BOOK I: Touch Her and You'll...

By ayemsiryus

206K 6K 364

UNDER FINAL MAJOR REVISION Kasabay ng pagtatagpo nila ay ang simula ng kanilang pakikipaglaban. Sa una, magka... More

Prologue
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Chapter 32
Chapter 33
Chapter 34
Chapter 35
Chapter 36
Chapter 37
Chapter 38
Chapter 39
Chapter 40
Chapter 41
Chapter 42
Chapter 44
Chapter 45
Chapter 46
Chapter 47
Chapter 48
Chapter 49
Chapter 50
Epilogue
Author's Note

Chapter 43

2K 68 2
By ayemsiryus

Chapter 43 - Her Mom's Twin

Reeam (Nique)

"Paano nangyaring si Crizanta Marie Velmon ang nandoon nang gabing 'yon?" tanong ni Marrette.

"Marrette, huwag ka magtanong ng bagay na walang nakakaalam miski isa sa atin," sagot naman ni Leeam.

"Nakakapagtaka lang kasi... sigurado akong si Crizana Marione Varga ang umalis ng bansa noong nakaraang taon. Sigurado akong naiwan dito sa Pilipinas si Mrs. Velmon, naka-schedule ang flight niya 3 days pa after ng araw ng pag-alis ni Laquise Mond Velmon at Ms. Varga. Imposibleng siya ang napatay ni Reeam-!"

"Posible," putol ko sa sinasabi niya. "Marrette, kambal sina Crizana Marione Varga at Crizanta Marie Velmon. Napakadaling paraan para malinlang ang lahat," huminga ako ng malalim at sinalubong ang tingin niya. "...kahit ako," mahinang sambit ko sa dulo dahilan para manlumo silang dalawa.

"Tama ka," si Leeam.

Tumayo ako't pumunta sa kwarto para lang kuhanin ang leather jacket ko. Pagkababa'y agad akong nagtungo sa pintuan pero bago pa man ako makalabas, tinanong ako ni Leeam kung saan ako pupunta. Natigilan ako sa kinatatayuan ko't nanatiling nakatalikod sa direksyon nila.

"Saan ka pupunta? Sasamahan kita," alok ni Marrette na gumagayak na.

"Pupuntahan ko si Crizana Marione Varga," sagot ko. "...para makahingi ng tawad," dagdag ko na tuluyang nagpatigil kay Marrette sa pagkilos.

Hindi na siya nagpumilit pang sumama kaya nagpatuloy na ako binabalak kong gawin. Agad akong sumakay sa kotse at nagmaneho papunta sa mansyon ng mga Velmon. Sa pagkakataong 'to, wala akong pakialam kung magkrus man ang landas namin ni Ciel, pati ni Laquian, dahil wala akong ibang pakay kung hindi ang inaakala kong si Mrs. Velmon.

Gusto ko siyang makausap. Gusto kong humingi ng tawad sa nagawa ko. Gusto kong maliwanagan.

Hindi ko napansin na tumutulo na pala ang luha ko. Hindi ko alam kung bakit nagiging iyakin ako pero patunay ba 'yon na napakabigat ng dinadala ko?

Hindi ko na kilala ang sarili ko.

Damang-dama ko sa dibdib ko ang bawat pagkirot. Tila gumuguhit pa nga 'to mula sa likod at tumatagos hanggang harapan. Dumadaloy sa buong katawan ko ang sakit. Mas masakit pa sa mga ginawa ni Ciel noong nakaraang gabi.

Hindi ko malilimutan ang tatlong sipa na ipinatikim niya sa akin non. Lalong-lalo na ang nanunuot na hapdi dulot ng buhangin sa mata ko tapos biglang nalublob sa tubig-dagat. Hindi ko maisip kung paano ko nakayanan 'yon hanggang sa makarating kami sa bahay ni Leeam.

