Malakas ang buhos ng ulan dito.
Hindi tuloy maiwasan na
mapuno na naman ang aking isipan
ng nakaraan,
ng hinaharap,
ng mga alaalang nais nang malimutan, at
ng mga desisyong hindi ko na rin mababawi,
ngunit hindi ko naman pinagsisisihan.
At sa mga ganitong oras,
ang tanging nais ko lamang
ay ang humimlay sa iyong bisig
habang pinakikinggan ang iyong paghinga,
habang pinagmamasdan ang talukap ng iyong mga mata,
at saka ako mangingiti
dahil hindi mo wari na akin kang pinagmamasdan
habang ika'y mahimbing na natutulog.
Naiinis ako sa aking sarili
kung paano ako manabik sa iyo
kahit na alam ko namang
nasa dulo ako ng iyong iniisip.
Bagaman ikaw ang aking kapayapaan sa ngayon,
ikaw rin naman ang aking digmaan.