Capitulo Cuatro

889 58 27
                                    

Capitulo Cuatro



MANUEL:

ILANG beses na akong pabalik-balik ng lakad dito sa aking silid. Masyadong inookopahan ng binibini sa kabilang kuwarto ang aking isipan. Ako'y nagdadalawang isip kung tama bang dumito muna ito o hindi. Lalo na't hindi ko naman ito kilala. Mamaya'y may gawing masama sa akin ang binibini. Baka rin ay hindi naman talaga ito galing sa hinaharap.

Ngunit nagawa niyang patunayan na galing siya sa hinaharap sa pamamagitan ng makabagong teknolohiyang mayroon siya.

"Oo, tama nga naman. Galing siya sa hinaharap." Mainam talaga na maniwala ako sa sinasabi ng binibining iyon. Ngunit paanong nakarating ito rito? Huminga ako ng malalim. Isang katanungan na mahirap sagutin.

Bumalik na naman sa aking isipan ang pagpayag kong tumira rito ang binibining hindi ko man lang natanong kung anong pangalan. Hindi mainam na rito muna siya mamalagi lalo na't isa siyang dalaga at ako naman ay binata. Ano na lang ang sasabihin ng ibang tao kapag nalaman nilang pinatira ko rito sa pamamahay ko ang isang binibini? Na binabahay ko na ito na hindi man lang kami kinasal? Na anong klase akong lalaki? Natitiyak din akong masisira ang pangalan at dignidad niya kung saka-sakaling kami na ang naging usapin ng mga tao rito sa San Pablo.

Napakamot ako sa aking ulo. Mainam na tumira muna pansamantala sa isang casa rito sa San Pablo ang binibini. Para hindi kami pag-usapan ng mga tao at para na rin sa ikabubuti ng aming mga pangalan. Ako na ang bahalang tumustos sa lahat ng gastusin sa pagtira niya roon.

"Dapat ay kausapin ko na siya ngayon para bukas ay handa na siya sa paglipat niya sa casa." Lumabas ako ng aking silid at dumeretso sa harap ng kwartong pinagamit ko sa binibini. Ilang beses akong kumatok ngunit wala akong naririnig na tugon mula sa kaniya. Tumikhim ako bago magsalita. "Binibini, maaari ba kitang makausap kahit sandali lang?" Wala akong narinig na kasagutan mula sa kaniya. Pinihit ko ang seradura ng pintuan at nabukas ko kaagad ito.

Alam kong kalapastangan ang pagpasok sa silid ng isang binibini ngunit ako'y nag-aalala ngayon kung anong nangyari na sa kaniya. Malay ko ba kung siya'y nandiyan pa rin sa loob o baka nakabalik na siya sa kaniyang silid. Kaagad kong nakita ang binibini na mahimbing na natutulog sa kama. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya. Ngayon ko lamang napagtanto na isa siyang marikit na dilag. Tila ba'y isa siyang anghel mula sa langit.

Hindi ko mapigilang ngumiti habang siya'y pinagmamasdan. Wala man lang siyang kamalay-malay na may isang lalaking nasa loob na kaniyang silid at siya'y pinapanood na matulog. Ngayon lamang ako labis na humanga sa isang babae. Pinigilan ko ang aking sarili na haplusin ang kaniyang mukha. Tama na itong pagtitig ko sa kaniya.

Bumuntong hininga ako bago dahan-dahang lumabas ng kuwarto. Kuwawang binibini. Natitiyak kong labis ang pagod niya ngayon dahil sa mga hindi inaasahang kaganapan sa buhay. Alam ko na ang kasagutan sa aking problema. Hahayaan ko na dumito muna siya hangga't hindi pa siya nakakabalik sa pinanggalingan niya. Kung hahayaan kong tumira siya mag-isa sa casa, mahihirapan siyang makibagay sa pamumuhay rito dahil walang gumagabay sa kaniya.

Saka ko na lamang problemahim ang posibilidad na kami'y maging usapin dito sa bayan kapag iyon ay nangyari na.




SERAPHIM:

NAPAPAKAMOT ako sa ulo habang tinitingnan ko ang suot kong damit. Hindi ko talaga inaakala na makakapagsuot ako ng mga damitan ni Maria Clara. Ang huling natatandaan kong nagsuot ako ng ganitong damit-hindi ganito kagandang damit iyon-ay noong nasa highschool pa ako. Gumanap kasi akong Maria Clara sa role play namin sa Filipino subject at wala akong choice that time dahil ang tunay na gaganap ay nagkaroon ng sakit na tinatawag nilang katamarang pumunta sa practice.

Una Vez en DiciembreWhere stories live. Discover now