Kasabay non ang pagtubo ng isang tanong sa isip ko... paano niya nagawa sa akin 'yon? Mahal niya ako, ramdam ko 'yon pero bakit tila mas malakas ang hatak ng galit sa dibdib niya? Hindi ko makita ang sarili ko na ginagawa sa kaniya ang mga ginawa niya sa akin kaya mas lalong tumitindi ang sakit na nararamdaman ko dahil napatunayan kong... ganoon katindi ang galit niya sa akin. Ganoon katindi na umabot sa puntong nagawa niya akong saktan, ako na sarili niyang kasintahan.

Sana hindi magpatuloy sa sistema niya ang ganoon. Sana maalala niya ang sinabi niya sa akin noon.

"Nique, what are you saying? Hindi mo kailangang sabihin 'yan. Hindi mo kailangang pakiusapan akong gawin 'yan, dahil wala naman akong ibang gagawin kung hindi ang pagkatiwalaan ka... and of course, uunahin ko ang kung anumang mayroon tayo. Uunahin kita. Kahit anong mangyari,"

"Ciel, parang awa mo na... unahin mo ako-unahin mo ang pagmamahalan natin, ang relasyon natin," bulong ko sa hangin habang tuloy-tuloy ang pagdaloy ng luha sa magkabilang pisngi ko.

Lumuluha nanaman ang kulay abo kong mga mata.

Isang malalim na hininga ang pinakawalan ko nang itigil ko ang sasakyan sa harap ng mansyon ng mga Velmon. Kinakabahan ako ng sobra at natatakot rin para sa sarili ko. Mga bagay na bago para sa akin dahil kilala ko ang sarili ko na walang kinatatakutan pero bakit sa pagbabalik ni Ciel sa buhay ko, kasabay non ang maraming pagbabago sa sarili ko? Pero nagbago nga ba talaga o bumalik lang sa tunay na ako?

'Yong ako na may puso at marunong makaramdam ng iba't ibang emosyon.

Nilakasan ko ang loob at bumaba mula sa sasakyan saka nanginginig ang kamay na nag-doorbell. Pinapatay ako ng tensyon at matinding antisipasyon sa dibdib ko.

At tuluyan na nga akong namatay nang bumukas ang pinto. Dahil sumalubong sa akin ang pares ng mata na tila nananaksak ang tingin. "Anong ginagawa mo dito?"

Aminado ako, nasira ang barikada ng lakas ng loob na itinayo ko sa isip at puso ko nang magsalita siya. Pakiramdam ko nga'y babalik ako sa posisyon ko noong nakaraang gabi kung saan nakaluhod ako sa harap niya. Pero parang may kung anong napindot sa utak ko para dumaloy sa buong katawan ko ang mensahe na ako si Reeam Dominique Imperio. Simple lang kung tutuusin pero malaki ang naging epekto sa akin.

Sinalubong ko ang tingin niya gamit ang patay na kulay ng aking mga mata. Pinanatili ko rin ang mapagmalaki kong tindig at walang ipinakitang emosyon sa aking mukha bago magsalita sa malamig na boses. "Gusto kong makita si Crizana Marione Varga,"

Nakita ko ang pagsilay ng kalituhan sa kaniyang mga mata. Marahil nagtataka kung bakit ganito ang aking ipinapakita ngayon na tila hindi naaapektuhan sa kaniyang presensya.

"Anong kailangan mo sa kaniya?"

"Kung anuman ang kailangan ko sa kaniya, wala ka na doon... Ciel," oo, siya ang nasa harap ko ngayon.

Ang babaeng pinakamamahal ko.

Matinding pagpipigil ang ginagawa ko sa sarili dahil kung hindi, baka kanina ko pa siya dinamba at ikinulong sa mga bisig ko dahil tang ina... miss na miss ko na siya.

"Umalis ka sa harap ko-!"

"Anak, sinong nandiyan?" hindi niya naituloy ang sinasabi niya nang mula sa loob ay narinig ko ang boses ng taong hinahanap ko. Hindi pa man siya nakakapagsalita ulit, sumilip na mula sa kaniyang likuran si Crizana Marione Varga at nang makita ko ang mukha niya, bumagsak ang balikat ko. "Hija, ikaw pala," at ang magandang ngiti ng ginang ang naghatid ng kung anumang mainit na pakiramdam sa dibdib ko.

