Kabanata 44 : Kasaysayan ng Kaboloan

Start from the beginning
                                    

Tuluyan nang tumulo ang aking mga luha habang nakatitig sa larawan ni Urduja sa gitna. Hanggang sa huli ay ang kaligtasan pa rin ng iba ang kanyang inalala.

Nagtungo si Ridge sa gilid at mayroon siyang kinuha sa isang maliit na baul. Nang makabalik siya ay agad na bumilis ang tibok ng aking puso sapagkat ang mga salitang nakatala sa papel ay kawangis ng nasa aking kawayan. Kinuha ko iyon mula sa aking bag at ipinagtabi ang dalawa.

"Ito ang tanging kaugnayan namin sa nawawalang sisidlan," sambit niya. "Ayon sa aming mga ninuno ay ito ang magpapatunay sa katauhan ng sisidlan na aming hinahanap."

Muling bumalik ang aking isipan sa nakaraan. Sa aking pagkakatanda, ang sinabi ni Ridge noong napunta siya sa panahong iyon ay mayroon din siyang binasa at tiyak na ito ang tinutukoy niya. Ngunit sa halip na maliwanagan ay mas lalo lamang dumami ang katanungan sa aking isipan.

"Maaari bang isalaysay mo sa akin ang lahat?"

"Marapat lamang, punong babaylan," sambit niya at nagsimula ang aming paglalakbay sa kasaysayan.


***

Napasandal na lamang ako sa pader matapos ang halos isang oras niyang pagkukwento. Ayon kay Ridge, ang tungkuling nais isakatuparan ni Bagim ay ang paghahanap sa dalawang gabay na lumisan sa kasalukuyan—at kaming dalawa iyon. Nais niyang ipagpatuloy at dinggin ang huling kahilingan ni Urduja at ang tungkuling iyon ang isinalin at ipinamana ni Bagim sa kanyang mga anak at mga inapo.

Kaya naman iyon din ang naiwang tungkulin ni Ridge. Ngayon ay alam ko na kung bakit ganoon na lamang ang tingin niya noong una kaming magkita sa klase.

Tumabi siya sa akin at nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. "Nakakatawa lamang dahil ngayon ko lang napagtanto na sarili ko ang isa sa mga taong nais kong mahanap."

Napangiti naman ako roon. "Dahil hindi mo sinabi kay Bagim na mula ka sa angkan niya."

Isang matunog na tawa ang isinukli niya. "Tiyak na hindi siya maniniwala. Isa pa, hindi ko alam na ganoon pala ang mangyayari."

Muli kaming natahimik at muli ring dumako ang tingin ko sa dingding kung saan nakaukit ang tala-angkanan ng kanilang lahi magmula kay Bagim. Nakakamangha lamang dahil nagawa nilang landasin ang kanilang pinagmulan. Doon ko rin napagtanto na naging tapat ang kanyang angkan sa pintakasi nitong si Apo Tala sapagkat noong nagpanukala ang mga Kastila ng pagpapalit ng kanilang bansag o apelyido ay pinili nila ang Estrella, na siyang salin ng tala o bituin sa Kastila.

Ngunit napansin ko ring walang tinukoy na kabiyak si Bagim, taliwas sa mga sumunod sa kanya.

"Hindi nakasaad kung sino ang naging kabiyak ni Bagim?" tanong ko.

Tumango naman siya. "Tanging siya at ang mga anak niya lamang ang nakakaalam. Hindi rin namin batid kung bakit hindi iyon nakatala sa aming tala-angkanan."

Bigla ko namang naalala ang sinabi nina Bagim at Urduja noon. Ayon kay Urduja, mananatili siyang dalaga at tanging ang makakatalo lamang sa kanya sa isang laban ang pipiliin niyang maging kabiyak. Kung nalupig man ang Kaboloan ng Tundun ay tiyak hindi pa rin niya ibibigay ang kanyang kamay sa sinumang may nais sapagkat kinamumuhian niya ang mga ito. Kung ganoon, maaring . . .

"Alam ko ang iniisip mo," marahang sambit ni Ridge at napagtanto kong nakatulala lang ako sa dingding. "Maaaring si Urduja ang naging kabiyak niya ngunit hindi rin natin tiyak kung nakaligtas siya sa digmaan. At kung ganoon nga, bakit nila ito itinago?"

Hindi naman ako nakasagot at muli kaming binalot ng katahimikan. Makalipas ang ilang sandali ay nabaling ang tingin niya sa akin.

"Pero masaya ako ngayon dahil sa wakas ay natuldukan na ang ilang daang taong hiling nina Bagim at Urduja," sabay ngiti niya. "Ngayong alam kong ligtas ka ay tiyak na matatahimik na rin ang kanilang diwa. Sapagkat para sa Hara, mas mahalaga ang kaligtasan mo kaysa sa kanyang dakilang adhika."

BabaylanWhere stories live. Discover now