Liham ng Pamamaalam (Pahayaga...

By miss_reminisce

1.1K 197 59

"Isang araw nagising na lamang ako na wala kana sa aking tabi at ang liham ng iyong pamamaalam ang aking nasa... More

Disclaimer
Panimula
Kabanata 1
Kabanata 2
Kabanata 3
Kabanata 4
Kabanata 5
Kabanata 6
Kabanata 7
Kabanata 8
Kabanata 9
Kabanata 10
Kabanata 11
Kabanata 12
Kabanata 13
Kabanata 14
Kabanata 15
Kabanata 16
Kabanata 17
Kabanata 18
Kabanata 20
Kabanata 21
Kabanata 22
Kabanata 23
Kabanata 24
Kabanata 25
Kabanata 26
Kabanata 27
Kabanata 28
Kabanata 29
Kabanata 30
Rebelasyon
Wakas
Pahayag ng May Akda

Kabanata 19

19 5 0
By miss_reminisce

Kabanata 19




"Señor Samuel, narito na po siya," wika ni Marcelo habang mahigpit niya akong hinahawakan sa palapulsuhan ko. Kahit hindi niya ako gustong hawakan ay wala na siyang nagawa dahil pilit lang akong tumatakas.

Nakita kong lumingon siya nang kaunti, bago ulit binalik ang tingin sa harap ng ilog. Napansin ko ring nakaupo siya sa isang tela habang may mga pagkain ding nakalatag doon.

"Mukhang galit yata si Señor ikaw kase," bulong sa'kin ni Marcelo tinitigan ko siya nang masama at akmang sasagot na ako nang biglang nagsalita si Ginoong Samuel.

"Iwanan mo na kami rito ni Eliana, Marcelo," mababang saad niya. "Sige ho Señor," saad ni Marcelo at binitawan ako. "Ikaw na ang bahala dyan Binibini," wika niya at ngumisi bago naglakad paalis.

Napatingin ako kay Ginoong Samuel at hindi ko malaman ang aking gagawin. Patuloy pa rin siyang nakatalikod sa'kin at nakaharap sa ilog. Ang lakas din ng pintig ng puso ko dahil sa kaba.

"Mananatili ka lang ba riyan," wika niya at tumingin sa'kin. Hindi galit ang kaniyang tinig kundi bakas lang ng pagkalungkot. Umiwas siya ng tingin nang magsimula akong maglakad palapit sa kaniya.

Napahinto ako malapit sa inuupuan niya at dahang-dahang umupo sa kumot na nakalatag. Nasa gitna naming dalawa ang mga pagkaing dala niya. Kinakabahan akong  binalingan siya ng tingin, seryoso lang ang mukha niya habang nakatingin sa ilog.

Ang payapa rin ng mukha niya at nagiging maaliwalas ang tingin ko sa kaniya tuwing nagsusuot siya ng puting damit.

"G-ginoong Samuel—"

"Akala ko ba malinaw na para sa'ting dalawa na hindi mo na ako tatawagin ng Ginoo," putol niya sa'kin at tumingin sa'kin panandalian bago umiwas ng tingin.

"Pakiramdam ko lahat ng sinasabi ko sa iyo ay isinasawalang bahala mo lamang. Hindi ko tuloy mapigilang isipin na baka wala lang ako sa iyo," wika niya bago siya nagbato ng ligaw na bato sa ilog.

"Batid ko na kung bakit bumabalik tayo sa dati kahit hindi mo sabihin ay dahil ito kay Binibining Miranda," wika niya ulit at nagtapon ulit ng bato sa ilog.

"Iyon naman ang dahilan kung bakit kita pinapunta rito," wika niya at tumingin sa'kin. "Dahil nais kong ipaliwanag sa iyo ang mga bagay na naging dahilan ng pagkalito ng damdamin mo at ng pagluha mo," seryosong saad niya habang nakatingin sa'kin.

Nakatingin lang din ako sa kaniya at nanatiling tahimik habang pinapakinggan siya. Napaiwas na siya ng tingin. "Nabanggit sa'kin ni Marcelo na nasasaktan ka at umiiyak ka dahil sa'min ni Binibining Miranda, batid kong may parte sa'king sarili na nagkamali ako dahil matapos kong sabihin sa iyo ang aking nararamdaman ay parang winawalang bahala ko iyon pagkatapos," saad niya at ngumiti nang mapait sa kawalan.

Umiwas ako ng tingin sa kaniya at pinagmasdan na rin ang ilog. Ramdam ko ang lumbay sa bawat mga salitang binabanggit sa'kin ni Samuel. Pakiramdam ko hindi niya rin ginusto ang lahat.

"Ang totoo'y wala naman akong nararamdaman kay Binibining Miranda," wika niya sa sandaling pananahimik naming dalawa. Napatingin ako sa kaniya at napatingin din siya sa'kin.

"At isa pa hindi ko rin siya nais na mapangasawa," patuloy niya at umiwas ng tingin sa'kin. "Hindi ko rin alam kung bakit patuloy nila kaming pinaglalapit sa isa't isa  higit na si ama. Sa tuwing tumatanggi ako hindi siya pumapayag," paliwanag niya.

"I-iyan ba ang dahilan sa kung bakit nakakasama mo siya?" saad ko sa gitna ng pananahimik ko. "Sa mga nagdaang araw nababanggit sa'kin ni Binibining Miranda na mayroon kayong pagkikita, kaya't iyon din ang nagiging dahilan kung bakit nagdududa ako sa iyong nararamdaman para sa'kin," patuloy ko habang hindi nakatingin sa kaniya.

Napatingin siya sa'kin at napansin kong napahinga siya nang malalim bago umiwas ng tingin. "Patawad kong nasasaktan kita. Ngunit maniwala ka man o sa hindi Eliana, wala akong nararamdaman para sa kaniya. Maaaring lumalabas kaming dalawa ngunit ang totoo ikaw ang nasa isipan ko, lahat ng iyon ay hindi ko kagustuhan kundi kagustuhan lamang nila ama. Ilang beses akong tumatanggi ngunit ilang beses din nila akong pinipilit. Hindi ko rin alam kung bakit palaging dahilan ni Binibining Miranda ay kasama niya ako gayong hindi naman ako sumasang-ayon," paliwanag niya at tumingin sa'kin.

"At isa pa mas nais kong manahan sa iyong piling. At alam mo rin bang nakasulat na ang pangalan mo rito," wika niya at itinuro ang kaniyang puso, napalingon ako sa kaniya at pinagmasdan siya.

"Nais ko sanang paniwalaan mo ako Eliana, nais ko rin sanang huwag mong bitawan ang pagmamahal ko sa iyo at sana'y hindi mo rin ako pagdudahan," wika niya bago siya ngumiti nang tipid at iniwas ang tingin sa'kin.

Habang ako ay nanatili lang na nakatingin sa kaniya. Unti-unting nagiging magaan ang loob ko  dahil sa mga sinasabi niya, ang puso ko pakiramdam ko ilang sandali na lang ay lalabas na siya dahil sa pagpintig niya nang lubusan.

Ramdam ko ang sensiridad niya sa kaniyang tinig at bawat kaniyang paliwanag ay tumatagos sa puso ko. Tila nawala lahat ng hinanakit at alinlangan na nararamdaman ko sa kaniya.

Nanguha ulit siya ng bato at ibinato iyon sa ilog, dalawang beses niya iyong ginawa bago siya tumigil ngunit nanatili pa ring nakatingin  sa harapan. "Hindi ko batid ang iyong nararamdaman para sa'kin ngunit hayaan mo ako na patuloy ko lang iparamdam ang nadarama ko sa iyo," saad niya at napatingin ulit sa'kin.

"Alam kong nasasaktan na kita ngunit nasasaktan din ako sa tuwing nakikita kitang nahihirapan. Naninibugho rin ako sa tuwing nakikita ko kayong mas magkasundo ni Marcelo. Hinihiling ko sana na patuloy ka lang kumapit sa'kin at kung wala ka pang nararamdaman sa'kin ay hindi kita pipilitin hahayaan kong mahulog ang puso mo sa'kin nang maluwag nang walang halong pagdidikta ng sinuman," seryosong wika niya habang ang mga mata niya ay nakatingin sa'kin.

