Fiona

By pekengkeso

75.5K 1.3K 832

Wala lang 'to. More

Part 2
Part 3
Part 4
Part 5
Part 6
Part 7
Part 8
Part 9
Part 10
Ang Pagtatapos
Bonus Chapter
Crazy Fiona

Fiona

11.6K 251 240
By pekengkeso



Fiona's POV

"Dalawa pa! Maluwag pa o! Dasma! Dasma! May dalawa pa!" Dinig kong sigaw ng isang konduktor. Kita ko kung paano nito hampasin 'yong jeep sa gilid. At kita ko rin kung paanong nagsisiksikan ang mga tao doon sa loob. Wala ng ibang jeep kaya no choice ako kundi sumakay na rin.

Anong oras na nga naman. Matagal kasing natapos 'yong practice namin sa sayaw eh. Kaya madalas na akong ginagabi sa pag-uwi.

Umakyat na nga ako sa loob ng jeep. Sinungaling talaga itong si Manong Konduktor. Anong dalawa pa ang sinasabi niyang bakante? Eh halos malaglag na nga 'yong pwet ko dito sa inuupuan ko.

Nagtawag pa nang nagtawag si Manong Konduktor. Talagang hindi pa siya nakuntento ha. Nagmumukha na kaming sardinas sa loob kasi siksikan.

Ang lakas pa ng amoy nitong katabi ko. Parang isang buwang hindi naligo sa lakas ng anghit.

Nadagdagan pa ang pasahero ng lima saka umariba si Manong Driver.

Gusto ko sanang umidlip nalang muna kasi malayo pa naman ang bababaan ko. Kaso, paano ako makakaidlip eh hindi man lang ako makasandal. Ngawit na nga 'yong kamay ko sa paghawak sa silver metal sa ibabaw para lang hindi ako mahulog. Walangya.

Hindi rin naman nagtagal ay may nagbabaan sa unahan kaya kumonti kaming natira na siyang ipinagpasalamat ko.

Bumuntong hininga ako saka ipinikit ang mga mata ko. Isinandal ko rin 'yong ulo ko para makaidlip.

Naalimpungatan ako nang may maramdaman akong tumabi sa'kin. Kinusot ko ang mga mata ko para makita kung nasaan na kami. Baka kasi lumagpas na ako.

Thank God, hindi pa naman.

Nilingon ko ang lalaking tumabi sa'kin. Sasabihan ko sana siyang umusog ng konti kasi maluwag naman na 'yong jeep. Tatlo nalang kasi kaming natira dito sa loob. Plus itong lalaking katabi ko, pang-apat. Kaso, hindi ko nagawa.

Namangha ako sa itsura niya. Ang gwapo. Ang tangos ng ilong. May mapupulang labi at makapal na kilay. Nakasideview pa lang 'yan ha.

Napalunok tuloy ako ng laway.

Nakapagtatakang pinagdidikitan talaga 'yong sarili niya sa'kin.

Grabe. Iba na talaga ang kagandahan ko.

Tumikhim ako para mapansin niya ako. Kaso, snob siya. Ni hindi man lang lumilingon.

Ayaw niya.

Dahil hindi umubra ang pagtikhim ko ay umubo ako. Ubong akala mo may TB. At success naman ako doon dahil nilingon niya ako. Take note, nakangiti pa siya niyan kaya nasilaw ako konti. Mas gwapo pala siya pag nakaharap. Grabe. Ang swerte ko naman ngayong gabi.

"Hi." Bati niya.

Ang ganda ng boses niya. Ang husky. Dapat gandahan ko rin 'yong akin. Para naman bagay kami diba?

Lumunok ako ng laway bago ko siya batiin.

"Hello." Sabi kong ganyan. Inipit ko pa ang buhok na tumatabon sa mukha ko sa likod ng tainga ko.

"Pangalan mo?" Tanong pa niya.

Naman, o. Sana hindi niya mahalatang kinikilig ako.

"Fiona." Nakangiti ko namang sagot sa kanya. Hindi na siya umimik at nag-iwas ng tingin. Hindi ko tuloy alam kung may nasabi ba akong hindi maganda. Sinabi ko lang naman 'yong pangalan ko ah?

