa kanya.

Agad siyang nilapitan ng kanyang amang si Don Javier Cervantes at niyakap nang mahigpit.

"Mabuti naman at bumalik ka na, Alexis. Na-miss kita nang husto, kung alam mo lang," wika ng don habang yakap siya at agad din itong dumistansya sa kanya.

"Na-miss ko rin naman kayong lahat, Dad."

Mayamaya ay napalingon siya at nakita niya ang mga kasama nilang naninirahan sa ancestral house na iyon.

Ang mga dela Vega.

Ngumiti siya sa mga ito at agad niyang nilapitan ang mga ito.

"Welcome back, hijo. Ang tagal mo ring nawala sa Pilipinas," wika ni Don Carlos dela Vega.

"Salamat po. Ang akala ko ay hindi na ako magiging welcome dito dahil sa tagal ng pagkawala ko rito sa atin."

Nilapitan siya ni Joel dela Vega at tinapik sa balikat.

"Ano ka ba naman, pare? Kadarating mo pa lang ay gumagawa ka na kaagad ng drama mo riyan. Alam mo namang malabong mangyari iyon."

Hindi nagtagal ay may hinagilap ang mga mata ni Alexis doon.

"Nasaan nga pala si Liz? Bakit wala siya rito?" usisa niya na ang tinutukoy ay ang bunsong kapatid ni Joel na si Elizza.

Umiwas ng tingin si Joel matapos niyang magtanong na siyang ipinagtaka niya. Maging ang iba sa mga ito ay biglang natahimik.

"Bakit, pare? May nangyari ba?" hindi maiwasang pagtanong niya.

Humarap si Joel sa kanya.

"Alex, huwag ka sanang magagalit sa ipapakita namin sa 'yo."

Nangunot ang noo niya.

"Ano'ng ibig mong sabihin? Ano ba ang ipapakita n'yo?"

"At sana, patawarin mo kaming lahat sa pagtatago nito sa 'yo for the past seven years," ani Kevin, ang panglima sa magkakapatid na dela Vega at bunso sa mga lalaki.

"H-hindi ko kayo maintindihan. Ano ba'ng gusto ninyong ipahiwatig sa akin?" nalilitong wika niya.

Tiningnan ni Alexis ang kanyang mga kapatid subalit lahat ng mga ito ay hindi makatingin sa kanya. Ganoon din ang kanyang ama nang tingnan niya ito.

Kaya pala...

Kaya pala iba na ang kaba niya nang makapasok na siya sa ancestral house. Sinikap niyang ibalik ang dati niyang posture subalit hindi siya nagtagumpay. Pinilit niyang magpakapormal pero iba talaga ang pintig ng puso niya.

Pintig na animo'y nagbabadyang sumabog oras na may malaman siya.

"Please, Kuya Alex. Mangako ka muna sa amin na hindi ka magagalit oras na malaman mo ito. Please lang, Kuya."

Napatingin na lamang siya kay Elena, pangalawa sa dela Vega siblings at panganay sa mga babae. Ito kasi ang nakikiusap sa kanya at bakas niya ang pagsusumamo sa mga mata nito.

Napabuntong-hininga na lamang siya at saglit na nag-isip.

"Kuya Alex..." untag ni Elena sa kanya.

"Don't worry, Elena. Pangako, hindi ako magagalit kung ano man ang inilihim ninyong lahat sa akin noong mga panahon na wala ako rito sa Pilipinas."

"Talaga, Kuya?" Biglang umaliwalas ang mukha ni Aaron, pangatlo sa magkakapatid na dela Vega.

"Kilala ninyo ako. Nakiusap kayo sa akin at alam naman ninyo na basta't kaya ko, gagawin ko ang pakiusap ninyo sa akin."

Kahit papaano ay napangiti ang kababata niyang si Joel na kanina ay hindi talaga halos makatingin sa kanya.

Maging ang mga katulong at houseboy sa bahay ay hindi rin makatingin sa kanya.

Kung ano mang klaseng kaba ang sumasakanya sa mga sandaling iyon ay sinikap niyang mapalis iyon at nagtagumpay naman siya.

Nang senyasan ni Don Javier at Don Carlos ang mga katulong ay iniikot na lang muna ni Alexis ang kanyang paningin ang loob ng kanilang ancestral house.

Sadyang napakalaki ng ipinagbago niyon mula nang huling beses niyang makita iyon. Lalo na ang mga grand chandellier na nakasabit sa gitna ng kanilang sala. Ang kani-kanilang portrait naman ay naka-display sa bawat paligid ng sala, kasama na rin doon ang isang portrait na kung saan nakapinta roon ang islang nabili ng kanyang ina tatlong buwan bago ito pinatay.

Sa tuwing naaala niya ang naging kamatayan ng kanyang ina ay nagsisimulang umakyat sa kanyang ulo ang dugo niya dahil sa tindi ng galit. Lalong nadadagdagan ang galit na iyon sa kabagalan ng pag-usad ng kaso, ayon sa mga kasamahan.

Sampung taon na ang inilagi niya sa Canada subalit wala pa ring nangyayari sa kaso. Nahihirapan din ang kanyang mga kapatid sa paghahanap ng lead na makakapagturo kung sino ang pumatay sa kanilang ina.

"Alexis, nandito na siya," untag ni Don Javier sa kanya.

Napalingon siya sa pintong patungo sa dining room. At laking gulat niya nang mabungaran ang bunsong kapatid ni Joel na si Elizza habang itinutulak ang wheelchair na kinauupuan ng isang babaeng hindi niya akalaing muli pa niyang masisilayan makalipas ang sampung taon.

Subalit parang hinihiwa ang kanyang puso nang makita ang sitwasyon ng dalagang nasa wheelchair.

Alam niyang nalumpo ito, nakatulala rin ito at sa tingin niya ay hindi nagsasalita.

"Kuya Alexis, we're really sorry," hinging-paumanhin ni Elizza sa kanya.

'This is impossible! Ang alam ko, patay ka na,' hindi mapigilang bulalas ng kanyang isipan habang unti-unting nilapitan ang dalagang hindi kumikibo. 'Is this really true?'

Continue Reading

You'll Also Like

238K 4.2K 87
Apat na taon ng kasal si Shu sa isang lalaking ni minsan ay hindi pa niya nakikita o narinig manlang ang boses. Palibhasa ay hindi naman siya dapat a...
3.3M 160K 54
[RFYL book 2] When the enemy is close behind, you need to run as fast as you can. RUN AS FAST AS YOU CAN Written by: SHINICHILAAAABS Genre: Science F...
6M 275K 72
In the near dystopian future where the population has blown up, women and the poor are more oppressed, and those with positions who abuse their power...
8.7M 321K 57
12:00 A.M. Every breath you take Every move you make Every bond you break Every step you take "I'll be watching y...