"Aalis na rin siya, Mom-,"

"Tita... pwede ho ba kayong makausap?" mahinang sambit ko na pumutol sa sinasabi ni Ciel. Malamlam ang naging pagtingin ko sa kausap dahilan para mapatango siya kahit alam kong naguguluhan siya.

"Ano ba ang pag-uusapan natin?"

"Sa pribadong lugar ho sana?" patanong na sagot ko at sinulyapan si Ciel na napakasama ng tingin sa akin pero kita ko sa mga mata niya ang inis. Marahil dahil... hindi ko siya pinapansin? Hindi ko alam. Napangisi tuloy ako sa isip dahil doon.

"Ganoon ba," sagot ng ginang at sinulyapan rin ang kaniyang anak. "Sumunod ka sa akin," at nagsimula na siyang maglakad papasok ng bahay.

Napapikit ako't huminga ng malalim. Tinatatagan ang loob bago sumunod kay Tita pero natigilan ako nang maramdaman ko ang kamay ni Ciel sa aking braso. Napatingin ako sa kaniya at nandoon pa rin ang talas ng kaniyang tingin. Pinalitan ko 'to ng malamig na tingin bago dahan-dahang alisin ang kamay niya sa braso ko. Mariin ko pa siyang tinitigan sa mata hanggang sa nakita ko ang paglambot ng tingin niya pero agad na akong tumalikod. Doon ko inilabas ang maliit na ngiti.

Matapos lang lahat ng 'to, hinding-hindi na kita pakakawalan pa, Ciel.

Nakita kong pumasok ang ginang sa isang pinto kaya walang pag-aatubili akong sumunod. Nang mapag-aralan ko ang kwarto, nabatid kong ito ay kaniyang opisina. Sa gilid ay mayroong maliit na sala, naupo siya sa mahabang sofa kaya 'yon din ang aking ginawa.

"Parang biglaan naman yata ito, hija?" panimula niya.

"Tita," napatigil na agad ako sa pagsasalita nang parang may bumara sa aking lalamunan at nagsisimula nang magtubig ang aking mga mata. "Tita, gusto ko pong humingi ng tawad," napayuko ako nang mawala ang ngiti sa kaniyang labi. "Ms. Crizana Marione Varga... humihingi po ako ng tawad," nanlalabo na ang paningin ko kaya hindi ko alam kung tama ang nakita kong paglandas ng isang butil ng luha sa kaniyang kaliwang pisngi. "Patawarin niyo po ako," nagsusumamong sambit ko at inihanda na ang sarili sa pagluhod. Sa totoo lang kanina ko pa 'to pinag-iisipan pero sa tingin ko, ito ang tamang gawin. Sa pag-uusap na 'to, hindi ako si Reeam Dominique Imperio na kilala ng lahat. Ako ay isang taong nagkasala na humihingi ng tawad pero bago ko pa man tuluyang mailapat ang tuhod ko sa sahig, agad kong naramdaman ang mga bisig ng ginang na bumalot sa akin. Lalo akong napaiyak nang dahan-dahan niyang hagurin ang likod ko. "I'm sorry, patawarin niyo po ako. Hindi ko po sinasadya, hindi ko po alam... h-hindi ko po ginustong gawin 'yon,"

"Tama na, hija. Naiintindihan ko," mahinahon at mapang-alo ang tono ng kaniyang boses dahilan para lalong dambahin ng pagsisisi ang puso ko.

Kumalas ako sa yakap at umiiyak na tumingin ng diretso sa kaniya. "Magalit po kayo sa akin, please. Dapat po kayong magalit sa akin, Tita,"

"Hindi ako dapat magalit sa'yo dahil gaya ng sinabi mo, hindi mo ginustong gawin 'yon," dahan-dahan niyang sambit habang pinapahid ang mga luha sa aking pisngi. "Hindi mo desisyon ang bagay na 'yon, hija. Ang organisasyon ang nagtakda ng pangyayaring 'yon,"

"P-pero paano po nangyaring si Mrs. Velmon ang nasa kwartong 'yon? B-buong akala ko at ng partner ko na si Ram, k-kayo po ang nasa Amerika noon,"

"Dapat talaga ako, pero hindi ko maiwan si Laquian. Sa kambal, si Laquian ang mas nakasama ko dahil sa akin siya lumaki, ako ang nakasama niya sa Batangas kaya mas malapit ang puso ko sa batang 'yon,"

"A-ano pong mayroon kay Laquian, bakit hindi niyo siya maiwan non?"

"Naka-confine din sa isang ospital sa Batangas si Laquian nang panahon na 'yon. Bago umalis ang mag-asawa, dinalaw nila ang batang 'yon at hindi nila inaasahang hihilingin nito na mag-stay sila sa tabi niya. Alam nilang dalawa na hindi nila mapagbibigyan ang hiling nito kaya nagpanggap akong si Crizanta," natigilan ako sa mga sinabi niya.

"A-ano hong nangyari kay Laquian non?"

"Inaapoy ng lagnat at lumilipas ang ilang oras na hindi ito bumababa. Matagal nang paniniwala na magkadugtong ang isang kambal kaya siguro nararamdaman din ng katawan ni Laquian ang panghihina ni Criza nang mga panahon na 'yon kaya nangyari sa kaniya 'yon,"

"Ganoon po ba 'yon?" pagtataka ko. Kasi kapag nagkakasakit naman ako, ayos lang si Leeam, siya pa nga ang nag-aalaga sa akin hanggang sa gumaling ako.

"Oo. 'Yon na nga ang nangyari, sa pagkakaalam ni Laquian, ako at si Laquise ang umalis. Pagdating sa Amerika, ganoon din ang sinabi kay Criza para kung sakaling mabalikan ang pangyayaring 'yon, iisang kwento ang alam nilang dalawa," tumigil ito saglit at natigilan na rin ako dahil parating na kami doon sa parte ng pagpasok ko sa eksena. "Hanggang sa makatanggap ako ng tawag na wala na si Crizanta. Kailan ko lang nalaman ang totoong nangyari nang gabing 'yon dahil naging tikom ang bibig ni Laquise," napayuko ako. "Nang matapos ang operasyon ni Criza, tapos na rin ang proseso ng mga papeles ko at ni Crizanta. Magmula ng araw na 'yon, ako na ang naging asawa ni Laquise at namuhay na rin ako sa loob ng organisasyon. Magmula ng araw na 'yon, namatay ang katauhan ko at binuhay ang kay Crizanta,"

"Patawad po," nakayuko pa ring sambit ko.

"Hanggang sa dumating ka sa buhay namin. Unang beses kitang nakita noong Acquaintance Party niyo sa eskwelahan," kahit ang bigat na ng loob ko, hindi ko pa rin naiwasang mapangiti. "At unang nagtagpo ang landas niyo ni Laquise sa harap ko noong umagang sinundo mo ang Prinsesa namin," naalala ko rin ang sinabi niya. "Doon ako unang nagduda at pinilit si Laquise na magsalita... hanggang sa umamin siya tungkol sa tunay mong pagkatao,"

"Na ako ang taong-,"

"Hija, hindi mo na kailangang sabihin pa 'yan. Alam kong makadaragdag lang 'yan sa bigat na 'yong nararamdaman," pinatingin niya ako ng diretso sa kaniya. "Kahit nalaman ko ang totoo, hindi nagbago ang tingin ko sa'yo. Hija, naiintindihan ko lahat ng nangyari,"

"Bakit po ang bait niyo?" naluluha nanamang tanong ko.

"Hindi ko rin alam, hija," nakangiting sagot nito.

"Pinapatawad niyo na po ba ako?"

"Hindi na kailangan non dahil sa simula pa lang, wala ka naman talagang kasalanan. Pero para sa ikagagaan ng iyong loob, oo... pinapatawad na kita, hija," nakangiti pa ring sambit niya dahilan para tuluyan akong mabunutan ng malaking tinik sa dibdib.

"Maraming salamat po, Tita," nakangiti na ring sagot ko kahit may bakas pa ng mga luha ang mata ko.

