Pagpapakasakit
I
Aling pag-ibig kaya ang mas nakahihigit?
Sa pagpapakatanga at pagpapakasakit
Para sa isang taong tapat na iniibig,
At pinag-aalayan ng kaniyang daigdig.
II
Ang tunay na pag-ibig ay hindi masusukat
Sa ‘sang huwad na ginto at kalawanging pilak
Ni hindi mahahanap sa lakang nagpapanggap
Kundi nananalaytay sa luhang pumapatak.
III
Kapag ang iyong puso’y natuto nang magmahal
Hindi mapipigilang ika’y magpakahangal.
Iaalay ang lahat buhay pati dangal,
Para lamang sa kanyang tunay mong minamahal.
IV
Ang bawat sandali na iginuhit sa palad,
Nadarama ng puso ay langit ang katulad,
Ngunit pa’no kung siya ay hindi naging tapat,
Magagawa pa kayang pag- ibig’y ipaglaban?
V
Mga katoto, payo ko’y inyong pakinggan.
Nang ‘di mo maranasan sakit ng kabiguan.
Minsan na ring umibig ang aking pusong hangal
Sa isang taong manhid at walang pakialam.
VI
Pag nagmahal ka huwag mong ibigay ang lahat.
Dapat iyong tama lang at sa tingin mo’y sapat.
Pagkat ‘pag s’ya’y nawalat hindi mo na masipat,
Ika’y masasaktan at puso’y parang sinibat.
VII
Kung nararamdaman mong napapagod na siya,
Hayaan mo muna s’yang lumayo’t mapag -isa.
Nang s’ya’y makapag -isip at nang makapagpasya
Kung ang inyong pag-ibig, ipagpapatuloy pa.
VIII
Ngunit gayunpama’y ipaki ta mo ang lahat
Ng iyong pagmamahal at mga pagsisikap
Ipakita mong ikaw ang karapatdapat
Sa kaniyang pag- ibig na ‘yong pinapangarap.
IX
Kung minsa’y kailangan nating magpakababa,
Upang ang sinseridad ay kaniyang madama.
Paa’y panatilihing nakatapak sa lupa,
Nang magkabilang dulo’y palaging magkatugma.
X
Ilan lamang ito sa mga dapat nating gawin.
Upang pagmamahala’y palagi ninyong angkin
Sakaling dumating ang sanlibong tiisin,
Mananatiling buhay ang inyong paglalambing.
***
Ang tulang ito ay may lalabing-apating pantig. :)