Sa Taong 1890

By xxienc

85.9K 3.5K 1K

Siya si Chestinell Del Veriel Cavillian. Mula sa taong 2020. Isang babaeng laging nasa mali-tingin ng kanyang... More

Mula sa May-akda
Kabanata 1
Kabanata 2
Kabanata 3
Kabanata 4
Kabanata 5
Kabanata 6
Kabanata 7
Kabanata 8
Kabanata 9
Kabanata 10
Kabanata 11
Kabanata 12
Kabanata 13
Kabanata 14
Kabanata 15
Kabanata 16
Kabanata 17
Kabanata 18
Kabanata 19
Kabanata 20
Kabanata 21
Kabanata 22
Kabanata 23
Kabanata 24
Kabanata 25
Kabanata 26
Kabanata 27
Kabanata 28
Kabanata 29
Kabanata 30
Kabanata 31
Kabanata 32
Kabanata 33
Kabanata 34
Kabanata 35
Kabanata 36
Kabanata 37
Kabanata 38
Kabanata 39
Kabanata 40
Kabanata 42
Kabanata 43
Kabanata 44
Kabanata 45
Kabanata 46
Kabanata 47
Kabanata 48
Kabanata 49
Kabanata 50
Kabanata 51
Kabanata 52
Kabanata 53
Kabanata 54
Kabanata 55
Kabanata 56
Kabanata 57
Kabanata 58
Kabanata 59
Kabanata 60
Kabanata 61
Kabanata 62
Kabanata 63
Kabanata 64
Kabanata 65
Kabanata 66
Kabanata 67
Kabanata 68
Kabanata 69
Kabanata 70

Kabanata 41

755 27 15
By xxienc

|Kabanata 41|

Agosto 8, 1888

           Ang pag-iisang dibdib ay isang sagradong seremonya na ginagawa ng dalawang taong iniibig ang isa't isa. Labis ang aking galak nang masilayan kong simula noong una hanggang sa sandaling ito ang pagmamahalan na namuo at pinagtibay ng panahon nina Tiya Arcela at Tiyo Costavio ay naroon pa rin.

Ako'y natutuwa na kanilang pinili ang pagmamahal sa isa't isa kumpara sa ibang mga bagay at mga hadlang sa kanilang relasyon. Ako'y natutuwa na makitang may kakayahan silang piliin ang kanilang puso kaysa sa kung sino at ano ang dinidikta ng mga tao.

Sana ay balang araw, ako rin. Sana ay magkaroon ako ng pagkakataong pipiliin ang taong aking iniibig na siyang ihaharap at ipapakilala ko sa Manlilikha bilang makakasama ko hanggang sa aking huling hininga. Deja que el amor gane todo.

— Martina




"Anong nangyayari rito?!"

Sabay-sabay kaming napalingon nang marinig ang sigaw ni Dueña Hilda. Matatalas ang kaniyang mga tingin sa amin—lalo na sa akin. Dala-dala niya ang kaniyang patpat at pinansingkitan kami ng mga mata. Nang makita ko nga siya ay nanlamig ang likuran ko at medyo kinilabutan pa ako sa kaniyang tingin.

"H–hah! May dugo sa aking ilong."

Napatili na uli siya na ikinanginig ng mga ngipin ni Dueña Hilda sa pagkainis. Hindi pa rin siya makakilong at gulat na gulat dahil sa nangyari sa kanyang ilong na sinuntok ko. Umaagos pa rin naman kasi ang iilang dugo mula rito.

Ayan, ayan ang napala niya. Siya itong sumugod-sugod sa pamamahay namin at mananakit kaya nararapat lang din na mangyari sa kaniya iyan!

"Pumasok kayong dalawa," utos ng nakakatandang babae. "Bilis!"

Nang dahil sa pagtaas ng kaniyang boses ay napaigtad ako ng kaunti. Pati na rin si Clara ay napalingon sa kaniya at napatitig. Dahan-dahan naman akong inalalayan ni kuya papunta sa mansiyon. Si Clara naman ay tinutulungan ni ate Guada na hindi makapaniwalang sinuntok ko ang babaeng hawak niya.

Nakasunod naman sa amin si Dueña Hilda na naririnig ko pa ang pagpalo-palo niya sa kaniyang patpat sa kaniyang palad.

"Doon, sa azotea."

Nanggigigil ngunit kalma pa rin ang boses ng Dueña nang sinabi niya ang mga salitang iyon. Tinulungan ako ni kuya na umupo sa mahabang upuan na katapat ng pinto ng azotea. Sinuklay naman niya ang mga buhok ko gamit ang mga daliri niya saka inayos iyon sa likuran.

"Ano bang ginagawa mo, Martina? Haya't nagpapagaling ka pa nga mula sa iyong mga pasa, ngayon ay may mga kalmot ka na at sugat," bulong na sermon ni kuya habang inuusisa ang mga braso kong namumula mula sa kalmot at kurot.

"Paumanhin, Kuya," tanging nasambit ko saka at inayos ang aking buhok papunta sa likuran.

"Iwan niyo muna kaming tatlo."

Napahinga ng malalim si kuya saka bahagyang ngumiti sa akin. Tumayo na siya at bumaling kay Clara na natagpuan kong nakatingin pala sa akin. Kaagad kong nilobo ang ilong ko saka umirap at umiwas ng tingin.

Magkasama naman na lumabas ang magkasintahan na lumingon muna sa akin bago tuluyang nawala sa paningin ko. Napabuga ako ng hangin saka itinaas sa upuan at pinahinga ang mga paa ko at nag-unat. Pechay! Ang sakit ng likod ko.