"Wala 'yon, ang gusto ko nalang hilingin sa'yo ngayon... gawin mo ang lahat para sa inyo ni Criza,"

Kahit pa nakaramdam ako ng tuwa dahil sa suporta na ibinibigay ng ginang, natigilan pa rin ako. "Hindi po ba kayo nagtataka kung paano siya nakauwi?"

"Hindi," mabilis na sagot nito na ikinagulat ko.

"P-pero... bakit po?"

"Dahil alam kong si Laquian ang may hawak sa kaniya," mas lalo akong nagulat sa sinabi niyang 'yon. "Nagkaroon ako ng ideya nang marinig ko ang pag-uusap niyong dalawa noong dumalaw ka dito't hinahanap mo si Criza,"

"N-narinig niyo po ang lahat?"

"Oo. Napagtagpi-tagpi ko rin lahat ng nangyari. Sa tuwing tinatanong ko si Laquian tungkol kay Criza, wala siyang ibang sinasabi kung hindi ligtas ang kaniyang kakambal na para bang siguradong-sigurado siya. Malaki rin ang naitulong ng nangyaring may nakisabay sa plano nina Laquise at Leeonardo laban sa inyo ni Criza. Walang ibang nakakaalam ng planong 'yon kung hindi kaming apat. Hindi maituturing na coincidence ang nangyaring may isa pang grupo ang sumabay sa pag-atake," habang nagsasalita siya, nabuo na rin ang konklusyon sa isip ko. "Maaaring narinig o nalaman ni Laquian ang tungkol sa plano namin kaya nakagawa rin siya ng plano na maaaring isabay sa binabalak nina Laquise at Leeonardo. Isang matalinong estratehiya pero isa ring konkretong teorya laban sa kaniya,"

"T-tama po kayo,"

"Pero wala nang saysay 'yon dahil hindi na siya ang kalaban mo dito, hija," tiningnan niya ako ng diretso sa mata. "Ang galit na ng sarili mong kasintahan ang dapat mong harapin ngayon," natulala ako't hindi na nakahanap ng mga salita na isasagot pa sa kaniya.

Ni hindi ko namalayang binabagtas ko na pala muli ang kalsada pauwi sa bahay. Umuugong sa tenga't isipan ko ang mga sinabing 'yon ni Mrs. Velmon. Pero unti-unti ko ring nakukumbinsi ang sarili na handa akong harapin lahat, kahit pa ang nakakamatay na galit ng aking babae.

Mananalo ako... mananalo ako sa puso mo, Ciel.

KINABUKASAN

"Anak, pwede ka ba naming makausap?" napabalikwas ako mula sa kama nang marinig ko ang boses na 'yon mula sa taong nakasilip sa pintuan. Tuluyan silang pumasok at binigyan ko ng nagtatanong na tingin ang huli sa tatlong tao na pumasok.

"Gusto ka lang nilang kausapin," mahinahon na sabi ni Leeam bago tumalikod at lumabas ng kwarto ko.

Napabuntong-hininga ako nang mapagtanto kong naiwan ako sa loob ng isang kwarto kasama ang dalawang taong nasa harap ko ngayon. Tinitigan ko sila at walang magawang umupo ako sa gilid ng kama. Sila naman ay dumiretso sa sofa na katapat ko lamang.

"Anong kailangan niyo sa akin?" panimula ko.

"Mamayang gabi na ang annual celebration-,"

"Anong pakialam ko doon, Dad?" agad na putol ko sa sinasabi niya.

"Anak, makinig ka naman muna," ramdam ko ang pagsusumamo ni Mom pero hindi makapaniwalang natawa ako sa harap nila.

"Makinig? Kayo yata ang hindi marunong makinig. Nakalimutan niyo na ba ang sinabi ko noong huli tayong mag-usap?" sarkastikong pahayag ko. "Hindi ba't sinabi kong pinuputol ko na ang koneksyon ko sa inyong dalawa?"

"Hindi mo maaaring gawin ang bagay na 'yon, Reeam Dominique," sagot ni Dad.

"Marami akong iniisip ngayon at hindi nakatutulong ang usapin na 'to," napapikit ako ng mariin. "Kaya mawalang-galang na, umalis na kayo,"

"Nalaman namin na kinausap mo si Crizanta Marie,"

Napamulat ako nang sabihin 'yon ni Dad. "Paano niyo naman nalaman ang tungkol sa bagay na 'yon?"

"Nakausap namin ang mag-asawang Velmon," nang sabihin 'yan ni Mom, sumilay ang isang ngiti sa labi niya na lubos kong ikinagulat. "Anak, maayos na ang relasyon ng ating pamilya sa mga Velmon,"

Napatitig ako sa kanilang dalawa. Napahinga ako ng malalim bago tinanggap ng sistema ko ang balitang 'yon. Isang kaginhawaan ang hatid non sa akin. Ang malaman na wala nang iringan sa pagitan ng mga Imperio at Velmon ay nakapaghatid sa akin ng ideyang... sa wakas, hindi na hadlang ang magkabilang pamilya sa relasyon namin ni Ciel.

Naluha ang mga mata ko sa saya na agad ko ring itinago dahil ayaw kong makita ng dalawang taong nasa harap ko ang bagay na 'yon. Nakayuko ako't nakatakip ang dalawang kamay sa mukha.

"Gusto naming humingi ng tawad dahil sa nagawa namin laban sa'yo, anak. Pero sana pakinggan mo ang rason namin," inihilamos ko ang mga kamay sa mukha bago muling tumingin sa kanila. "Taliwas sa ipinakita namin sa inyo, sumusuporta kami sa relasyon niyong dalawa ni Criza Louise," nanlaki ang mata ko nang sabihin 'yan ni Dad.

"A-anong ibig niyong sabihin?"

"Bago mo pa ipakilala sa amin ang batang 'yon, alam ko na ang tungkol sa inyong dalawa. Hindi naging lingid sa kaalaman ko ang pagkakamabutihan niyo ng batang Velmon," pag-amin ni Dad. "Ngunit hindi ko ginustong ipakita ang suporta ko sa inyo dahil sa nakaraan,"

Ang nakaraan. Ang nakaraan na naman. Ngayon napag-isip-isip ko na simula't sapul... nakaraan ang kalaban ko, ang hadlang sa amin ni Ciel. Hindi ang organisasyon, ang pamilya ko o ang pamilya niya, mas lalong hindi si Phoebe o Laquian. Lahat ng 'to nag-uugat sa nakaraan. Ang naging initiation ko para maging ganap na Reaper ng pamilyang Imperio.

"Naisip kong mapoprotektahan kita kung ilalayo kita mula sa batang Velmon dahil alam ko kung gaano katindi ang naging galit sa'yo ni Laquise Mond. Alam ko dahil... minsan ko na ring sinalo ang galit niya," tumigil siya saglit para tingnan ako ng diretso sa mata. "Pilit kong ipinaintindi sa kaniya na hindi mo kasalanan ang bagay na 'yon dahil organisasyon ang nag-atang sa'yo na gawin 'yon. Pero nalaman kong kaya ganoon ang naging reaksyon niya dahil... ang asawa niya ang aksidenteng napatay mo non,"

Pakiramdam ko may sumabog na bomba sa harap ko dahil sa sinabing 'yon ni Dad. "A-alam niyo po ang... ang t-tungkol doon?" halos hindi ako makapagsalita. Ang bilis ng tibok ng puso ko't hindi ko alam ang dapat kong maramdaman sa mga oras na 'to.

"Oo. Kaya ganoon nalang ang naging takot ko para sa'yo nang malaman kong napapalapit ka sa anak nilang si Criza Louise. Kaya wala sa oras na pumasok kami sa eksena ng Mom mo," bahagya pa siyang lumingon kay Mom na tumango naman bilang pagsang-ayon. "Doon na nangyari ang gulong naganap sa eskwelahan mo at ang pagtatalo naming narinig mo. Hindi mo man kami nakikita, alam namin ang nangyayari sa'yo matapos nang mga kaganapang 'yon,"

"Ang sitwasyon mo, ang pagkatuto mong uminom, ang pagpunta mo sa bahay ng mga Velmon, ang paghaharap niyo ni Criztina Laquian. Ang ginawa mo sa mga Fii, kina Danica at kay Francis na anak ng kumpidante ni Leeonardo noon na si France Reyes... at ang nangyari sa pagitan niyo ni Criza Louise," sabat ni Mom.

"Alam namin lahat, anak," pagtatapos ni Dad.

Huminga ako ng malalim at hinayaang mag-sink in lahat sa utak ko ang mga bagay na sinabi nila.

"Kung ganoon, ano talaga ang kailangan niyo sa akin ngayon?" ramdam ko na mayroon silang gustong tumbokin at gusto kong manggaling mismo 'yon sa kanila.

"Tuloy ang pagpapakilala ko sa'yo, sa inyo ni Leeam Dominique, mamayang gabi sa annual celebration," mababakas ang pagiging pinal ng desisyon ni Dad at inaasahan ko na rin namang magkikita kami ngayon para linawin ang mangyayari mamayang gabi.

Oo, mamayang gabi na ang taunang selebrasyon ng organisasyon.

"Batid naming alam mo na mamayang gabi na rin ipapakilala ng mga Velmon ang iyong kasintahan," napahinga ako ng malalim nang sabihin 'yan ni Mom. "Hindi na rin magtatagal at sasapit na rin ang annual competition na lalahukan niyo pareho ni Criza Louise," muli akong natigilan dahil doon.

Shit, bakit nakalimutan ko ang tungkol sa bagay na 'yon?

Oo, isang katangahan man pero nakalimutan ko ang tungkol sa taunang kompetisyon. Kung hindi pa sinabi ni Mom, hindi ko pa maaalala at hindi pa ako mababaliw sa kaiisip kung anong maaaring mangyari sa araw na magharap na kami ni Ciel bitbit ang apelyido ng aming mga pamilya.

"Sa pagkakataong 'to, batid namin ang nangyayari ngayon sa kasintahan mo. Anak, may posibilidad na mapangunahan siya ng galit na walang pagdadalawang-isip na ibubunton niya sa'yo," pag-aalala ni Mom.

"Pero sa pagkakataon ring 'to... kasama mo na kami sa laban na haharapin mo," may maliit na ngiti sa labi ni Dad dahilan para sa hindi ko na mabilang na pagkakataon, muli akong natigilan. "Hangad namin ang pagkapanalo mo, anak. Ayusin mo ang relasyon niyo ng batang Velmon... hindi na ako makapaghintay na maging isa na rin siyang Imperio," doon tuluyang tumigil ang pagtibok ng puso ko pero hudyat rin 'yon para mag-unahan sa pagragasa ang mga luha sa pisngi ko.

"Group hug, babygirl!" napangiti ako nang makita ang kakambal kong nakangiti rin sa akin, ni hindi ko man lang namalayan ang pagpasok niya. Gaya ng hindi ko namalayang pagkilos ng katawan ko papunta kina Mom and Dad at binigyan sila ng mahigpit na yakap na agad nilang tinugunan. Agad ring sumali si Leeam at doon ko naramdaman ang mas tumibay na koneksyon ng pamilya namin.

Ikaw nalang ang kulang, Ciel.

ayemsiryus

Continue Reading

You'll Also Like

461K 1.3K 5
As the middle kid, I thought I was exempt from their expectations and everything since I could do anything I wanted, act as I pleased, and even disap...
382K 12.7K 58
Heiress Series #1 Date Started: January 5,2019 Date Finished: May 14,2020 Highest Achieved #21 Fantasy ♥️👏
586K 21.6K 58
The Vampire Princess #1: Prophecy Of Two Creatures [COMPLETED] Sherez Monica Centrias, ang nag-iisang anak ng may-ari ng Centrias University. Nalipat...
205K 7.5K 31
Dahil lang sa pakikinig ng usapan, naituro siya bilang ama nang dinadala ni Aviah Alvarez na anak ng gobernador. Alam naman niyang kakaiba siya dahil...