Sa puntong ito tila may nag-uudyok sa'kin na sabihin ko na rin kung ano ang nararamdaman ko para sa kaniya. Nahihirapan din akong makitang ganito si Samuel na walang kaalam-alam sa nararamdaman ko.

Paano ko ba sasabihin sa kaniya na iniibig ko na rin siya simula dati pa.

Napangiti siya nang maluwag bago umiwas ng tingin. "Huwag mo akong tignan nang ganiyan Eliana, na para bang may nararamdaman ka para sa'kin," wika niya at tumawa nang marahan.

Napakaganda para sa'king pandinig ang mumunti niyang mga tawa. Napaiwas ako ng tingin at kumuha nang katamtamang hiwa ng kakanin at nilagay iyon sa dahon ng saging. Naglakad ako patungo sa kaniyang harapan at umupo sa tapat niya.  Nakita kong nagulat siya sa ginawa ko ngunit nawala rin iyon at napangiti siya nang inabot ko sa kaniya kakanin.

"Salamat, batid mo bang simula kanina ay hindi pa ako kumakain dahil hinihintay kita," wika niya at ngumiti nang matamis sa'kin. Kung  simula kanina ay narito na siya ibig sabihin ay wala silang pagkikita ni Binibining Miranda.

Pinagmasdan ko lang siya at nanatili akong nakaupo sa harapan niya. Ang tuhod ko ang ginagawa kong suporta sa aking pagkakaupo.

Napatingin siya sa'kin at inalok ako. "Gusto mo rin bang subuan kita?" wika niya at ngumiti ulit. Nakita ko ring lumiwanag na ang kaniyang mukha kumpara kanina. Patuloy pa rin niyang kinakain ang kakanin na binigay ko sa kaniya.


Napahinga ako nang malalim bago nagsalita. "Samuel, gusto rin kita," wika ko ngunit nagulat ako nang bigla siyang inubo at nabulunan dahil sa kinakain niyang kakanin.

Naalerto ako at agad akong kumuha ng buko at binigay iyon sa kaniya. Agad naman niya itong kinuha at uminom doon, nakatingin lang ako sa kaniya hanggang sa matapos siyang uminom.

Napangiti siya bago tumingin sa'kin. "Ano na nga ulit ang iyong binanggit," wika niya habang tipid na napangiti sa'kin. Napahinga ulit ako nang malalim, tila nakaramdam ako ng hiya dahil sa sinabi ko kanina at pakiramdam ko hindi niya iyon narinig nang malinaw kanina.

"Kalimutan niyo na lang ho ang aking sinambit," wika ko at akmang tatayo na nang higitin niya ang kamay ko dahilan upang mapahiga siya at mapadapa ako sa ibabaw niya.

Ngumiti siya nang matamis bago hinawakan ang magkabilaan kong pisngi. "Narinig ko na gusto mo ako, kaya mahal din kita,"






"NAIS mo bang maligo sa ilog?" tanong niya napatingin ako sa kaniya nang tumayo siya. "Mamaya na kita ibabalik magliwaliw muna tayo," patuloy niya bago siya naglakad patungo sa ilog.

Sa wari ko'y alas-tres na ng hapon, pagkatapos naming kumain kanina ay hindi ako gaanong makatingin sa kaniya. Habang siya ay malapad ang kaniyang ngiti habang nakatingin sa'kin o di kaya ay habang kumakain.

Sa sandaling pag-amin ko kanina ay tila ba may tinik na nakalaya sa dibdib ko. Pinili kong sabihin sa kaniya ang nararamdaman ko habang hindi iniisip ang anumang maaaring hadlang sa pagitan nito.

"Eliana!" tawag niya muli sa'kin habang nakangiti. Hinihintay niya ako bago siya tumapak sa ilog, wala na rin siyang suot na sapin sa paa at nakataas ang dalawang laylayan ng kaniyang pang-ibaba.

"Marahil ay hindi na dahil wala akong dalang damit," wika ko, ngunit napakunot lang ang noo niya habang nakangiting nakatingin sa'kin.

"Wala rin akong dalang pamalit Eliana," wika niya bago siya tumapak sa ilog at naglakad hanggang sa umabot na sa kaniyang binti ang tubig sa ilog.

Napabaling ulit siya sa'kin at ngumiti. "Napakalamig ng tubig sayang kung hindi mo ito mararamdaman," wika niya dahilan para mapatayo ako at naglakad patungo sa kaniya.

"Wala akong dalang pamalit Samuel," ulit kong saad. "Huwag kang mag-alala wala rin naman akong dala," wika niya at ngumisi.

"Ayokong umuwing basa Samuel," saad ko sa kaniya. Tumawa siya nang marahan. "Magpapakuha ako kay Marcelo ng ating damit," wika niya at inilahad ang kamay niya sa'kin.

"Eliana kumapit ka na sa'kin," wika niya habang nakangiti sa'kin. Napahinga ako nang malalim bago tinanggap ang kamay niya at mahigpit niya itong hinawakan.

"Dahan-dahan lang," wika niya habang inaalalayan ako sa aking pagbaba. Napangiti ako nang maramdaman ang lamig ng tubig sa'king paa.

Naglakad palayo si Samuel habang hawak-hawak ang kamay ko, habang papalayo kami ay mas lalong tumataas ang tubig sa paa ko hanggang sa lagpas tuhod ko na ang lalim.

Binitawan ako ni Samuel at nagulat ako nang bigla niya akong sinabuyan ng tubig. "Samuel ano ba!" saad ko dahil sa lamig ng tubig at nabasa na rin ang suot kong baro.

Tumawa lang siya sa'kin at lumusong sa mas malalim na bahagi. "Diyan ka lang Eliana at malalim na rito," saad niya bago siya lumangoy. Pagkaahon niya ay basa na ang kaniyang buong katawan, hinawi niya rin pataas ang buhok niya dahilan para umaliwalas ang mukha niya sa paningin ko.

Ngumiti siya habang papalapit sa'kin. Dahil sa basa niyang damit ay halos yumakap na doon ang kakisigan ng kaniyang katawan.

"Marunong ka bang lumangoy?" tanong niya dahilan para mapaiwas ako ng tingin. "H-hindi," tugon ko. "Turuan kita?" tanong niya ulit. "Huwag na," wika ko at akmang maglalakad paalis nang hawakan niya ang kamay ko at pinaharap niya ako sa kaniya.

Inilagay niya ang kaniyang dalawang kamay sa aking baywang at mas tinitigan ako sa aking mata. "Eliana may itatanong ako," wika niya. Napatingin ako sa kaniya at halos mapaiwas ulit ako ng tingin dahil sa lapit niya sa'kin.

Halos mabasa na rin suot kong baro dahil sa basa ang buong katawan niya. "A-ano?" tanong ko at umatras nang kaunti palayo sa kaniya. Hindi naman siya umangal sa ginawa kong paglayo nang kaunti.

"Gusto mo ako mahal na kita, ibig sabihin ba non ay tayo na?" saad niya dahilan para mapatingin ako sa kaniya at mapakunot ng noo. Ngumiti lang siya nang malapad sa'kin, "A-ang pagkakaalam ko ay gusto pa lang kita," wika ko sa kaniya.

"Doon na rin naman tayo papunta," wika niya at humakbang palapit sa'kin hanggang sa halos magdikit na kami sa isa't isa.

"Alam kong hindi mo pa ako mahal ngunit madali mo lang iyong matutuhan sa'kin. Sumagot ka lang sa'kin ng oo at araw-araw kitang liligawan," wika niya at inilapit ang kaniyang mukha sa'kin, sa puntong ito ay tila batid ko na ang kaniyang nais gawin kung kaya't napapikit ako ng aking mga mata at ilang sandali lang ay hindi ako nabigo.

Naramdaman ko ang malambot niyang labi sa aking labi. Alam kong hindi ito ang una naming halik sa isa't isa ngunit iba ang pakiramdam nito para sa'kin, mas nararamdaman ko ang pagmamahal na pinagsasaluhan namin sa isa't isa.

Tinugon ko ang kaniyang halik na para bang pagtugon ko na rin sa'king nararamdaman sa kaniya.

Makalipas ang ilang sandali ay humiwalay siya ng halik sa'kin, ngumiti ulit siya nang matamis sa'kin. Tila kahit hindi ko sabihin sa kaniya na Oo ang sagot ko ay batid niya ito dahil sa pagtugon ko sa kaniyang halik.

Humiwalay siya sa'kin at hinawakan nang mahigpit ang aking kamay. "Mamaya na tayo umuwi Mahal, sulitin muna natin ang mga araw na ito, ang araw na kasintahan na kita,"





"SEÑOR ito na ho pala ang mga pinapakuha niyong dam—"

"Salamat hintayin mo na lamang kami ni Eliana sa kalesa," putol sa kaniya ni Samuel at kinuha ang pinakuha niyang damit sa kanilang mansion. Mukhang nagulat din si Marcelo kanina nang sinabi niyang kumuha siya karagdagang damit, marahil ay hindi nito inaasahan na maliligo kaming dalawa ni Samuel.

Halos basang-basa na rin ang baro ko dahil bigla akong dinala ni Samuel sa kalahating bahagi ng ilog at nais niya akong turuang lumangoy ngunit humindi ako.

"Isuot muna ito dahil batid kong nilalamig ka na sa iyong suot," wika niya at binigay sa'kin ang simpleng baro't saya.

"Huwag kang mag-alala kay Solana iyan madalas niya iyang isuot tuwing gabi," wika niya, tinanggap ko ito at napangiti sa kaniya. Pinagsama ko ang aking buhok sa'king kanang bahagi at piniga iyon.

Napabaling ako kay Samuel nang mapansin kong tinitigan niya ako at hindi ako nagkamali sapagkat nakatingin siya sa batok ko. Umiwas siya ng tingin sa'kin bago nagsalita  "P-paumanhin," wika niya bago tumalikod sa'kin.

Ako naman ang napaiwas nang bigla niyang hinubad  ang kaniyang damit hindi nakaligtas sa'king paningin ang kaniyang makinis na likuran. Ilang sandali pa'y napalingon ulit ako sa kaniya.

"S-samuel paano pala ako magbibihis dito?" tanong ko. Napalingon siya sa'kin at napalingon din sa kaniyang kaliwa't kanan. Nakita niya ang dala niyang kumot na nakatupi sa tabi at kinuha niya iyon at binigay sa'kin.

"Gamitin mo ito, mauuna na akong pumaroon sa kalesa, hihintayin na lamang kita roon." wika niya bago niya kinuha ang takuyan at ang kaniyang damit bago siya ngumiti sa'kin at umalis.

Sa simpleng ginawang iyon ni Samuel ay hindi ko mapigilang mapangiti.  







MALALIM na ang gabi, matiwasay akong nakahiga sa aking kama habang iniisip ang mga pangyayari kasama si Samuel. Napangiti ako nang matamis habang sinasariwa ang mga pangyayari kanina.

Nag-aagaw dilim na nang makauwi ako sa mansyon ng Villaflores.  Ipinahatid ako ni  Samuel pabalik habang hindi nakaligtas sa paningin ni Marcelo ang kakaiba naming galaw ni Samuel. Ngunit kalauna'y sinabi na rin ni Samuel ang tungkol sa'min.

Mabuti na lamang din kanina ay hindi nagawang magtanong ni Rosa o kaya ni Binibining Miranda. Napag-alam ko rin na halos alas-kwatro na sila nang makarating at agad din na namalagi si Binibining Miranda sa kaniyang silid. Kaninang hapunan din ay hindi siya sumabay sa hapag dahil mahimbing pa ang tulog niya.

Napahawak ulit ako sa'king labi hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala sa mga pangyayari, naramdaman ko ulit ang halik niya  at ngayon ay kasintahan ko na siya. 

Tumayo ako sa aking katre at naglabas ng panulat at pluma mula sa aking kabinet. Nais kong bigyan ng liham si Samuel batid kong hindi ako nakakatugon sa kaniyang liham nang madalas kaya't nais kong bumawi sa kaniya.

Hindi pa man ako nakakapagsimulang magsulat nang makarinig ako nang kalabog sa ikalawang palapag. Kahit kumakabog ang aking dibdib ay isinantabi ko iyon at inumpisahan ko na ang magsusulat ng liham para kay Samuel.