Napalingon naman ako kay Dueña Hilda na narinig kong nagmamadali ang mga yabag niya. Papalapit siya sa akin na nakakunot ang kaniyang noo. Nakapamaywang din siya saka ako tinuro gamit ang kaniyang patpat.

Bago ko pa mataasan siya ng kilay ay dumampi na sa aking hita ang kaniyang dalang patpat dahilan upang mapakislot ako sa hapdi at sakit. What the fudge?!

"Iyan ba ang pag-upo ng isang binibini? Ibaba mo iyan!"


Napadaing muna ako bago ko pairap na ibinaba ang mga binti ko. Napakalaking bagay naman niyon na kahit ipinahinga ko lang. Pshh.

"At ikaw Binibining Clara, iyan ba ang asal ng isang binibini? Sumusugod ng residensya at nakikipag-away?" baling niya kay Clara na abala sa pagpahid ng kaniyang ilong.

Umismid naman ito at nagbuga ng hangin.

"Nasaan ang iyong natitirang delicadeza?" nagpamaywang siya habang nakatingin kay Clara. "At ikaw naman, isa kang Del Veriel at anak ng Teniente Mayor ng bayan na ito. Bakit mo pa pinatulan ang mas nakakababa ng antas sa iyo?"

"Hah! Anong sinabi mo?!" napatayo si Clara at nakaismid na tinignan si Dueña Hilda mula ulo hanggang paa.

"Alin doon? Iyong nakakababa ng antas?"

"Arrrghh! Ang kapal ng iyong pagmumukhang tawagin ako ng ganoon!" napatili na naman si Clara na umalingawngaw sa buong azotea. "Anong akala mo sa akin, hampaslupa? Isa akong Veloronso, at ang aming pamilya ay kilala bilang isa sa pangunahing mang-aangkat at negosyante sa bayang ito!"

"At kung ako ay iyong pagsasabihan ay wala kang karapatan na gawin iyon. Unahin mo muna iyang babaeng iyan," pinandilatan niya ako. "Pagsabihan mong huwag mang-agaw ng pagmamay-ari ng iba."

Mabilis siyang tumayo ng padabog saka niya kami pinansingkitan ng mga mata. Inismiran niya muna ako saka tumalikod na paalis.

Humarap sa akin si Dueña Hilda saka tinaasan ako ng kilay, "At ano na naman ang kaniyang ibig sabihin?"

Bumuga ako ng hangin saka nagkibit-balikat. Tinignan ko na lang ang mga namumulang bahagi ng braso ko na puno ng kurot at bakas ng kaniyang kuko.

"May isa na naman bang ginoong nagkaroon ng interes sa iyo ngunit gusto niya ang ginoo?"

Awtomatikong napaangat ang tingin ko sa kaniya nang marinig ang kaniyang sinabi. Paano niya nalaman ang bagay na iyon? Marahil ay sinabi ni Kristina sa kaniya ang tungkol doon sa sulat.

"Mukhang ganoon na nga," sagot niya sa kaniyang sarili nang hindi ako umimik. "Hanggang kailan naman kaya matitigil ang ganoon? At saka, isa nga siyang Veloronso ngunit mukhang hindi tinuruan ng magandang asal," nakailing pang kausap nito sa sarili.

"Dueña Hilda, ayos lamang ba si Martina?"

Pareho kaming napatingin sa pinto nang marinig kong magsalita si kuya Lucas. Katabi niyang nakasilip sa may pintuan si ate Guada na bahagyang nakangiti sa akin.

Kaagad naman akong napatayo saka nilingon ang Dueña, "Pupunta na po ako ng silid."

Hindi ko na hinintay pa ang kaniyang sagot at naglakad na paalis. Sobrang sakit na ng ulo ko at gusto ko ng humiga.

"Oo, dalhin niyo na siya sa kaniyang silid."

Tumango si kuya at mabilis naman na lumapit sa akin si ate Guada saka ako hinawakan sa braso at inalalayan. Tahimik ang dalawa na dinala ako papunta sa taas. Kaagad na akong napaupo sa higaan nang makarating kami sa loob ng aking silid.

Nagpunta si Kuya sa banyo at si ate Guada ay hinanap ang aking suklay sa tukador saka siya lumapit sa akin. Nakangiti siyang umupo sa may likuran ko saka sinimulan ang pagsusuklay sa buhok ko.

"Ano ba ang kaniyang problema at bigla na lang sumugod dito?" tanong pa niya.

Tinulungan ko siyang tanggalin ang pagkabuhol-buhol ng mga buhok ko. "Hindi ko alam. Inagaw ko raw sa kaniya ang pagmamay-ari niya."

Narinig ko nang pagtawa niya ng kaunti, "At ikaw pa talaga ang sinabihan niya ng ganoon? Nakakatawa."

Natawa ako sa kaniyang sagot. Sana, hindi niya muna malaman ang ugat ng pangyayaring ito. Hindi pa ako handang sabihin ang tungkol doon.

Lumabas si kuya Lucas mula sa banyo dala ang maliit na palanggana at isang bimpo saka lumapit sa amin. Inilagay niya ang palanggana sa may paanan ko saka umupo sa higaan sa aking harapan.

"Martina, ang sabi ko naman sa iyo ay magpahinga ka. Bakit ka naman nakipagbugbugan sa binibining iyon?" saka niya pinahiran ang braso ko ng basang bimpo.

Magkarugtong ang kaniyang mga kilay at nakakunot ang kaniyang noo. Hindi makikitaan ng ngiti ang kaniyang mukha at tila ba'y dismayado sa nangyari sa akin.

"Paumanhin talaga, Kuya. At saka, hindi naman kasi iyon bugbugan. Isa pa, siya naman ang sumugod sa akin, hahayaan ko bang tapakan niya ang pagkatao ko't magpasabunot na lang sa kaniya?"

Bumuntong-hininga siya saka kinuha ang kabila kong kamay, "Kahit na, Martina. Sana ay umalis ka na lang. Tignan mo't ano na ang nangyari sa iyo."

"Ano ka ba, Kuya? Ayos lang ako at wala lang ang mga iyan. Ang importante ay alam niyang hindi ako magpapatalo sa kaniya."

"Sana ay wala ng susunod pa, Martina. Mainam na iwasan mo ang binibining iyon. Sa simula pa lamang ay wala naman iyong magandang naidulot sa iyo."

"Tama ang iyong Kuya, Martina," segunda ni ate Guada na maingat at patuloy pa rin sa pagsusuklay sa akin. "Kahit pa sabi ng iba na siya'y mayroong mabuting kalooban nakakasigurado akong may tinatago siyang kagaspangan ng ugali." 

"Opo, Ate, Kuya. Iniiwasan ko naman talaga, siya lang itong lapit ng lapit sa akin."

"Kapag nanakit talaga uli ang binibining iyon hindi na ako magdadalawang isip na sabihan ang kaniyang mga magulang. Baguhin niya lang ang kaniyang ugali at kung hindi ay baka maipakulong ko talaga siya," napatiim-bagang siya at naniningkit ang mga mata na tumayo at nagtungo uli sa banyo dala ang palanggana at bimpo.

"Kuya, huwag naman. Ayaw ko na ng gulo at ayaw ko na lumaki pa ito. Hayaan niyo't magbabago rin siya balang araw."

"Ngunit, Martina, kailangan din naman niyang matuto. Ang lakas ng kaniyang loob na sumugod dito at manakit," si ate Guada.

"Huwag na huwag mo akong pigilan, Martina. Lalo na kapag ikaw ang nadedehado dahil hinding-hindi ko hahayaang mangyari iyon," seryosong wika ni Kuya na lumabas dala ang isang maliit na bote.

Dahan-dahan akong napangiti habang pinagmasdan siyang maglakad papalapit sa akin at umupo pabalik sa inupuan niya kanina. Doon ko mas lalong naramdaman at napagtanto kung gaano nila pinapahalagahan at minamahal si Kristina.

"Pangako, Kuya, hindi ko hahayaang mangyari uli ang ganoon."

Napatango siya saka ako nginitian. Binuksan na niya ang maliit na bote at inilagay ang daliri sa may bukanan nito at dahan-dahan na inihilig. Kaagad naman niyang ipinahid ang likidong mula roon sa mga namumulang bahagi ng braso ko.

"Langis ito ng niyog. Nakakatulong itong mawala ang pamumula at maghilom ang mga kalmot na iyan."

"Salamat, Kuya, Ate."

Kasabay niyon ang pagtapos ng pagtatali ni ate Guada sa buhok ko. Ngumiti ang dalawa sa akin matapos akong umayos ng upo pagilid sa kanilang dalawa.

"Hindi ko akalaing marunong ka palang sumuntok, Martina," biglang natawang saad ni kuya kaya pati kaming dalawa ni ate Guada ay natawa na rin.

"Oo nga eh, nakakatawa nga't dumugo pa. Ayos lang kaya siya?" sabi naman ni ate.

"Hay naku, hayaan mo ang binibining iyon. Nababagay lamang sa kaniya iyon," napailing si kuya Lucas.

Mas lalo naman akong natawa sa kanilang dalawa. "Hindi ko alam, bigla na lang talagang gumalaw iyong kamao ko. Nanggigigil talaga ako sa kaniya."

"Basta huwag na sana itong maulit pa, Martina. Kailangan mo ring magpagaling hayan at nagkapasa ka na naman."

"Oo na, Kuya. Pasensya na talaga kayo, hindi ko lang alam na mangyayari pala ito. Hindi bale, sa susunod ay iiwas ako."

Parehong napatango ang dalawa saka tumayo na.

"Siya, magpahinga ka rito ha. Huwag na huwag kang aalis," utos ni kuya kaya nakangisi akong tumango.

"Aalis muna kami ng iyong kuya. Magpakabait ka rito ha? At saka kapag bumalik ang binibining iyon sabihan mo kaagad si Dueña."

Mas lalo lang akong napangisi dahil sa sinabi ni ate Guada na aalis sila. Yiee, mamasyal sila.

"Sige, mag-iingat kayong dalawa."

Tuluyan ng lumabas ang dalawa at sa tingin ko ay nakaalis na rin sila. Napahilata na lang ako sa higaan at dinama ang kalambutan nito. Pechay, ang sakit talaga ng anit ko.

Napalingon naman ako sa pinto nang makarinig ako ng tatlong katok sa pinto at ni hindi na pa man ako nakasagot ay bumukas na ito. Tumambad sa akin ang magkasalubong na kilay at bahagyang nakasimangot na itsura ni Isay.

Agad akong napaupo saka siya nginitian, "Bakit, Isay?"

"Paumanhin, Binibini. Ngunit, labis lang akong nag-alala dahil sa aking narinig," aniya saka mabilis na naglakad papalapit. "Sinugod daw kayo ng Senyorita Clara rito?"

Napabuga naman ako ng hangin at hinayaan ang sarili na matumba at mahiga pabalik sa kama. "Uh-huhm."

"Naku! Ayos lamang ba kayo, Senyorita? Pasensya na kayo't naroon kasi ako sa imbakan."

Natawa ako ng kaunti, "Ano ka ba, Isay? Bakit ka naghihingi ng paumanhin, eh hindi naman ikaw ang sumabunot sa akin."