"Kapangalan mo pala 'yong girlfriend ko." Dinig kong sabi niya.

"Talaga?" Walang gana kong sabi. Biglang parang bumagsak 'yong balikat ko. Saklap naman. Akala ko pa naman lalablayp na ako.

"Oo. Kaso wala na kami." Bigo niyang sabi. Kita ko kung paanong nalungkot bigla ang mukha niya. Gusto kong magsaya. Kaso, ang sama ko naman kung gano'n hindi ba? Mukhang kakabreak lang nila ng gf niya. Icocomfort ko nalang ang isang 'to.

Hinawakan ko siya sa balikat. Nakasideview pa rin siya sa'kin. Hindi ko alam kung ano ang mga comforting words para gumaan ang pakiramdam niya dahil mahina talaga ako sa ganito.

"Okay lang 'yan. Makakahanap ka rin ng iba d'yan. Kalimutan mo na siya. Hindi ko man alam kung paano kayo naghiwalay pero, dapat ay magmove on ka nalang."

Nilingon niya ako at binigyan ng malungkot na ngiti.

"Tama ka. Dapat kalimutan ko na siya." Aniya.

Akalain mo 'yon? Sumang-ayon pa sa advice ko? Ako na talaga.

"Hehe." Napakamot nalang ako sa may noo ko. Wala na akong maisip na iba pang sasabihin eh. Sana hindi niya mahalatang pacute ang ngiti ko.

"Pwede ko bang hingin ang number mo?"

Kung pwede lang lumundag sa tuwa ay baka ginawa ko na.

"Ha? Ano? Pakiulit?" Syempre, bingi bingihan mode. Gusto kong ulitin niya eh. Bakit ba?

"Baka pwede kong mahingi ang number mo?" Pag-uulit niya.

Kalma, Fiona. Number pa lang naman ang hihingin niya sa'yo. Hindi ka niya inaalok na maging gf niya. Wag munang kiligin ng todo.

Ngumiti ako sa kanya. Ngiting abot hanggang tainga.

"Sure." Sabi kong ganyan saka ibinigay na sa kanya ang number ko.

Nagulat pa ako nang makita ko ang cellphone niya. Durog ang screen nito. Pero nakikita pa rin naman 'yong text. Kaya lang, durog na durog na talaga kung titignan ito.

Ano ba naman ito. Kay gwapo gwapo, ang panget ng cellphone.

Tinignan ko ang itsura niya. Nakawhite t-shirt, maong shorts at sapatos.

Okay naman sa pananamit, panalo rin sa mukha, kaso sa cellphone, talong talo eh.

Gusto ko sanang tanungin kung napano ang cellphone niya kaso huwag nalang. Ang chismosa ko naman kung gano'n diba?

Nagpalinga linga ako sa labas kung nasaan na kami. Malapit na pala akong bababa.

"Oy, malapit na ako sa'min. Papano, hanggang dito nalang?" Saad ko sa kanya. Ano ba naman 'yan. Bababa na ako pero hindi ko man lang nakuha ang pangalan niya.

"Sige. Libre ko na pamasahe mo." Alok niya na agad ko namang tinanggihan.

"Ano ka ba. Ako na. Ako nalang taya ngayon. Sa susunod na pagkikita natin, ikaw naman. Okay ba 'yon?" Nginitian ko pa siya.

"Okay." Sagot naman niya.

Nginitian ko lang siya pero nag-iwas na siya ng tingin. Bago pa ako makapagsabi ng 'Para' ay hinawakan niya 'yung braso ko.

Hindi ko alam kung dahil lang sa hangin pero ang lamig lamig ng kamay niya.

"Sabay tayong bumaba. Ihahatid kita."

Winawagayway ko 'yung kamay ko. Lagpas na ako. Kailangan ko na talagang bumaba.

"Nako, wag na! Nakakahiya. Sige ha," Sumigaw na ako. "Manong! Para!"

Huminto ang jeep. Tinapik ko siya sa balikat at tinanguan. Seryoso lang siyang nakatingin sa akin.

Hindi ko mawari kung galit ba siya o ano. Pero okay lang. Ang lakas pa din ng dating, e. Ang gwapo kasi.

Pagbaba ko, ay inabot ko kay Manong Konduktor ang bayad ko.

"Dalawa po 'yan."

Kumunot ang noo ni Manong Konduktor at tinignan ako.

"Paanong dalawa? Eh mag-isa ka lang naman ah?" Tanong ni Manong.

Napakamot ako sa noo ko.

"Ikaw manong, bulag ka ha. 'Yong katabi ko po. Babayaran ko rin." Sabi ko pa habang hinihintay 'yong sukli ko.

Kunot pa rin ang noo ni Manong Konduktor.

Dahan-dahan niyang nilingon ang inupuan ko kanina saka ibinalik sa akin ang tingin niya.

"Ikaw ba Miss, pinagloloko mo ako? Eh wala ka namang katabi ah!" Bulyaw niya sa'kin at iniabot na ang sukli ko.

Ituturo ko sana kay Manong 'yong katabi kong lalaki, pero nabitin sa ere ang daliri ko.

Nasaan na 'yong lalaki? Ba't biglang nawala?

"Padoktor ka Miss ha! Nagsasalita ka pang mag-isa kanina! Diyan ka na nga!" Singhal ni Manong Konduktor saka hinampas ang gilid para paandarin na ni Manong Driver ang jeep.

Tulala akong naiwan doon.

Paanong nawala 'yong lalaki? Saan ba siya dumaan? Imposibleng sa bintana. Imposible ring sa pagitan namin ni Manong Konduktor. Edi dapat nakita ko diba?

Bigla akong namutla at kinabahan. Sinabihan pa ako ni Manong na nagsasalita akong mag-isa kanina. Eh paano nangyari iyon? Eh diba may kausap naman ako kanina? Ano iyon, imagination ko lang? Binigay ko pa nga ang number ko diba?

Napalunok ako ng maraming laway.

Sino pala 'yong kausap ko kanina?

Sa takot na naramdaman ko ay mabilis kong tinungo ang bahay namin. Lakad takbo ang ginawa ko. Naririnig ko pang nagtatahulan 'yong mga aso pero binalewala ko lang ang mga iyon. Hindi nga ako lumilingon sa likuran ko kahit may nakikita akong aninong sumusunod sa'kin.

Ayokong lumingon. Ayokong makita kung sino man ang taong sumusunod sa likod ko.

"Psst."

Ayan na. Sumisitsit na siya. Ang lakas pa ng hangin at putek, pinagpapawisan na 'yong noo ko sa takot.

"Psst."

Binilisan ko pa ulit ang lakad ko nang marinig kong sumitsit na naman kung sino man ang taong nasa likuran ko.

Ba't parang pakiramdam ko biglang lumayo ang bahay namin? Kanina pa ako lakad ng lakad ah. Hindi ko pa rin makita 'yong bahay namin.

"Psst."

Kailan ba siya titigil ha? Akala niya natutuwa ako sa kanya? Naninindig ang balahibo ko sa ginagawa niya! Bwisit!

Binilisan ko pa lalo 'yong paglalakad ko. Nakakainis! Nakikita ko pa rin ang ang anino ng taong sumusunod sa'kin! Anong gagawin ko?!

Nahinto ako sa paglalakad nang maramdaman kong hinawakan niya ang kanang balikat ko.

Napalunok pa ako bago ako tuluyang sumigaw.

"Waaa--- Hmmmmp!" Hindi ko natuloy ang pagsigaw ko kasi tinakpan niya ang bibig ko.

"Wag ka ngang sumigaw." Teka. Kilala ko ang boses na 'to ah! Tinanggal din naman niya kaagad 'yong kamay niya kaya naman hinarap ko siya.

Gano'n nalang ang paniningkit ng mga mata ko nang makita si Red sa harapan ko.

Kinuha ko ang bag ko at pinaghahampas ko sa kanya.

"Bwisit ka! Akala ko kung sino! Ikaw lang pala!" Todo ilag siya pero tuloy pa rin ako sa paghampas.

"Aray! Oy tama na-- Aray!"

"Oh dapat lang sa'yo 'yan! Muntik na akong atakihin kanina sa takot! Tapos ikaw lang pala itong sunod ng sunod sa'kin!"

Bwisit na bwisit talaga ako sa kanya. Akala ko pa naman kung ano ng multo o snatcher o rapist ang sumusunod sa akin kanina, tapos siya lang pala! Nakakainit ng dugo!

Tinigil ko na ang paghampas dahil ngawit na 'yong braso ko. Galing pa ako sa eskwelahan kaya bugbog sa practice ang katawan ko.

"Tss. Eto naman oh. Gusto ko lang namang sumabay sa'yo pauwi eh." Napakamot pa siya sa may batok niya.

"Ewan ko sa'yo! Diyan ka na nga!" Bulyaw ko sa kanya saka mabilis na tumalikod.

Nang maramdaman kong may balak na naman siyang sumunod, nilingon ko siya at dinuro.

"Subukan mo lang na sundan ako ulit, bukas na bukas babastedin kita!" Singhal ko pa sa kanya.

Oo. Manliligaw ko siya. Classmate ko siya sa isang subject at wala pa akong balak na sagutin siya.

"Oo na, hindi na." Pagsuko niya. Nakanguso pa! Akala niya nacucutan ako sa pag ganyan ganyan niya ha! Hindi naman!

Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad.

"Fiona.."

Natigil ako sa paglalakad nang marinig kong tinawag niya ang pangalan ko. Nilingon ko siya na salubong ang kilay.

"Ano na naman?!" Uubusin ata ng taong 'to ang pasensya ko!

"I love you." Sabi niya sabay iniwan na ako. Bwisit! Akala ko pa naman ano na!

Tinuloy ko na ang paglalakad ko. Bahala nga siya sa buhay niya! Marami pa akong dapat na problemahin kaysa sa kanya. Malapit na pala a--

"Psst."

Napahilot ako sa sa'king sentido. Kailan ba talaga niya ako titigilan? Ha? Babastedin ko na talaga 'to bukas, makita niya!

Sesermonan ko na sana ang tao sa likuran ko pero nagulat ako sa nakita ko. Hindi na pala si Red ito.

Napalunok ako nang makita ang taong kausap ko sa loob ng jeep kani-kanina lang. Ang kaninang gwapo at malinis niyang mukha kanina ay hindi na. Punong puno ng dugo ang mukha niya ngayon. Putok ang labi niya at tumutulo ang dugo mula sa mukha niya pababa sa puting damit na suot niya. Puno ng sugat at dugo ang kaliwang kamay niya kung saan hawak niya iyong cellphone niya.

Mabilis ang hininga ko at hindi malaman ang gagawin. Ayokong makakita ng ganito kaya ipinikit ko ang mga mata ko. Nagbabakasakaling, imagination ko lang itong nakikita ko ngayon. Na sana lang hindi totoong nasa harapan ko ang lalaking kausap ko kanina sa loob ng jeep na ngayon ay duguan na.

Bumuntong hininga ako saka ko dahan dahang minulat ang mga mata ko.

Wala na 'yong lalaki sa harapan ko.

"Wooh! Sabi ko na nga ba imagination ko lang iyon." biglang nasabi ko sabay snap pa sa fingers ko.

Biglang may naramdaman akong malamig na hininga sa batok ko at ganoon nalang ang paninindig ng balahibo ko nang marinig ang malalim na boses ng isang lalaki.

"Diba sabi ko sa'yo..." Mas inilapit pa niya ang bibig niya sa tainga ko. "Ihahatid kita?"

Continue Reading

You'll Also Like

605K 35.7K 98
Hello Duology, Book #2 || I was just happily watching my ship sailing when suddenly, someone boarded the ship I was in.
8.8K 98 33
Taglish epistolary Jaemin as Himself Jade Hyun as You Nct Dream as themselves
2.7M 53.6K 36
A PUBLISHED BOOK UNDER LIB (Life Is Beautiful) Biktima ng bullying at nag-suicide. Iyan ang nangyari kay Olivia. Ang pangyayaring iyon ay nakalimutan...
44.7K 2.8K 74
"hi baby :*" 『irene ft. jimin an online lovestory aphrodite's daughters #1』 ©LLEULCKS for the cover highest rank; #23 in short story