Kahit patuloy ang kalabog sa itaas ay hindi ko na lamang iyon pinansin. Hindi ko nais na manghimasok kung ano man ang bumabalot doon.

Patapos na ako sa aking liham nang makarinig ako nang matinis na pagbasag ng plorera. Iba na ang kutob ko sa mga oras na ito kaya napatayo ako sa aking upuan.

Dahan-dahan kong binuksan ang pinto ng aking silid at yumakap sa akin ang kaunting liwanag na nangagaling sa lampara.

Malalim na ang gabi kaya't aking hula na mahimbing na sa tulog sina Manang Lita at Linda.  Napatingin ako sa ikalawang palapag patuloy pa rin ang pagkalabog at kaunting sigawan. Sa tingin ko'y sa silid nina Don Alonzo at Donya Flora iyon nanggagaling.

Dahil sa kuryosidad ay dahan-dahan akong humakbang sa hagdan at nagtungo sa ikalawang palapag, iniiwasan kong makalikha ng ingay. Habang lumalapit ako ay mas lalong lumalakas din ang aking kaba at may mumunting hagulgol akong naririnig. Napatingin ako sa silid ni Binibining Miranda at wala ng liwanag ang sumisiwang doon.

Napahinto ako sa tapat ng silid nila Don  Alonzo at Donya Flora. Hindi ko hilig na makinig at manghimasok sa ibang usapan ngunit may lukso sa aking damdamin na ito'y kailangan kong pakinggan.

Wala sa wisyong lumapit ako sa pintuan ng kanilang silid at pikit matang inilapit doon ang aking tainga. Nakarinig ako ng mahinang hagulgol at pagmamakaawa.

"Alonzo makinig ka sa'kin. Maaawa ka sa iyong anak. Maawa ka kay Miranda pagbigyan mo na ang kaniyang kahilingan," tinig iyon ni Donya Flora.

"Hindi ko nais na mawala sa akin si Miranda siya'y wala pa sa wastong gulang upang pasukin niya ang ganong pamumuhay" tugon ni Don Alonzo.

Inilayo ko ang aking tainga na nakalapat sa pinto. Muli'y nakarinig muli ako nang hagulgol at pagmamakaawa. Kahit ako'y lubusang nagugulahan kung ano ang kanilang pinag-uusapan ay pinagpasyahan ko na lamang na umalis at magtungo muli pababa.

Ngunit napatigil ako nang lumabas din sa kaniyang silid si Ginoong Lazaro at nagtama ang aming mga mata. Nanalaki ang mga mata ko at hindi ko malaman ang aking gagawin, naabutan niya akong narito sa ikalawang palapag at pinapakinggan ang nangyayari kina Don Alonzo at Donya Flora.

Akmang magsasalita na ako nang umiwas siya ng tingin sa'kin habang isinuot ang kaniyang sombrero. Naglakad siya pababa sa hagdan na para bang walang nangyari. Ni hindi man lang niya tinanong o sinita kung bakit ako narito.

Mabilis akong naglakad pababa at napatigil ulit ako nang magtama ang mga mata namin ni Ginoong Lazaro.

"Kung ano man ang iyong narinig ngayon ay huwag kang maging pipi ng pagdating araw," saad niya bago niya binuksan ang kanilang pinto at lumabas doon.



Natatakot,
Eliana

Continue Reading

You'll Also Like

Liham/Lihim ni Tor'o By Bun

Mystery / Thriller

3.1K 357 13
"Alam kong hindi ako ordinaryong tao, kaya tanggap ko kung bakit nila ako nilalayuan. Alam kong kakaiba ako, kaya tanggap ko kung bakit wala akong ka...
610K 34.9K 135
Book Cover created by: @Cattyalita 010919-031819 TITLE: A Queen's Revenge GENRE: War/Military/Historical Fiction SETTINGS: Alternate world THEME: Anc...
3.2M 165K 37
"I'm sorry, I love you." Married to a man who hates her family to death, Agnes Romero Salazar is in vain as she discovered her husband's secret affai...
10.4M 565K 22
[PUBLISHED under LIB] #1. "If pleading guilty means protecting you, I will."