Kiss The Rain

Magsimula sa umpisa
                                    

 Kung dati ay magkasama sila nitong nakatira sa mansion na kanilang kinalakhan, ngayon ay tuluyan na itong bumukod. Sapul nang maging pormal ang relasyon nila bilang magnobyo ay sa penthouse na ito ng Lam and Ferreira Building nakatira. Doon na talaga ito nakatira buhat nang i-groom ito ng kanyang ama bilang susunod na presidente ng kanilang corporation. Lamang ay obligado itong umuwi every weekend sa mansion bilang pagsunod sa mahigpit na rules ng kanyang Mommy na ang araw ng Sabado at Linggo ay para sa pamilya.

Na sa kasamaang-palad ay hindi na nangyayari nang magkasunod na bawian ng buhay ang kanyang mga magulang. Bukod sa labis na naging abala si Terrence sa napakaraming responsibilidad na naiwan dito ng kanyang ama, ay masyado ring konserbatibo ang pananaw nito pagdating sa relasyon nila. Hangga't wala raw basbas ng simbahan ay hindi muna sila titirang magkasama sa ilalim ng isang bubong. Mahal na mahal daw siya nito at mataas ang respeto nito sa kanya kaya hindi siya nito ilalagay sa hindi kaaya-ayang sitwasyon.

"Manang Lydia, pakisabi ho kay Mamerto ihanda ang aking kotse."

"Aalis ka? Aba'y mukhang masama ang panahon," wika ng mayordoma kay Ingrid.

Sumilip siya sa labas. Madilim nga ang langit, tila nagbabanta ng malakas na ulan. Pero walang makakapigil sa pananabik niyang makita ang nobyo. May isang linggo ng panay text at tawag lamang ang kanilang komunikasyon. Katwiran ni Terrence ay minamadali nito ang lahat ng trabahong kailangang tapusin. Siguro naman ay hindi siya makakaistorbo kung yayayain niya itong maghapunan sila sa labas.

"Ayos lang ho 'yan, Manang. I'm sure nasa office na ako by the time na bumuhos ang ulan."

"Ay, ang batang ire. Baka kung mapaano ka sa daan."

"Mahusay na po akong mag-drive. Relax lang kayo. Para kayong si Terrence."

Saglit na tila napamaang ang mayordoma kay Ingrid. Bagay na nauunawaan ng dalaga. Gaya ng ibang kasambahay ay tila naninibago pa rin si Manang Lydia sa tuwing tutukuyin niya sa first name basis si Terrence. Simula't sapul kasi ay nahirati na ang mga ito na tinatawag niya ng Kuya Terrence ang lalaking ngayon ay kanya ng nobyo.

"Manang, masasanay rin kayo. First of all, hindi naman po talaga kami related sa dugo. Hindi rin siya adopted nina Daddy kaya hindi kami puwedeng ituring na magkapatid."

"Nakakapanibago lang kasi," parang apologetic na wika ng mayordoma. "Pero pasasaan ba't masasanay rin ako."

"Magbibihis lang po ako."

"Talaga bang hindi ka papipigil na bata ka?"

Tinawanan lang ni Ingrid ang pag-aalala ng kanilang mayordoma. Bagama't bago pa lamang siya nasasanay sa pagmamaneho, sapagkat bihirang-bihira naman siyang lumakad na mag-isa ay confident siya na kayang-kaya na niya ang sarili.

Hindi nagtagal at sa kabila ng pagpo-protesta ni Manang Lydia ay tumuloy pa rin si Ingrid pag-alis. Hindi niya tinanggap ang suggestion ng mayordoma na ipagmaneho na lamang siya ng kanilang driver. Ulan lang naman ang sasagasain niya, walang kaso.

Wala pang trenta minutos siyang bumibiyahe nang magsimulang pumatak ang ulan. Naipit pa siya sa traffic. Halos dalawang oras din ang binuno niya bago matiwasay na nakarating sa Makati kung saan naroroon ang opisina ni Terrence.

Lumulan siya ng private lift. Dumiretso siya sa opisina ng nobyo. Subalit ayon sa sekretarya nito na nadatnan niyang nagliligpit na upang umuwi ay wala roon ang binata.

"Kanina pa ho sila sa penthouse."

"Sila?"

"Yes, Ma'am. Dumating ho sina Sir Anthony at Sir Jeri."

Sukat nang marinig ang tinuran ng sekretarya ay parang ibig na niyang magbago ng isip at huwag na lamang tumuloy sa penthouse. Anthony, she can deal with. But Jeri or Jeremiah del Prado was a different matter. Kahit wala naman itong ginawagawang masama sa kanya ay hindi siya komportableng nasa paligid lamang ito. Bagay na hindi niya rin maipaliwanag kung bakit.

Secret Fire (Chains of Passion Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon