Kabanata 17 : Mula sa Silangan

27K 1.6K 293
                                    

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa lahat ng narinig ko mula kay Atubang Kayo ilang araw na ang nakararaan. Ang dakilang adhikain ni Datu Uran na pagbuklurin ang Pilipinas ay isang banghay na aabutin ng ilang daang taon, lalo na at binubuo ang bansa ng mga pulo na may kani-kaniyang sistema ng pamamahala.

Ngunit nangyari iyon sa hinaharap. Naging isang bansa ang Pilipinas.

"Tila nababagabag ka pa rin sa pahayag ni Atubang Kayo."

Napalingon ako sa aking likuran at nakita kong naglalakad si Ridge patungo sa aking kinatatayuan habang nakatingin sa kalangitan. Bakas sa kanyang mukha ang pagod at pag-a-agam-agam ngunit may kakaibang ningas ang kanyang mga mata.

Hindi ako nakatulog nang maayos kaya't minabuti kong pumunta rito upang ikalma ang aking isipan at tila ganoon din ang nangyari kay Ridge.

"Tiyak na ikaw rin," turan ko.

Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. "Sapagkat batid natin ang sasapitin ng kanyang adhikain."

Nabalot kami ng katahimikan at tanging ang paghampas ng hangin sa mga puno ang aming naririnig. Nanatili kaming nakatayo sa harap ng pook-dasalan sa gitna ng gubat habang unti-unting sumisilip ang araw.

"Nais ko siyang tulungan," sambit ko, dahilan upang mapatingin siya sa akin. "Nais kong makamit niya ang unang hakbang sa pagbubuklod ng mga kaharian at nayon sa Pilipinas."

"Kung gayon, siya na ba ang iyong napili bilang iyong pinuno?" tanong niya. "Ayon kay Atubang Kayo, tanging ang mga may basbas lamang ng mga diyos at diyosa, pati na rin ang pinili ng mga babaylan, ang may kakayahang baguhin ang kasaysayan. Buo na ba ang iyong pasya na hubugin ang prinsesa bilang isang natatanging mandirigma?"

Nang marinig ko ang kanyang katanungan ay doon lamang naging malinaw kung bakit napili ko si Urduja na pagsilbihan bilang kanyang gabay. Tumama sa aming mga mukha ang sinag ng araw at napangiti ako nang maalala ko ang una naming pagkikita ng Prinsesa.

"Siya nga," sagot ko sa kanyang katanungan. "Sa panahong pulos kalakihan ang may hawak ng kapangyarihan, isa siya sa mga magpapatunay na hindi hadlang ang kasarian at gulang upang pamunuan ang kanyang nasasakupan. Likas sa kanya ang pagiging pinuno at mandirigma." Sandali akong napahinto 'pagkat marahan siyang tumawa.

"Bilang isang babaylan, tiyak akong karapat-dapat siyang pagsilbihan," aniya at nagulat ako sa aking narinig 'pagkat iyon ang mga salitang sana'y aking sasambitin.

"At bilang kanyang babaylan . . ." pagtutuloy ko at napatitig ako sa kanya nang sabayan niya ako sa pagsasalita. ". . . titiyakin kong tama ang kanyang landas na tatahakin."

Ilang sandali ang lumipas na nakatitig lamang ako sa kanya 'pagkat hindi ko mawari kung paano niya nalaman ang aking naiisip. Kung paano nagtugma ang aming mga salita.

"Ngayon ay tiyak na ako na ikaw ang babaylan at susi na aking hinahanap," pahayag niya.

"P-paanong . . ."

"Paano ko nalaman ang iyong mga salita?" Agad akong tumango. "Sapagkat iyon ang nakatala sa kasaysayan ng aming angkan. Iyon ang mga salitang binitiwan ng babaylan na siyang pumukaw sa punong pantas upang manatili sa tabi niya at ng prinsesa."

"Ridge . . ."

Nanindig ang mga balahibo sa aking katawan nang marinig ko ang kanyang pahayag at doon ko napagtanto na unti-unti nang hinahabi ng tadhana ang aming nakaraan at kasalukuyan.

"Ito ang ating tungkulin sa panahong ito," dagdag niya. "At bilang isang pantas, natitiyak kong hindi ka nagkamali ng pagpapasya."

Sa sandaling iyon ay akin ding napagtanto na siya ang aking katuwang sa nakaraan, at marahil, maging sa kasalukuyan.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon