Kabanata 36 : Sinag ng Araw

13.5K 988 130
                                    


Napatitig ako sa aking mga kamay habang naghihintay ng anumang kasulatan mula sa panig nina Urduja. Muling sumagi sa aking isipan ang nangyari kani-kanina lamang—ang aking pagkitil sa buhay ng mga nabihag na kalaban.

Nagsitayuan ang mga balahibo sa aking katawan habang nakatingin sa marka ng buwan sa likod ng aking mga palad. Sa nagdaang panahon ay ilang buhay na rin ang aking napaslang ngunit dahil iyon sa aking kagustuhan na iligtas ang mga tao sa aking paligid. Kaiba sa mga iyon, ang naganap kanina, kahit na aking itanggi, batid ko sa kaibuturan ng aking puso na iyon ay aking ninais. Dala ng masidhing poot sa pagkawala ni Handiran at ng aking kahinaan ng loob, binawian ko ng buhay ang aming mga nadakip na bihag.

"—Sayi."

Bumalik sa kasalukuyan ang aking isipan nang tawagin ni Ridge ang aking ngalan. Ang kanyang paningin, maging ang kina Anam at Ditan, ay tumambad sa akin. Saka ko lamang napagtanto na kanina pa naglalakbay ang aking isipan.

"Patawad," mahina kong sambit.

Inulit ni Ridge ang kanyang salaysay. Ayon sa kanya, nakabantay ang mga tagatanaw sa lahat ng hangganan ng Kaboloan upang maagap na makapagbigay ng anumang babala. Nanatili naman sa mga moog ang ilan naming mga mandirigma habang ang mga Kalakian ang nagsilbing tagabantay na lumilibot sa buong nayon.

"Ano ang lagay sa piitan?" tanong ko.

Napasikad si Ditan. "Dalawa na lamang ang nanatili," tugon niya habang hawak ang isang kampilan, "ngunit malubha ang kanilang kalagayan."

Muling gumapang ang takot sa aking katawan. Nakaawang lamang ang aking bibig sa kanyang tinuran. Dalawa ang nanatili mula sa halos tatlumpung bihag?

"Apo Sayi, tiyak na susugod muli ang mga taga-timog sa sandaling mabatid nila ang iyong ipinamalas," ani ni Ridge. "Tiyak na nais nilang mapasakamay ang iyong kapangyarihan."

Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan habang nanatili ang kanilang paningin sa akin.

"Hindi ko hahayaang mapasakanila ang kapangyarihan ni Apo Bulan," sambit ko. "Ang Hara lamang ang aking pagsisilbihan."

Sa gitna ng katahimikan ay nakadinig kami ng ingay mula sa labas ng Balay Parsua. Nagpalitan kami ng tingin at agad na kinuha ang aming mga sandata. Sabay-sabay kaming tumungo sa labas at bumungad sa amin ang bunton ng mga mandirigma at Kalakian na nakatingin sa bandang hilaga.

Ilang sandali pa ay nakadinig kami ng padyak ng mga kabayo mula sa hangganan ng Kaboloan at Samtoy. Tila pigil ang hininga ng bawat mandirigma, nag-aabang sa maaaring magpakita mula sa kagubatan . . . hanggang sa lumitaw ang aming hukbo na tumungo sa Agta.

"Hara!" sigaw naming lahat.

Agad na lumuhod ang mga mandirigma at Kalakian nang kanilang masilayan ang kanilang pinuno. Tila isang malaking tinik ang nabunot mula sa aking dibdib nang masilayan ko ang kanyang mukha. Ang kanyang wangis ay sapat na upang mapalagay ang loob ng lahat.

Bagama't puno ng dumi at sugat ang kanyang balat ay hindi niya ito inalintana. Agad siyang tumungo sa Balay Parsua at sumunod ang kanyang mga gabay. Umupo siya sa gitna ng talaan at kami ay nagtipon sa kanyang harapan.

"Natanggap ko ang inyong ulat," kanyang pagsisimula.

Agad naming isinalaysay ang mga kaganapan at tahimik silang nakinig. Nang makarating na kami sa pagligtas ni Handiran sa akin ay tila nabasag ang aking tinig. Isang impit na hikbi ang lumabas sa aking bibig nang ipaalam ko sa kanila na dinakip ng Namayan at Seludong si Handiran.

Itinuran din ni Anam ang pagkamatay ng mga bihag dulot ng aking kapangyarihan. Isang mahiwagang tingin ang ibinato ni Urduja sa akin ngunit agad ko iyong iniwasan.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon