Liham ng Pamamaalam (Pahayaga...

By miss_reminisce

1.1K 197 59

"Isang araw nagising na lamang ako na wala kana sa aking tabi at ang liham ng iyong pamamaalam ang aking nasa... More

Disclaimer
Panimula
Kabanata 1
Kabanata 2
Kabanata 3
Kabanata 4
Kabanata 5
Kabanata 6
Kabanata 7
Kabanata 8
Kabanata 9
Kabanata 10
Kabanata 11
Kabanata 12
Kabanata 13
Kabanata 14
Kabanata 15
Kabanata 16
Kabanata 17
Kabanata 18
Kabanata 19
Kabanata 20
Kabanata 21
Kabanata 22
Kabanata 23
Kabanata 24
Kabanata 26
Kabanata 27
Kabanata 28
Kabanata 29
Kabanata 30
Rebelasyon
Wakas
Pahayag ng May Akda

Kabanata 25

21 5 0
By miss_reminisce

Kabanata 25





Pasikat na ang araw nang magising si Manang Linda, katatapos ko lamang magluto ng kanin at halos nalinisan ko na rin ang kalahating bahagi ng mansyon. Nagulat sita kung bakit napakaaga kong gumising, tinugon ko na lamang siya na ako'y hindi makatulog.

Kanina pa ako patingin-tingin kay Manang Linda, nais kong tanungin sa kaniya kung may nalalaman ba siya sa mga ginagawa ng kaniyang anak. At nararapat ko rin bang iulat sa kaniya ang aking nasaksihan, ngunit malaki ang hinala ko na hindi niya ito paniniwalaan.

Ilang sandali pa ay napatigil ako sa pagpupunas ng mga pigurin nang makita kong lumabas sa kanilang silid si Rosa. Halatang puyat ang mga mata niya, nang makita ko siya ay agad na namuo ang sama ng aking loob. Hindi ako makapaniwala na nagawa niya ang bagay na iyon sa kaniyang tiya.

Tumungo ako sa kusina at nadatnan na nagwawalis sa likod si Manang Linda, habang si Rosa'y papungas-pungas ang mga matang kumukuha ng maligamgam na tubig.

Napahinga ako nang malalim, batid kong hindi magandang gawain ang magbintang ng walang konkretong katibayan, ngunit siguradong-sigurado ako na tinig niya ang aking narinig sa silid ni Manang Lita.

"Magandang umaga Rosa, ikaw ba'y nakatulog nang mahimbing kagabi?" Nakataas ang kilay niyang humarap sa akin habang hawak-hawak ang tasang naglalaman ng maligamgam na tubig.

"Ano ba ang iyong mga tinuturan Eliana? kung maaari'y lumayo ka sa aking harapan," mataray na sambit niya. Tinitigan ko siya sa kaniyang mga mata. "Tila ba taliwas ang iyong sinasabi sa postura ng iyong mga mata," kalmado kong sambit.

Taka itong napatingin sa akin "Ano ang ibig mong sabihin?" sa tinig niya ay mababakas na naguguluhan na siya sa kung ano ang aking sinasabi.

"Alam kong nababatid mo na walang ibang tutulong sa atin kundi ang ating sariling kadugo hindi ba?... At bilang isang kapamilya
nito ay nararapat lamang na kabutihan din ang isukli mo," sambit ko habang pinipigilan ang aking kaba.

Mas lalong kumunot ang noo niya at nababalot ng pagtataka ang kaniyang mukha "Ano ba ang iyong mga sinasambit Eliana? 'di hamak na walang katuturan kung ano ang iyong sinasabi," saad niya.

Napatango-tango ako at ngumiti ng tipid sa kaniya. "Kung gayo'y ikaw na lamang ay aking dederetsyuhin," saad ko at at mas tinitigan ito sa kaniyang mga mata.

"Ako'y may nasilayang siwang ng liwanag sa isang silid, at noong ako'y lumapit ay narinig ko ang kaluskos at ang impit na tadyak ng paa sa lapag, wari'y may mga bagay siyang hinahanap ngunit hindi masumpungan," kalmado muling saad ko habang nakatingin lamang sa inaayos kong mga pinggan.

"Hindi ba't tinuturing natin na pamilya ang ating kadugo dahil sila ang tutulong sa iyo sa mga panahong ikaw ay nalulugmok. Subalit sa pagkakataon ngayon nararapat pa rin bang tulungan ang iyong kadugo kahit na inilaglag ka na niya sa isang bitag," at napalingon sa kaniya, bawat salitang sinasambit ko ay sinisigurado ko na maririnig iyon ni Rosa

Hindi ko mapigilan ang bugso ng aking damdamin dahil hindi makatarungan ang kaniyang ginagawa. Bakit pa niya kailangang idamay si  Manang Lita nang ganito.

Nababalot ng pangamba at kaba ang kaniyang mukha. Umiwas siya ng tingin sa akin at sunod-sunod na malalim na paghinga ang kaniyang ginawa. "Hindi ko alam ang iyong sinasabi," wika niya. Napangiti ako nang matamis.

Dahil sa mga naging reaksyon at kilos niya ay malaki ang paghihinala ko na si Rosa nga ang taong nasa likod nang pagkawala ni Manang Lita, hindi ko lubos aakalain na gagawin niya ito kay Manang Lita na halos anak na rin ang turing niya rito.

"Sabihin na lamang natin, na ako at ang mga ibang tao ay maaari mong malinlang ngunit ang Diyos hindi mo kayang linlangin," napabaling siya ng tingin sa akin, at nanunuot ang pawis niya sa kaniyang noo.

Walang salita siyang isinambit sa akin at nilisan ako sa aking harapan. Napahinga ako nang malalim at napaupo sa isang silya.

Tama ang aking hinala, madali lamang basahin ang mukha ni Rosa at dahil sa mga aksyon niyang ginawa ay mas lalong nadidiin ito na siya ang tao sa likod ng kasalanang kaniya mismong ginawa.

Sa sandaling iyon ay bigla na lang nangilid ang aking luha. Sigurado na ako na si Rosa ang gumawa nito may Manang Lita ngunit sino ang nag-uudyok sa kaniya upang gawin niya ang bagay na ito?







KAUNTI pa lamang ang tao sa kumbento nang makarating ako rito. Kaliwa't kanan ang mga matatandang nagrorosaryo at walang humpay rin ang pagpasok ng mga tao sa loob.

Pinagmamasdan ko ang bawat taong papanhik sa loob dahil umaasa ako na aking makita si Samuel o si Binibining Solana. Nais kong isuplong sa kaniya ang aking nararamdaman at nais ko ring kumustahin ang kanilang kalagayan.

Ilang sandali lamang ay unti-unti nang napupuno ang loob ng kumbento at hindi ko pa rin nasisilayan sina Samuel at Solana. Ibinaling ko na lamang ang tingin ko sa harapan at ibuhos na lamang ang aking buong atensiyon sa misa.







NATAPOS ang misa na hindi ko sila nadatnan, hindi ko maiwasang hindi mangamba dahil batid kong wala silang pinapalampas na panahon sa pagtungo sa kumbento.

Wala ako sa sariling lumabas sa kumbento, agad akong napasingkit ng aking mata dahil sa sinag ng araw. Luminga-linga ako sa saglit sa kaliwa't kanan umaasa na kahit sa huling pagkakataon ay muli kong silang masisilayan.

Ngunit tulad kanina'y hindi ko sila makita. Napahinga ako nang malalim at bagsak ang aking mga balikat na naglakad pauwi. Tulad ng dati'y hindi na ako sabik na makauwi sa mansyon ng Villaflores dahil wala na si Manang Lita na nakasanayan kong ulatan kung anong salita ng diyos ang naging pangaral sa amin ngayong araw.

Napahinto ako sa aking paglalakad nang maaninag ko ang isang pamilyar na lalaki, ito'y nakatayo malapit sa isang kalesa. Dahil sa kuryosidad ay inihakbang ko ang aking paa patungo roon, halos mapatalon ang aking puso dahil sa saya dahil nadatnan kong si Marcelo iyon.

Isa lamang ang nasa isipan ko ngayon kapag narito si Marcelo narito rin si Samuel o si Solana. Akmang papalapit na ako sa kaniya nang bigla niya akong nakita, nagulat siya sa aking presensiya at hindi siya mapakali sa kaniyang kinatatayuan.

Napakunot ako ng aking noo at pinagmasdan siya nang may paghihinala. Inihakbang ko muli ang aking paa nang isenyas niya ang kaniyang kamay at umiling-iling. Bakas sa kaniyang mukha ang kaba, sinasabi niya na huwag akong lumapit patungo sa kaniya.

Namuo ang aking pagtataka dahil sa kaniyang ikinikilos, ano ang ibig niyang ipahiwatig? Maya-maya pa'y sinenyasan niya ako muli na lumayo at huwag lumapit sa kaniya. Hindi ko na alam ang aking gagawin at labis akong naguguluhan kung ano ang kaniyang sinasambit.

Nagulat ako nang may humawak sa aking palapulsuhan at sapilitan niya akong hinila. Kasabay nang paghila niya sa akin ay ang pagdaan nang napakabilis na kalesa. Halos mapasigaw ang mga taong dumaraan dahil sa lakas ng salpok ng kalesa sa puno. Nilapitan ng lahat ng tao ang bumangang kalesa.

"Namatay ang kabayo!" wika ng isang lalaki. Gulat akong napalingon nang may humila sa akin patungo sa likod ng kumbento. Naaninag ko rin ang isang nakabaro't sayang babae. Nang huminto kami sa likod ng kumbento ay nagulat ako nang yakapin ako nang mahigpit ni Samuel.

"S-samuel," saad ko, napatingin din ako kay Solana na nag-aalalang nakatingin sa akin. Si Samuel ang humila sa kamay ko at si Solana ang babaeng na nasilayan ko kanina. Nag-aalalang mga mata ni Samuel ang bumungad sa akin.

Lumapit sa akin si Solana at hinawakan nang mahigpit ang aking kamay. "Mabuti na lamang at nagawa mong umatras bago ka madaanan ng kalesa," nag-aalalang sambit ni Solana, habang nanunubig ang kaniyang mga mata.

"Ikaw ba'y nasugatan? O may masakit ba sa iyo Eliana?" tanong muli ni Samuel at sinuri pa ang aking kamay at katawan. Napailing ako "Ako'y walang galos Samuel," saad ko. Napabuntong hininga si Samuel habang nag-aalala pa rin si Solana.

Hindi ko maproseso sa aking isipan ang nangyari dahil sa sobrang napakabilis nito. Hindi ko batid sa aking sarili ang mga pangyayari ngayon, aking hindi nasilayan kanina sina Solana at Samuel ngunit ngayo'y nasa harapan ko na sila.

Tumatakbo rin sa aking isipan ang imahe ni Marcelo habang pilit niya akong binabalaan na huwag humakbang patungo sa kaniya. Isa lamang ang nasa isipan ko nais kong magpasalamat dahil ako'y kaniyang tinulungan.

"Ikaw ba'y sasabay kay Binibining Miranda pauwi?" napalingon ako kay Samuel nang tanungin niya iyon sa akin. Nagtataka akong napailing. Lumapit sa harapan ko si Samuel.

"Narito si Binibining Miranda?" balik kong tanong. Napatango nang dahan-dahan si Samuel. "Ang sambit niya sa akin kanina ay ikaw ay kaniyang kasama at nagpaiwan ka sa kumbento sapagkat... ako raw ay hindi mo nais makita," nanlaki ang aking mga mata na tumingin sa kaniya.

Hindi ko alam kung ano ang sinasabi ni Binibining Miranda.

"Hindi ko iyon sinambit Samuel," saad ko habang iniiling-iling ang aking ulo. Hinawakan niya ang aking kamay, "Batid ko na hindi mo iyon magagawa sa akin," saad niya, napangiti ako nang matamis, ngunit sa likod ng aking mga ngiti ay ang mga tanong kung bakit nagawang sabihin iyon ni Binibining Miranda.

"Batid na ba ni Binibining Miranda ang inyong relasyon Eliana?" napalingon ako kay Solana dahil sa tanong niya, napatingin din ako kay Samuel na nakapako lamang ang tingin sa akin.

Dahan-dahan akong umiling. "Kung gayo'y tila batid niya kung ano ang mayroon sa inyong dalawa. Kung magsambit siya ng mga kataga kanina ay tila ba tungkol iyon sa inyong relasyon," sambit muli ni Solana. Habang kunot noo at may bahid ng pagtataka ang kaniyang mukha.

"Kayo'y magkasama kanina?" tanong ko. Napatingin sila sa isa't isa at ibinaling ni Samuel ang tingin sa akin at tumango. Napabitaw ako mula sa pagkakahawak kay Samuel.

Kay tagal ko silang hinintay sa loob ng kumbento ngunit hindi ko lubos maisip na sila'y magkasama. Napailing ako, hindi dapat ako magtanim ng sama ng loob dahil lang sa napakababang dahilan.

"Pasensiya na Eliana, ngunit siya ang naunang lumapit sa amin kan---"

"Ayos lamang sa akin Samuel, walang problema para sa akin ang bagay na iyon," pagputol ko sa kaniyang sinambit. Ngumiti rin ako bilang pagpapahiwatig na ayos lamang sa akin.

"Kumusta kayo ng iyong ama?" napatingin muli sa akin si Samuel dahil sa bigla kong pag-iiba ng usapan.

"Hindi ko masasabi kung kami'y ayos na ng aking ama o hindi" tugon nito. Napatingin ako sa kaniya at nanatili lamang itong nakatingin sa akin. Ngayon ko lang napansin na malungkot ang kaniyang mga mata, kakaiba ito katulad ng dati.

Marahil ay hanggang ngayon ay galit pa rin ang kaniyang ama dahil mas pinili ako ni Samuel.

"Hindi ko maiwasang hindi mag-alala sa iyong kalagayan Samuel," napasilay ang ngiti niya sa kaniyang labi dahil sa aking sinambit. Tinaasan ko siya ng kilay. "Huwag kang mag-alala sa akin Eliana, isipin mo ang iyong sarili," saad niya.

Napatikhim si Solana at agad kaming napatingin sa kaniya, ngumiti lamang siya. Nagkatinginan kami ni Samuel, tila ba nakaligtaan na namin narito si Solana.

"Nga pala aking maalala... Aking naulinigan sa pamilihan na umalis na si Manang Lita sa mansyon ng Villaflores dahil daw sa ito'y nangumit ng mga alahas at salapi ni Donya Flora, totoo ba ang balitang iyon Eliana?" napatingin ako kay Solana dahil sa tinanong nito.

Kahapon lamang nangyari iyon ngunit halos kumalat na sa buong bayan ang balitang iyon.
Napatango ako "Totoo nga iyon," ramdam ko ang pagtataka at paglungkot ng mukha ni Solana, naramdaman kong hinawakam muli ni Samuel ang aking kamay at marahan itong pinisil.

"Aking hinala na ito'y naasukahan lamang," saad ni Solana habang may bahid ng pagkabigla sa kaniyang mukha. "Nasaan na ngayon si  Manang Lita?" napatingin ako kay Samuel. "Siya'y  nagtungo sa Bulakan kahapon," tugon ko.

"Bakit hindi mo kami nagawang sabihan kahapon na siya'y nagawang palayasin at akusahan," nag-aalalang saad muli niya.

Umiling ako ng paulit-ulit. "Hindi na kailangan Samuel, hindi ko rin nais na palaging dumepende sa inyo," saad ko at salitang tinignan silang dalawa.

Natatakot ako na sa oras na ginawa ko iyon ay maging laman na naman ako ng usap-usapan na aking ginagamit ang kapangyarihang mayroon sila.

Napangiti nang tipid sa'kin si Solana at lumapit siya sa'kin at bigla niya akong niyakap. "Kahit kailanman ay hindi namin iniisip na dumedepende ka sa'min Eliana, kaibigan na kita nang matagal at hindi ko kailanman inisip na ginagamit mo ako," wika niya bago ngumiti nang matamis sa'kin at humiwalay sa aking yakap.

Napangiti rin ako nang matamis at napatango. Napalingon kami kay Samuel nang tumikhim siya. "Solana maaari bang hintayin mo na lamang ako sa kalesa may bagay na sasabihin lamang ako kay Eliana," wika niya.

Napatango at napangiti si Solana, "Walang problema Kuya," wika niya bago nagpaalam paalis.

Naiwan kaming dalawa ni Samuel sa likod ng kumbento, napatingin ako sa kaniya nang bigla siyang pumunta sa aking harapan at niyakap ako nang mahigpit.

Tinugon ko rin ang kaniyang yakap at hinigpitan ko rin ang yakap sa kaniya. Hinihintay kong may sabihin siya sa'kin ngunit nanatili lamang siyang nakayakap sa'kin.

"Samuel, may nais ka bang sabihin sa'kin?" tanong ko sa kaniya habang nakayakap sa kaniya. Ngunit iniling niya lang ang kaniyang ulo at hinalikan ang aking noo.

"Kahit anong mangyari lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita Eliana, mawala man ang lahat sa'kin ikaw hindi ka mawawala,"






MATAPOS naming mag-usap sa likod ng kumbento ay napagpasiyahan ko na bumalik na sa mansyon ng  Villaflores. Nararamdaman kong nais akong ihatid ni Samuel ngunit tumutol na lamang ako.

Sinandya ko na sa harap muli nang kumbento dumaan upang makausap ko si Marcelo at kung bakit bigla na lamang  niya nabatid na may masamang mangyayari sa akin.

Wala na ang sira-sirang kalesa na bumangga sa puno ngunit may bakas pa rin doon ng parte ng kalesa at ang patak ng dugo ng kabayo. Kapansin-pansin din ang malaking galos ng puno dulot nang malakas na salpok ng kalesa roon.

Luminga-linga ako sa paligid upang umaasang makita si Marcelo,  ngunit wala na siya pati na rin ang kalesa nila Samuel at Solana. Napabuntong hininga ako at piniling sumakay sa mga kalesang dumaraan.





TAHIMIK akong pumahik sa loob ng mansyon, walang gaanong mga gawain sa araw ng linggo dahil nag-ulat si Don Alonzo na ilaan na lamang namin iyon sa pagpapahinga. Batid kong hindi iyon uso para sa karamihang manggawa ngunit  isinagawa pa rin ito ng Don.

Napatulala at napatigil ako sa paglalakad nang makita ko si Binibining Miranda sa asotea. Mag-isa lamang siya habang siya'y nagbuburda. Hindi ko nagawang kumustahin ang kalagayan niya kahapon dahil sa mga pangyayari.

Hindi ko batid kong dapat ko ba siyang kaawan o magtanim ng galit sa kaniya. Sariwa pa rin sa aking isipan ang mga sinambit ni Samuel sa akin na may bahid ng kasinungalian.

At hindi ko rin maiwasan ang malalim na pag-iisip tungkol  sa kung bakit niya sinabi ang mga katagang iyon gayong wala naman akong sinasabi.

Napahinga ako nang malalim at nagtungo sa asotea. May kabang namumuo sa aking dibdib ngunit kinakailangan ko itong labanan. "Maganda umaga binibining Miranda," bati ko, napabaling ang tingin niya sa akin at ngumiti nang matamis.

Kumpara kahapon ay masasabi ko na maayos na ang kalagayan niya. Hindi matamlay ang kaniyang mga mata at sumilay muli ang matamis niyang mga ngiti. Napatingin ako panandalian sa kaniyag palapulsuhan, may tela paring nakalagay rito.

"Magandang umaga rin Eliana, maupo ka," alok niya at inilahad sa akin ang isang silya, napangiti ako sa kaniya bago tuluyang umupo.

Nagpatuloy ulit siya sa pagbuburda, hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang pagtatanong sa kaniya ng mga bagay-bagay. Nangangamba ako na baka kung sakaling magtanong ako ay masamain niya ito.

Pinagmasdan ko ang kaniyang ibuburda isang  binibini na may hawak na mirasol iyon. Napabuntong hininga ako, pinagmasdan ko muli ito sa kaniyang pagbuburda, napakunot ang aking noo nang masilayan ang payneta niyang suot.


Tila pamilyar ang bagay na iyon.


"Ah. Binibining Miranda s-saan mo nabili ang p-paynetang iyong suot?" nauutal kong sambit dahil sa kaba. Napatigil ito sa pagbuburda at tumingin sa akin at ngumiti. "Ito ba?" tanong niya at kinuha sa kaniyang ulo ang paynetang nakalagay roon.

Nanlaki ang aking mga mata dahil iyon ang paynetang  aking nais. Dalawang beses akong inalok ng tindera na bilhin ang bagay na iyon ngunit hindi ko magawang bilhin.

"Ang bagay na ito ay handog sa akin ni Ginoong Samuel," magiliw niyang sambit. Napatulala na lamang ako sa kaniya. Hindi ko batid sa aking sarili kung dapat ko bang paniwalaan ang kaniyang sinabi.

Ang payentang iyan ay nais din ihandog sa akin ni Samuel ngunit nagawa kong tumanggi dahik sa hindi ako isang materyal na tao.

"Nagtungo kami kanina sa pamilihan at hinandog niya sa akin ang bagay na ito. Batid kong alam mo na rin ang tila nalalapit naming pag-iisang dibdib Eliana, kaya't ibubuhos ni Samuel ang lahat sa akin," saad muli niya habang nakatingin sa payneta at hindi mawala ang ngiti niya sa kaniyang labi.

"A-akala ko ho ba hindi pa kayo handa para sa ganoon at—"

"At pinaniniwalaan at pinanghahawakan mo ba iyon Eliana? Batid mo rin naman hindi ba na noon pa man iniibig ko na si Ginoong Samuel at malapit na rin ang loob ko sa kaniyang ama't ina. Hindi rin magtatagal ay magiging parte na rin ako ng pamilya Delos Santos," putol niya sa'king sinambit bago tumingin sa'kin at ibinalik ang tingin sa kaniyang ibinuburda.

"Dahil ba binabanggit ng karamihan na malabong mangyari iyon ay pinaniniwalaan mo na ito?" wika muli niya habang nagpapatuloy sa kaniyang ibinuburda.


"Kung gayon ay ukaw ay madaling malinlang... Alam kong wala ako sa tamang posisyon upang magsabi sa iyo nito...ngunit sa tingin ko'y....nililinlang ka lamang ni Ginoong Samuel at ng taong na sa iyong paligid. Pinapalabas niya lamang na hindi matutuloy ang aming pag-iisang dibdib dahil sa ayaw niya akong mapahamak," patuloy niya at napatingin na sa'king mga mata.

Kitang-kita ko sa mga mata ni Binibining Miranda ang sensiridad na nagpapahiwatig na dapat ko siyang paniwalaan. Malumanay akong napailing hindi ko dapat paniwalaan kung ano ang kaniyang sinasambit.

"Pasensiya na Binibining Miranda ngunit batid ko'y hindi ako magagawang linlangin ni Ginoong Samuel," wika ko.

"At bakit hindi kaniya kayang linlangin Eliana? Nababatid ko ang inyong tagong relasyon," agad na napatingin ako sa kaniya at sumilay ang ngiti nito sa kaniyang labi.

"Ang katotohanan kayo ay may relasyon ni Ginoong Samuel hindi ba? Ngunit ako'y patuloy pa rin niyang kinakatagpo sa gabi... Sa taniman ng kanilang masasaganang mirasol," hindi ko na nagawa pang ibuka ang aking bibig upang ipagtanggol ang aking sarili.

Ang bawat salitang binibitawan sa akin ni Binibining Miranda ay nakadudulot ng hinanakit sa akin. Batid kong hindi ko dapat paniwalaan ang kaniyang mga sinasabi ngunit  may lukso sa aking damdamin na makatotohanan ang mga iyon.

Hindi ko na alam kung sino sa kanilang dalawa ni Samuel ang nagsasabi ng totoo. Nababatid ni Binibining Miranda ang tanimang mirasol nila Samuel.

Naalala ko ang sinambit niya na tanging mga espesyal na tao lamang ang nagtutungo sa kanilang hardin. Espesyal din ba para sa kaniya si  Binibining Miranda?

"Pag-isipan mong mabuti ang iyong sarili, malapit nang maitali sa akin si Ginoong Samuel at kapag dumating ang araw ng aming  pag-iisang dibdib ay handa ka nitong bitawan," wika niya at tinapik ang aking balikat bago tuluyang umalis.

Napahinga ako nang malalim at nagsisimula nang manubig ang aking mga mata. Pilit kong ipinapasok sa aking isipan na hindi ako magagawang linlangin ni Samuel. At pawang walang katotohanan lamang ang sinasambit ni Binibining Miranda.

Paulit-ulit kong iniiling ang aking ulo habang patuloy ang pagpatak ng aking luha. Mahal ako ni Samuel, handa akong ipaglaban ni Samuel, hindi niya ako magagawang pabayaan. Dala-dala ko ang kaniyang panata sa akin, na kahit anong mangyari ay hindi niya ako bibitawan.

"Araw ng linggo ngunit nababalot ka ng pagtatangis," agad kong pinunasan ang aking luhang pumatak dahil sa kalmadong tinig ni Ginoong Lazaro.

"Walang magagawa ang iyong pagtatangis kung hindi mo hahanapin ang dahilan ng iyong mga hikbi," napalingon ako sa kaniya, itim na kamiso at puting pangbaba nga kaniyang suot.

Nagulat ako nang inilahad niya ang panyo sa aking harapan, kalmado lamang ang kaniyang mukha at walang ekspresiyon iyon.

"Ikaw ay tumayo sa iyong mga paa hindi mo mahahanap ang kasagutan kung hindi mo hinahakbang ang iyong paa palapit sa mga taong magbibigay sa iyo ng kasagutan," saad niya at naglakad patungo sa kanilang asotea.

Napatayo ako sa silya at napatingin sa kaniya. "G-ginoong Lazaro, bakit niyo ho ako palaging sinasabihan nang ganito at bakit niyo rin ho ako nililigtas," wika ko habang nakatingin sa kaniya.

"Hindi kita nililigtas nais ko lang na maliwanagan ka sa mga pangyayari. At alam ko rin na darating din ang araw na maliliwanagan ka sa lahat ngunit kailan pa? Kung kailan malapit ka nang maubusan ng hininga?" paliwanag niya habang hindi nakatingin sa'kin.

"Kaya't ngayon pa lang ay pinapalakas ko na ang loob mo na hanapin at alamin kung ano ang dapat mong gawin. Batid ko na mayroon na rin kayong relasyon ni Samuel ngunit handa mo bang isuko ang iyong pagmamahal sa kaniya alang-alang lang sa hindi maipaliwanag na bagay?" wika niya at napatingin sa'kin ng ilang segundo bago binalik ang tingin sa harapan.

Nanatili lamang akong nakatingin kay Ginoong Lazaro at hindi ko maproseso ang mga sunod-sunod niyang sinabi. Batid niya na rin ang relasyong mayroon sa'min ni Samuel.


Hindi ko man masabi ngayon sa kaniya ngunit labis-labis din ang pasasalamat ko sa kaniya dahil palagi niya akong binibigyang kaliwanagan sa lahat ng bagay.

Kailangan kong magtiwala sa aking sarili. Batid kong mahal ako ni Samuel at kung ano man ang sinambit ni Binibining Miranda ay maaaring hindi makatotohanan. Sapagkat nagawa na akong paglihiman ng katotohan ni  Binibining Miranda at naroon ang mga pagkakataon na maaari itong maulit.





Nagtitiwala,
Eliana

Continue Reading

You'll Also Like

722K 29.2K 46
WATTYS 2020 WINNER FOR HISTORICAL FICTION Ako si Catalina, nagmahal, nasaktan, humiling kay Tala at sumubok muli. Ang buhay ay mapaglaro at tinatawa...
68.1K 96 1
She's the most feared merciless assassin in the world, Evelyn Anais Fiero known as Dark in the world of assassin's. She was called Dark because she's...
762K 23K 7
She has to die to travel from the past to the future. This is all for the handsome guy with attitude problems whose arrogance is incomparable, yet he...