9. Undeclared Slave

6.3K 384 69
                                    

Sobrang bilis ng pagtakbo ko palabas ng Cabin. Hindi ko na nga halos maramdaman ang kaibahan ng paggalaw ng katawan ko at tibok ng puso ko kasi parehong mabilis.

Masyadong mataas ang third floor para makababa ako agad para makalabas.

Kaya pala maraming dugo sa kuwartong iyon. Dahil doon.

Kaya pala.

Halos talunin ko na ang hagdan ng second floor at papuntang pintuan. Itinulak ko na nang ubod lakas ang kahoy na pinto para makalabas agad.

Sobrang ganda ng umaga, hindi ko naman itatanggi, pero bakit may ganoon sa ibaba ng Cabin?

Lumiko agad ako sa kanan habang naghahabol ng hangin. Amoy na amoy ang puno at mga dahon sa paligid ng Helderiet. Kumpara sa amoy at polusyon ng city sa kabilang kalsada paglabas, sobrang laki ng kaibahan.

Masyadong malaki ang Grand Cabin. Para akong lumibot ng isang buong block bago ko narating ang katapat ng bintana ng third floor na ayaw ipagalaw ni Mr. Phillips. Gusto ko naman talagang mag-jogging, pero hindi naman sa ganitong dahilan.

"Shoo! Shoo!"

Isang kilometro ang layo ng bakuran ng Helderiet at masasabi kong nasa gitna talaga ng kawalan ang Grand Cabin. Walang bakod ang Cabin mula sa kakahuyan kaya hindi na ako nagtakang may mga fox kasi nature preserved ang buong Helderiet Woods. Baka nga hindi lang fox ang meron dito.

"Alis! Alis dito!"

Pinagsisipa ko ang damuhan para lang itaboy yung dalawang soro na kumakain ng kung anong piraso ng karne sa ibaba ng bintana.

Hindi sila kalakihan at mukhang hindi rin sanay sa tao kaya mabilis silang tumakbo sa direksiyon ng mga puno.

Hingal na hingal ako habang sinusundan sila ng tingin. Lumingon pa sa akin ang isa bago sumunod sa kasama niya papasok sa loob ng kakahuyan.

"Ano ba kasing nangyari dito?" Tiningnan ko yung piraso ng karne na pinagpipiyestahan ng mga soro kanina. Sinipa-sipa ko pa para ibaligtad. Mukhang karne ng mabalahibong hayop. Hindi mukhang kuneho, hindi rin mukhang aso o pusa. Parang mas malaki pa na may itim na fur. Parang malaking aso pero mas mabalahibo.

Tiningala ko ang mataas na third floor. Doon nakarugtong ang dugo sa bintana. Ibinalik ko ang tingin sa piraso ng karne at saglit na tumalungko.

Kasing-amoy nito yung dugo sa taas na nilinis ko kanina.

Kung dito galing yung lawa ng dugo sa third floor, okay, sige, kuha ko na. Posible nga.

Pero ano namang gagawin n'on sa third floor?

Napakamot na lang ako ng ulo at tinitigan ang duguang karne sa harapan ko. Naghabol muna ako ng hangin habang nakapamaywang.

Wala pang alas-otso pero oras na ng tulog ni Mr. Phillips. Wala naman na siguro siyang iuutos. Kapag hindi ko inalis ito rito, babalik na naman yung mga fox para papakin itong mga natitirang karne.

Pagbalik ng kalmadong paghinga ko, tiningala ko ulit yung third floor na bukas ang bintana. Walang kurtina roon, pero mukhang matagal nang hindi isinasara kasi nagapangan na ng kaunting baging yung frame. Bakit naman kaya hindi iyon isinasara?

Sanay naman akong naghahawak ng duguang karne sa meatshop. Sayang din kung ililibing ko lang. Dinampot ko na lang mula sa balat na walang dugo at hinatak papuntang kakahuyan. Kapag nakita ito ni Mrs. Serena, baka pagalitan pa ako. Buti na lang, hindi sila umaakyat sa third floor kasi malamang na sisisihin ako kung bakit maraming dugo roon. Sabihin pa sa akin, nakikita ko naman pero hindi ko man lang inaasikaso.

May kalakihan din ang piraso ng karneng pinapapak ng mga soro. Nasa anim na kilo rin ang binuhat ko papuntang kakahuyan.

"O, kumain na lang kayo rito," sabi ko pa sa kung anong hayop ang naroon. Ibinato ko sa likuran ng unang puno ang karne para maamoy nila.

Prios 1: Contract with Mr. PhillipsWhere stories live. Discover now