Kabanata IV

24 1 0
                                    

IKAAPAT NA KABANATA




Kapag naranasan mong tumawa sa isang buong araw, maidlip ng taimtim, at gumising ng may sigla, nakakatakot ng makaramdam ng sandaling pagkagalak, dahil babawiin din sa isang iglap.

Hihigop ka pa lang ng sabaw, papasuin na ang dila mo hanggang sa hindi ka na maaaliw ng pagkakataon.

Ganiyan raw ang buhay, maikli, nakakahilo, at maraming hadlang sa daan. Kaya nga kung dadalaw ang kasiyahan, palagi nating pinasisinayaan – kahit isang kurap lang, kahit sisilip lang.



Dumalaw nga si Ate Metina katulad ng sinabi niya, pagkalipas ng isang linggo. Nagdala siya ng ilang pasalubong mula Espanya. Nag-alay pa siya ng napakagandang esmeralda sa poon ng aming bahay. Tuwang-tuwa si ina dahil mabait talaga at masaya itong kasama.

Kasabay ng pagbisita niya, nakapanik rin ang kaniyang kapatid na si Delfin sa opisina ni ama, na matatagpuan sa tabi ng kuwarto nito. Kung bawal basta-bastang pumasok sa silid niya, mas mahigpit siya pagdating sa kaniyang opisina. Hula ko ay tungkol sa trabaho ang pinag-uusapan nila.


"Masuwerte lamang din ako at may posisyon ang aking kapatid." pasasalamat ni Ate Metina.


Ilang buwan na pala silang wala ng kaniyang dating nobyo. Simula ng tumanggi muna itong magpakasal, naging maiinitin na raw ang ulo ng lalaki. Natatakot itong dahil hindi pa nais ni Ate Metina ang lumagay sa tahimik, baka anumang oras ay iwanan siya.

Madalas na raw silang nagtatalo, at minsan siyang napagbuhatan ng kamay. Sa paulit-ulit na hindi nila pagkakaintindihan, minabuti na lang ni Ate Metina ang makipaghiwalay.

Isinumbong niya sa kanilang magulang ang lalaki. Kaya rin siya nagpasyang umuwi muna ng Pilipinas upang makaiwas sa pambubuntot sa kaniya.


"Gaano ka pa katagal na mananatili rito?" tanong ni ina.


"Hanggang sa tingin ko ho ay sapat na." aniya.


"Ate Metina," pagtawag ko. "Maaari ko ho bang itanong kung bakit hindi niyo pa nais magpakasal gayong nasa tamang edad na kayo?"


Ngumiti siya. "Walang tamang edad, Catalina. Mayroon lang tamang pagkakataon, at sa akin hindi pa iyon ngayon."


"Kailan niyo naman ho kaya masasabing iyon na ang tamang panahon?" tanong ko.


Nakipagpalitan siya ng tingin kay ina. Sa halip ito ang sumagot sa akin, "Kapag tapos na ang pangarap mo para sa sarili mo... at handa ka ng bitawan ang sarili mong kaligayahan. Dahil sabi nila... ang isang may-bahay nararapat lang sa loob ng bahay."


Lahat na yata ng pamilyang kilala ko, ang mga padre de pamilya, ang nag-uuwi ng makakain samantalang ang mga ilaw ng tahanan ang magsasaing. 

Kung mag-aasawa ka bilang babae, tungkulin mo ang pagsilbahan ang iyong asawa, magpalaki ng anak, at panatilihang maayos ang tahanan. Limitado na ang pwede mong puntahan. Mauuwi ka sa pagbuburo ng ulam, paghahabi ng kasuotan, at walang sawang pagbubunot ng sahig hanggang kumintab.

Marikit at Adhika (The Tale of the Poets Book 1)Where stories live. Discover now