"Ha?! Sinabunutan kayo ni Senyorita Clara?" gulantang na bulalas niya. "Nakakainis talaga ang babaeng iyon. Kung maaari lang sana'y ilampaso siya sa palikuran ay ginawa ko na." Bumubulong pa siya sa kaniyang sarili na naririnig ko naman kaya natawa ako.

"Ayos lang ako, Isay. Ginantihan ko naman siya ng suntok sa ilong. Dumugo pa nga eh," pagmamalaki ko pa kaya nagliwanag ang mukha niya.

"Talaga, Senyorita? Ang galing naman, nakaganti ka rin," ngisi niya kaya natawa ako. "Pero kahit na, nasaktan pa rin kayo. Ayos na ba ang iyong kalagayan?"

"Hm-hmm. Ayos na ako, Isay. Masakit lang talaga ang ulo ko kakahila niya sa buhok ko kanina, pero ayos na," panigurado ko sa kaniya.

Mabilis naman siyang nagpunta sa kabilang banda ng higaan kung saan nakahiga ang ulo ko sa unan.

"Hihilutin ko na lang, Senyorita. Para kahit papaano ay sana mawala na ang sakit," aniya ng nakaluhod sa sahig at kalahating katawan na nakasampa sa higaan.

Isang malapad na ngiti ang sumilay sa aking mukha, "Talaga? Sige, maraming salamat ah."

"Ay naku. Hindi niyo naman kailangan na magpasalamat. Aking karangalan, Senyorita."

Sinimulan naman niya ang paghihilot sa sintido ko kaya natahimik na lang ako at pumikit.

"Nga pala, Senyorita. Bakit naman iyon sumugod rito't sinaktan kayo?"

Inipit ko ang mga labi ko ng ilang segundo. Ano ba ang sasabihin ko?

"Eh kasi...inagaw ko raw si Joaquin sa kaniya."

"Inagaw? Sa pagkakaalam ko ay hindi naman niya pagmamay-ari si Ginoong Joaquin. Gusto niya ito pero ang alam ko ay hindi naman siya nililigawan ng Ginoo." Natawa pa siya ng tawang sarkastiko.

"Iyon nga rin naman ang sabi ni Ginoong Joaquin sa akin. At saka, hindi naman sila magkasintahan." Dahil ako naman ang kasintahan niya, yieee. Napangiti tuloy ako ng lihim.

"Iyon nga. Kaya ang lakas naman ng loob niyang gawin iyon. Paano naman niya nasabing inagaw? At saka isa pa, magkaibigan lang naman kayo ng Ginoo." Bumuntong-hininga siya at patuloy na minamasahe ang bandang noo ko.

Nawala ang ngiti ko nang marinig ko ang mga salitang iyon. Ni isang salita man lang ay hindi lumabas mula sa bibig ko. Nababagabag talaga ko dahil ni isa ay walang alam sa katotohanan o tungkol doon. Gustong gusto kong kahit ni isang tao man lang ay masabihan ko.

"Isay..." napaurong ang dila ko.

"Po, Senyorita?"

"May sasabihin kasi ako pero huwag na huwag mo–mong sabihin sa iba." Nakakasiguro akong maasahan naman si Isay.

Napaayos naman ang pagluhod niya, "Oo naman, Senyorita. Ano iyon?"

Huminga ako ng malalim saka napaupo sa kama kaya nanlaki ang mga mata niya sa pagtataka at kuryusidad.

"Kasi...ang to–totoo niyan ay kasintahan... kasintahan ko na si Ginoong Joaquin." Hindi ko alam ngunit halos lumabas na sa katawan ko ang puso ko dahil sa mabilis na pagkabog nito.

Mas lalo pang lumaki ang kaniyang mga mata at dahil iyon sa gulat. "Ha?!"

"Shhh. Huwag kang maingay." Natataranta akong napalapit sa kaniya at tinakpan ang kaniyang bibig.

Marahan ang kaniyang naging paghinga at hindi pa rin bumabalik sa normal na hugis ang kaniyang mga mata. Kasabay pa niyon ang pagdugtong ng kaniyang mga kilay. Ibinaba ko naman ang mga kamay ko saka kinuha ang isang unan at niyakap iyon.

"Ka–kasintahan niyo na si Ginoong Joaquin?!" bulong na bulalas niya kaya napangiti ako ng pilit saka dahan-dahan na tumango.

"Ang aking akala'y si Ginoong Agustino ang iyong pipiliin," aniya na parang ang kaniyang sarili ang kausap niya.

Awtumatikong nagdugtong ang mga kilay ko nang marinig ko iyon. "Anong ibig mong sabihin?"

Napangiti naman siya kaagad saka mabilis na umiling, "Ah wala, wala naman, Senyorita," kaila niya. "Ngunit, kailan naging kayo? Kay bilis naman yata at tila ba ay hindi rin alam ng iyong mga kapatid at magulang na ikaw ay nais na ligawan ng Ginoo."

"Ah, ehe, kasi sinagot ko na siya noong ika-pito." Nagkamot ako ng batok at ngumisi.

Tila ba ay nakakita siya ng pitong ulo ko dahil sa kaniyang tingin nang sabihin ko iyon. "Ik–ika-pito, Senyorita?! Napakabilis nga. Ni hindi man lang umakyat ng ligaw o kaya naman ay hingin ang basbas ng Don at Donya."

"Ay naku, hindi naman na kailangan iyon, Isay. Ang mahalaga ay mahal niyo ang isa't-isa," pagkumbinsi ko sa kaniya.

"Hmmm," dahan-dahan siyang napatango at ngumuso. "Ngunit, huwag kayong mag-alala, Senyorita, hinding-hindi ko sasabihin iyon kahit kanino. Subalit paniguradong papagalitan kayo ng Dueña kapag nalaman niyang minadali mo ang bagay na ito."

"Hmm, kaya huwag na huwag mong sabihin kahit kanino. Balang araw, baka ay masabi ko sa kanila ang tungkol dito."

Nakangiti naman siya ng kaunti saka tumango. Napatulala na tuloy ako. Tama si Isay. Paniguradong mas lalong mag-iinit ang dugo ni Dueña Hilda kapag nalaman niya ang tungkol dito. Maingat pa naman siya at sinisigurong nakasunod ako sa etikita. Pechay!

"Isay, maaari mo ba akong kuhanan ng tubig?" Bigla akong nauhaw dahil sa mga iniisip.

"Sige, Senyorita. Walang problema. Babalik kaagad ako."

Itinumba ko na ang sariling katawan habang yakap-yakap ang unan. Ano na kaya ang mangyayari ngayon? Gusto ko ng malaman kung sino ang gustong pumatay kay Kristina. Mahigit dalawang buwan pa ang natitira bago ang Hunyo pero sana malaman ko na ang lahat bago iyon.

May kasalan pa kayang mangyayari?


"Senyorita, narito na ang inyong tubig. Nagdala na rin ako ng meryenda dahil baka kayo ay nagugutom."

Inilapag na ni Isay ang bandeha sa mesang pang-aral kaya agad na akong bumangon at lumapit doon. Dala niya ang isang basong tubig at dalawang suman na nasa isang platito.

"Salamat, Isay."

"Walang anuman, Senyorita."

Inabot ko naman sa kaniya ang isang suman, "Ito oh, tig-isa tayo."

"Ay, huwag na po Senyorita. Maraming salamat." Nakangiti siya saka ikinaway ang palad. Matapos akong tumango ay tumalikod na siya at inayos ang higaan.

"Medyo natagalan ka pala. May nangyari ba sa baba?"

Sinulyapan naman niya ako saka nagpunta sa katapat na banda ng higaan. "Wala naman, Senyorita. Ngunit, tama naman na umalis po ang Senyorito Lucas, hindi ba, Senyorita?"

"Uh-huhmm," tumango ako. "Bakit?" Uminom naman ako ng tubig habang nakataas ang kilay sa kaniya.

"Kasi, hinanap ni Ginoong Agustino si Senyorito Lucas."

Dahil sa narinig ay naubuga ko ang iniinom ko't napaubo. Mabilis siyang napatingin sa akin kasabay ang pagkunot ng kaniyang noo.

"Si Agu–Agustin, kamo?" saka ako tumikhim. Andito si Agustin?

"Oo, Senyorita. Noong bumaba ako ay nasalubong ko siyang papaakyat ng mansiyon."

Kaagad akong napatayo at nagmadaling tumakbo papunta sa pinto. Kailangan ko siyang makausap. Binuksan ko na ang pinto saka kumaripas na ng takbo papuntang hagdan.

"Senyorita? Sandali lamang po!"

Hindi ko na pinansin ang paghabol ni Isay at bumaba na ng hagdan. Nadatnan ko ang sala mayor na walang katao-tao kaya tumakbo ako papuntang azotea. Doon naman kasi minsan tumatambay ang mga bisita.

Isang simangot ang pumaskil sa mukha ko ng marating ko ang azotea at walang ni isang tao. Napatingin naman ako sa labas at nakitang may karwaheng kakaalis lang.

Mabilis pa sa alas kwatro akong tumakbo palabas ng azotea at pababa ng mansiyon. Nakasalubong ko pa si Isay na kakababa lang ng hagdan mula sa ikatlong palapag.

"Senyorita, sandali lang..." halos kapusin na siya sa hininga nang sumunod siya pababa ng mansiyon.

"Agustin!"

Tumatakbo akong sinigaw ang pangalan niya habang nakatingin sa kaniyang sinasakyan. Ni hindi bumagal o huminto ang karwahe. Wala rin akong nakitang nakadungaw sa bintana na kaniyang ulo.

"Agustin, sandali!"

Kahit pa medyo napagod na ako kakatakbo dahil halos mangalahati na ako sa mahabang daan sa loob ng Casa ay hindi ko iyon masyadong naramdaman at mas pinili ng katawan kong habulin siya.

"Senyorita, hayaan niyo na siya. Mukhang hindi niya kayo narinig eh!" napasigaw na rin si Isay dahil hindi niya rin ako naabutan sa kakahabol.

"Agustin!"

Halos marating na nila ang tarangkahan at pinagbuksan na sila ng mga nakabantay na gwardiya sibil doon. Kahit hindi man malinaw sa akin kung ano ang sasabihin ko sa kaniya ay nais ko pa rin siyang makausap. Hindi ko alam kung bakit ngunit iyon ang sinasabi ng loob ko.

"Teka lang, Agustin!"

Napatili na ako't lahat ngunit hindi pa rin tumigil ang karwahe kundi ay nakalabas na ito ng Casa Del Veriel. Sa hingal at ubos ng hininga ay natumba na ako sa lupa habang tinatanaw ang papalayong karwahe at papasarang tarangkahan.

Sunod-sunod ang paghinga ko ng malalim at paglaylay ng aking mga balikat. Agustin, bakit hindi ka tumigil? Bakit hindi mo ako narinig?

"Senyorita!" Nagmadaling lumapit si Isay saka ako dinaluhan sa lupa. "Ayos lamang kayo? Tumayo na kayo, Senyorita."

Nanghihina man ang mga tuhod ko ay pinilit kong makatayo tulong ng paghila ni Isay sa akin. Pinagpagan naman niya ang saya kong nagkaalikabok habang nakatingin pa rin ako sa labas ng tarangkahan. Maliit na ang hugis ng karwahe habang tinatanaw ko iyon.

"Isay, hinanap...ba ako ni Agustin kanina?" yumuko ako at tinignan siya na nag-angat ng tingin sa akin.

"Hindi, wala, Senyorita," aniya saka tumayo. "Nagtanong lang siya kung narito ba ang iyong kapatid at matapos kong sumagot na umalis ay nagpaalam kaagad siya't tumalikod na."

Napabuga ako ng hangin at muling sinulyapan ang labas ng tarangkahan. Hindi ko na makita pa halos ang papalayong karwahe. Napayuko na lang ako't bumawi ng tingin at naglakad pabalik ng mansiyon.

Bakit hindi man lang niya muna ako kinausap bago siya umalis kagaya ng ginagawa niya dati? Alam na niya kaya ang tungkol sa amin ni Joaquin kaya niya ako iniiwasan? Iniiwasan niya ba ako?


"Martina, nariyan ka pala."

Napalingon ako nang marinig ang boses ni kuya Lucio. Nasilayan ko ang tatlo na magkakatabi at nakasilip sa pintuan ng azotea.

Naibaba ko ang libro saka nginitian sila na pumasok at lumapit sa may upuan na malapit sa pinto.

"Manonood kami ng pagtatanghal. Baka nais mong sumama," imbita ni kuya Lucas.

"Talaga?!" Mabilis akong napatayo at tumango sila bilang tugon. "Sasama ba si Joaquin?"

Nagkatinginan ang tatlo saka nilingon uli ako na magkarugtong na ang mga kilay. Nawala ang masayang ngiti ko na napalitan ng pilit na ngiti saka napahilot sa batok ko.

"Marahil ay oo dahil kaming walo naman ang nagkausap tungkol dito." Si kuya Lucio na ang sumagot.

Pinagtaasan naman ako ng sulok ng labi ni kuya Marco. "At bakit mo naman siya hinahanap, aber?"

Ngumiwi ako dahil sa kaniyang tanong. Ayan kasi, walang preno ang bibig mo. "Wala. Hinanap ko silang lahat kasi kahit saan naman kayo pupunta ay magkasama kayo. Pero si Joaquin na lang ang nabanggit ko," todo paliwanag pa ako saka ibinaba na ang libro sa mesa.

"Aakyat na muna ako dahil may kukunin lang ako. Hintayin niyo ako ha," nakangisi kong dagdag.

"Oo. Nasa karwahe lang kami maghihintay," si kuya Lucio.

Magkarugtong pa rin ang kanilang mga kilay nang iwan ko sila at nagmadali ng umakyat papuntang silid. Hay naku, Chestinell, huwag kang masyadong magpahalata kasi. Napakamot na lang ako ng ulo at dumiretso na sa bihisan.

Nagpalit na ako ng dilaw na baro't saya at kinuha na ang aking palaging dala na bolso de cabestrillo at ang aking abaniko. Lumabas na ako ng silid na siyang pagsalubong ko ni Ina na dumaan sa harap nito. Nakangiti siyang napatingin sa akin kaya ginantihan ko rin.

"Ika'y aalis, anak?"

"Ah opo, Ina. Isasama raw kasi ako nina Kuya na manonood ng pagtatanghal," tugon ko matapos niya akong tignan mula ulo hanggang paa.

"Nagpaalam sila sa akin kanina ngunit hindi ko naman alam na isasama ka pala nila," mas lalo pa siyang ngumiti saka pinisil ng kaunti ang aking braso. "Kung ganoon, mag-iingat kayo ha. At huwag kang humiwalay sa iyong mga kapatid. Saka, umuwi kayo bago ang tanghalian dahil paniguradong hahanapin kayo ng inyong Ama "

"Opo, Ina. Sasabihan ko rin sina Kuya."

Nakangiti siyang tumango sa akin bago kami magkasabay na naglakad pababa.

"Nasaan na pala ang tatlo?"

"Naroon na po sa labas naghihintay sa akin."

"Ganoon ba? Halika, ihahatid muna kita sa labas."

Ngumiti siya kaya natatawa akong tumango at saka kaming dalawa naglakad pababa ng mansiyon. Nadatnan namin ang tatlo na nasa karwahe. Nakasandal lang si kuya Lucio sa may pinto at magkakrus ang mga braso sa dibdib. Ang dalawa naman ay nasa loob na at pawang nakadungaw sa bintana.

Agad na napangiti ang tatlo nang makita si Ina na papalapit sa kanila.

"Mag-iingat kayo ha. Alagaan niyo si Martina at ayaw ko ng mayroon na namang mangyari."

"Opo, Ina. Maaasahan," tumatangong tugon ni kuya Lucio.

"Aalis na kami, Ina."

Nagpaalam na si kuya Lucas at sumakay na ako katabi sa kaniya. Kumaway naman si kuya Marco kay Ina. Nakangiting tumango si Ina at sumakay na si kuya Lucio katabi ni kuya Marco.

Ilang sandali pa ay umusad na ang sinasakyan namin at binagtas na ang mahabang kalsada papunta sa sentro ng bayan. 

Hindi nagtagal ay narating namin ang may katamtamang laking imprastraktura na nasa may tapat lang ng tanggapan nina Ama. Isang kalye ang pagitan nito. Kaso ay magkasalungat sila dahil pahalang ito kaya naging letrang L ang kanilang porma. Dalawang palapag ito at puro gawa sa kahoy.

Nagsibaba naman ang tatlo kaya agad na akong sumunod. Medyo may maraming tao sa labas ng gusali at sa tingin ko ay kagaya rin sila namin na manonood ng pagtatanghal.

Inilibot ko na ang paningin ko sa paligid at hinanap ang ibang miyembro ng G8. Lalo na si Joaquin. Napangisi tuloy ako at ngumuso para itago iyon. Kasi naman nasa tabi ko ang dalawa at baka makita pa.

Nasaan na kaya siya?

"Halika na, Martina." Hinawakan na ni kuya Lucas ang siko ko saka hinila na ako papalapit sa kaniya at pumasok na kami.

"Pero sina ano...Gabriel, oo. Ang sabi niyo ay kasama sila."

Natawa naman sa tabi ko si kuya Marco. "Kumalma ka lang, Martina. Nasa loob na sila at naghihintay sa atin."

Sandali akong natahimik at napatitig sa kaniya saka dahan-dahan na napatango. "Ahh, okay. O siya, tayo na, bilis at baka kanina pa nagsimula."

Nagmadali na akong naglakad at iniwan na ang dalawa at humabol kay kuya Lucio na may kausap sa 'di kalayuan. Kalma ka nga, Chestinell. Makikita mo rin naman siya ah.

Nakalapit na ako kay kuya Lucio na siya ring pagdating ng dalawa kaya sumama na ako sa kanilang pumasok sa isang malaking pinto sa may kabilang dulo ng unang palapag.

Pagdating namin sa loob ay medyo makulimlim ang mga ilaw na gawa sa pakahong hugis na mga lampara na nakasabit sa bubong ng buong silid. May malaking aranya naman sa gitna ng kisame. Nakapahagdan ang istilo ng mga upuan at nasa higit sampu yatang hilera. May entablado naman sa harap at may malaking pulang tela na nakasabit bilang backdrop nito.

Medyo marami na rin ang mga tao at nakaupo na ang kadalasan sa mga ito. May iba naman na nag-uusap at nagkakamustahan sa gilid, sa baba, at nasa may mga upuan nila.

Inilibot nina Kuya ang mga tingin nila kaya pati ako ay nakigaya na rin at hinanap sila. Kaso ay naunahan na ako ni Marco na makita sila.

"Ayun sila."

Magkasabay naming sinunod ang turo ng daliri ni Kuya at nakita sila na nakaupo sa may gitnang bahagi. Tatlo ang hanay ng mga upuan at sa gitnang hanay ay may limang upuan na magkakatabi. Sa dalawang hanay naman na nasa gilid ay tig tatlo ang upuan.

Kaagad na kaming umakyat papunta sa kanila. Naroon si Carolino at ate Guada saka ang magkakapatid na Varteliego maliban kay Leon.

"Martina! Masaya akong makita ka," nakangiting bungad ni ate Guada sa akin.

"Magandang araw sa iyo, ate Guada," balik kong bati sa kaniya. "Masaya rin akong makita ka, Ate."

Nang ilibot ko sana ang paningin ko sa buong paligid ay nahagip ng mga mata ko si Joaquin na nakatayo likuran na hilera ng inupuan nina ate Guada at nakatingin na pala sa akin. Awtomatikong napangiti ako na siyang ganoon na lang ang pagpigil ko dahil baka makita pa ng iba. Kumabog ang puso kong hindi ko akalaing ganoon na kabilis na tila hindi na maawat.

Itinaas ko ang kaliwang palad ko sa may balikat saka siya kinawayan. Unti-unti naman na sumilay ang isang matamis na ngiti sa kaniyang mukha saka bahagyang yumukod. Mas lalo tuloy akong napangiti nang makita ang kaniyang reaksiyon.

Napalingon naman siya sa mga kasama namin na abala sa pag-uusap sa bawat isa saka siya tumingin pabalik sa akin. "Masaya akong makita ka," bigkas niya na walang boses na narinig.

Napalobo ang ilong ko dahil sa ngiting hindi ko na napigilan. Eikk, kinikilig ako! Gusto kong mahimatay!

Kinalma ko naman ang sarili ko at nakangiti gumanti sa kaniya, "Masaya rin akong makita ka."

"Halina't umupo na tayo."

Mabilis akong nagbawi ng tingin nang magsalita si kuya Luis. Kaagad naman na naglakad si kuya Lucas palampas sa akin para lapitan si ate Guada. Umupo naman si kuya Lucio sa upuan na nasa kaniyang harap kaya tumabi na ako sa kaniya matapos ngitian uli si Joaquin. Umupo naman sa tabi ko si ate Guada at kabila niya ay si kuya Lucas.

Ang tatlo naman na magkapatid ang nasa likuran namin, si kuya Luis sa likod ni kuya Lucio, si Joaquin sa likuran ko, at si Gabriel na nasa likuran ni ate Guada, at si Carolino na nasa likuran ni kuya Lucas. Bakante naman ang kaliwa ni kuya Lucio at kuya Luis na pawang nasa tabi ng daanan paakyat at pababa.

Hindi ko alam kung nasaan na si kuya Marco dahil bigla siyang nawala. Siguro ay mayroong pinuntahan dahil pag-akyat ata namin ay nakasunod naman siya.

"Anong itatanghal ngayon, Kuya?" Napahilig akong bumulong kay kuya Lucio makalipas ang ilang sandali.

Nagsipag-upo na ang mga manonood at may iilang parte na rin ng silid na tahimik na. May iilan namang mga manonood na humahabol sa pagpasok.

"Tungkol sa magkasintahan na pinaghihiwalay ng buong mundo. Mayaman kasi ang binibining samantalang ang ginoo ay magsasaka lamang kaya tutol ang lahat dito. Kaya naisipan nilang magtanan na lang at mamuhay ng tahimik."

Eh?

"Kuya, sinabi mo na ang mangyayari eh. Parang natapos ko na tuloy na panoorin." May spoiler pala sa kapanahunang ito.

Natawa naman siya sa sinabi ko, "Ay, ano ba dapat sinabi ko? At saka, hindi naman iyon ang wakas. Marami ka pang malalaman."

Natawa na lang ako sa kaniya at napailing. Kasabay niyon ang pag-akyat at pagdating ng isang grupo ng tatlong babae sa may baba na hilera ng sa amin. Napatitig ako sa kanila nang matagpuang nakangiti sila at nagsipaghampasan ng kanilang mga abaniko. Iyong babae pa sa gitna ay nakatingin kay kuya Lucio.

Magkarugtong ang mga kilay ko nang lingunin ko si Kuya at nakitang ngumiti siya ng kagyat sa babae saka tumingin na sa harap. Napabalik ang atensiyon ko roon sa tatlo na nakitang tinutulak pa ang babae na nasa gitna. Hmm, may gusto yata kay Kuya.

"Ah, diyan ka na lang umupo. Wala ng bakante rito eh."

Itinulak pa siya ng babaeng nasa kaniyang kaliwa at ang dalawa ay kaagad na umupo sa natitirang upuan sa kabilang hanay na kahilera ng sa amin. Pilit naman siyang natawa saka napakamot ng batok nang tignan niya si Kuya. Dahil sa ginawa niya ay napaangat ang kilay ko. Hala siya, kompirmado nga.

"Dito ka na umupo, Binibi—"

"Kuya Marco, saan ka ba galing? Ito o, tinirahan kita ng upuan."

Mabilis ko ng pinutol si kuya Lucio para pigilan siya. Mabuti na lang din at dumating si kuya Marco na kakaakyat lang at napatigil sa kaniyang tabi. Nagkatinginan silang dalawa at ngumiti si kuya ng kaunti rito.

Kung iyan lang din naman ang babaeng magkakagusto kay kuya Lucio ay huwag na. Parang hindi asal binibini, lalo na iyong dalawa niyang kaibigan. Hindi naman iyan ang tipo ni Kuya at hindi ko gustong magkaroon ng great great grandmother na kagaya niya.

"Ah, pasensya ka na, Binibini. Para kasi ito sa Kuya ko. Doon ka na lang sa likuran, iyang katabi ni kuya Luis."

Nang marinig iyon ng babae ay nawala ang kaniyang ngiti. Napatingin din ako sa mga kaibigan niya na napaseryoso dahil doon. Napalingon din sa akin si kuya Lucio pero nginitian ko lang siya.

"Wala namang nakaupo riyan sa tabi mo kuya Luis, hindi ba?" baling ko sa kaniya.

"Wala, wala naman. Ayos lang sa akin na maupo ka rito, Binibini."

Napatango ako sa kaniyang sagot. At isa pa, maganda rin ito para baka magustuhan ni kuya Luis iyang babaeng iyan at hmmm, wala ng kasalang magaganap. Gosh, magandang plano, Chestinell.

"Oh, iyon naman pala. Upo ka na rito Kuya. Bilis, magsisimula na oh."

Agad-agad na napatango si kuya Marco at tumabi na kay kuya Lucio. Nakita ko pang nagkatinginan ang tatlong magkakaibigan at napangiwi ang babae sabay akyat papunta sa upuan katabi ni kuya Luis. Umupo naman siya roon saka nginitian si kuya Luis bago ko nakitang tumingin kay kuya Lucio na nakatingin sa harap.

Nagdugtong nman ang kilay ko dahil sa ginawa niya. Aaminin ko, maganda siya at sopistikada ang kaniyang dating. Mukha rin siyang desente kaso nga lang ay mukhang desperadang mapansin ni kuya Lucio. Babae naman ako pero hindi ko naman yata maisip na magagawa kong makipaghampasan at magkaringkingan sa harap ng mga lalaki. Lalo na nga at ganito pa ang kapanahunan nila, hindi iyon maaari.

Sandali akong napatitig sa kaniya na nakatingin na sa entablado. Hinahanap ko sa utak ko kung nasaan ko ba siya nakita. Parang nakita ko na kasi siya dati eh. Ang pamilyar ng mukha niya hindi ko lang maalala kung siya ba talaga iyon. Hindi yata siya iyon.

Nilingon ko na lang si Joaquin na nasa likuran ko at nakitang nakatingin pala siya sa akin. Ganoon na lang ang paglaming ng mga kamay ko at pagbilis ng tibok ng puso ko nang magtama ang mga mata namin.

Mabilis ko siyang nginitian at nagbawi na ng tingin. Kasabay niyon ang pagdilim ng paligid na mapuslaw na lang na ilaw ang nakasindi at ang tanging pinakamaliwanag na ay ang entabladong bahagi.

Ilang sandali pa ay nagsimula na ang pagtatanghal na kanina ko pa gustong makita. Sinabi na pa naman ni kuya Lucio ang mangyayari. Hays.














Sa Taong 1890

Continue Reading

You'll Also Like

84.5K 3.5K 33
An accident that will bring her back to her past life. Credits to Bb Mariya for the cover ✨ Started: May 12, 2020 Ended: November 28, 2020 Highest Ra...
Socorro By Binibining Mia

Historical Fiction

1.1M 70.3K 27
De Avila Series #1 "Wattys 2022 Grand Prize Winner" Known as the most stubborn and troublemaker daughter of the De Avila family, nothing stops Socorr...
253K 5.3K 70
(This story is half love story and half thriller) Solve the mystery of Class M-13........ A section that is known as the BEST SECTION, Respectful, He...
118K 3.5K 79
The Past and the Present Genre:Fan Fiction ( PAST ) Si Guy, Makulet,Palabiro at masayahing bata noon. Habang si Girl naman ay mahinhin, mahiyain at...