Kabanata 8 : Mga Patnubay

41.4K 2.5K 259
                                    

"Lola, bakit hindi ako pwedeng umakyat sa attic?" tanong ko at ngumiti naman siya sa akin.

"Dahil hindi pa ito ang takdang panahon, apo," sagot niya.

"Takdang panahon? Kailan 'yon, Lola?"

"Kapag kailangan ka na nila."

Bumukas ang mga mata ko at ilang pamilyar na mukha ang bumungad sa akin.

"Punong babaylan!" sigaw ni Handiran at bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala. "Apura un nyo! Ipa-ammo yo ti Prinsesa." (Magmadali kayo! Ibalita ninyo ito sa Prinsesa.)

Dalawa sa mga Gabay ang nagmadaling lumabas mula sa balay para sundin kung anuman ang sinabi ni Handiran.

Nilibot ko ang paningin ko at napagtanto kong nasa balay ako ng dating babaylan kung saan ako dapat manahan ayon kay Urduja. Narito rin ang ilang Gabay na tila nakahinga nang maluwag nang makita nilang nagkaroon na ako ng malay.

Sinubukan kong tumayo ngunit walang lakas ang katawan ko. Inalala ko ang huling nangyari at nanindig ang mga balahibo ko nang sumagi sa isipan ko ang paggulong ng pugot na ulo ni Palab-an matapos siyang gilitan ni Urduja. Natapos ang labanan at kami ang nagwagi ngunit hindi ko maramdaman ang pagkalugod sa nangyari. Napatingin ako sa kamay ko. Kahit hindi ako ang kumitil sa buhay niya ay ako naman ang dahilan kung bakit siya napaslang.

"Punong babaylan," tawag ni Handiran kaya napatingin ako sa kanya. Umupo siya sa gawing kanan ko at binigyan niya ako ng isang ngiti. "Mabuti na ba ang iyong pakiramdam?"

Nagulat naman ako nang marinig ko ang sinabi niya. Tama ba ang dinig ko o wala pa ako sa sarili dahil kagagaling ko lang sa isang mahimbing na tulog? Nagsalita siya ng Tagalog.

Muli siyang ngumiti sa akin. "Ikaw ba'y nagulat?"

"Tama nga ako ng dinig," sabi ko naman. "Paano?"

"Tinuruan prinsesa 'pagkat nais ikaw maunawaan," tugon niya.

Hindi pa ganoon kahasa ang kanyang Tagalog ngunit namangha ako dahil sa loob ng tatlong araw ay kaya na niyang makipag-usap sa akin.

Ikinuwento niya sa akin ang mga nanganap habang wala akong malay. Hindi ko akalaing tatlong araw pala akong nahimlay dahil sa kakaibang nangyari sa akin noong tinulungan ko si Urduja. Ayon sa kanya, agad na dinala si Urduja sa mga Gabay upang gamutin at ganoon din ang mga sugatang mamamana, mandirigma at Kalakian.

Tinulungan niya akong umupo at nakita ko naman ang kahoy sa gilid ko. Kinuha ko iyon at muling inalala ang mahiwagang nangyari noong ginamit ko iyon gamit sa mga mandirigma ng Namayan. Wala na ang pilak na pisi at palaso ngunit nararamdaman ko pa rin ang taglay nitong hiwaga.

Makalipas ang ilang sandali ay unti-unti ko nang dumadaloy ang lakas sa katawan ko kaya naman tuluyan na akong bumangon. Agad naman akong binihisan ng mga Gabay kahit na hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay na ibang tao ang nagpapalit ng kasuotan ko.

Naglakad kami papunta sa nayon at inihatid nila ako sa balay ni Urduja. Napatingin naman sa amin ang ilang mamamayan at kumunot ang aking noo dahil ang ilan sa kanila ay biglang lumuhod habang nakatingin sa akin. Nagpatuloy na lang kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa aming paroroonan.

"Punong babaylan," tawag niya mula sa kabilang panig ng tabing.

"Prinsesa Urduja," tugon ko.

Iniwan ako ng aking mga Gabay at tumungo ako sa direksyon ni Urduja. Hinawi ko ang tabing at napaawang ang bibig ko ang kasalukuyan niyang kalagayan. Binigyan niya ako ng isang mabilis na ngiti.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon