Nabalik naman ako sa wisyo nang makarinig ako ng ilang mabibigat na yabag mula ibabang palapag. Kapwa nanlaki ang mga mata namin sa isa't isa ni Theodore. Alam namin na parehas kaming malilintikan sa oras na malaman ni papa na naririto ako.



Dali-dali namang lumapit sa akin ang matanda at inaalo ako sa isang sikretong daan papalabas ng mansyon. "Magmadali kayo! Hindi kayo pwede makita ng mga tauhan ng inyong ama! Isa pa, kailangan ng dilag na iyon ng magliligtas sa kanya at alam kong ikaw lang ang makakapaghatid ng mensahe sa mga kaibigan at mga kapamilya niya. Kaya humayo na kayo, Miss Janice." halos pabulong niyang sabi sa akin at pilit pa niya akong tinutulak upang ihakbang ko na ang mga paa ko.



"Paano ka?" agad kong balik sa kanya. Hindi ko maatim na iwan siya rito. Hindi na ulit...



Ikaw ang tumanggap ng mga latay na dapat para sa akin sa tuwing ako ang nasisisi ni papa. Ikaw lang ang nag-atubiling bigyan ng maayos na libing si mama kahit na ba isa lang siya sa mga babaeng dinala ni papa sa pamamahay na ito. Ikaw lang ang nagpupuslit sa akin ng pagkain at inumin noong mga panahong ikinukulong ako ni papa. Ikaw... tanging ikaw lang...



Paano kita magagawang iwan ulit sa pangalawang pagkakataon? Ikaw na parang tinuring ko na ring isang tunay na ama.



Napatigil naman siya sa pag-udyok sa akin at mahigpit na hinawakan niya ang aking mga kamay na nanlalamig na sa takot na kung ano pa ang maaaring gawin sa kanya ni papa sa bawat oras na naririto siya. "I will protect the young lady as long as I can. Gamitin mo ang mga oras na magagawa ko para dalhin ang panig ng mga Cromello at mga Dela Vega."



Napamaang naman ako nang masambit niya ang mga pinagbabawal na epilyido sa pamamahay na ito. "Paano mo nalaman na—"



"Ilang dekada na ang alitan ng mga Dela Vega at Domzelle. At saka... kamukhang-kamukha niya si Miss Alexandra. Paanong hindi ko mapagtatanto?" paliwanag niya.



Tama siya. Matagal-tagal na rin ang alitan sa pagitan ng dalawang pamilya. Naging malala lang lalo nang maidamay si Master Kristoffer sa plano nina papa. Siya mismo ang gumawa ng dahilan upang iwan siya ng mga kaalyansa niya. Sinira lang niya at lahat ng pagtataguyod na ginawa ni lolo sa kasakiman at walang kwentang paghihiganti niya.



Nabalik ang atensyon ko sa kay Theodore nang maramdaman ko ang lalong paghigpit ng hawak niya. "Iligtas niyo siya. Baka siya na lang din ang natitirang daan para mairesolba ang lahat ng pinag-ugatan ng alitan. At sa pagbabalik mo, asahan mong sasama na ako sa inyo, Miss Janice. Karangalan kong paglingkuran kayo. Kaya sige na. Umalis na kayo." at dali-dali niya akong hinigit papunta sa pintuan na ginamit ko rin papasok rito. Ang sikretong daanan.

Mhorfell Academy of Gangsters (Now Published Under PSICOM Publishing)Where stories live. Discover now