Isang Pangarap Sa Elemento ng Mundo

302 10 6
                                    

I.
Ang bawat paghakbang ay katulad ng pagtawid sa tulay na tubig
Kawangis ng pangarap na kasing-lalim ng dagat sa hilaga,
Tutol man ang mundong magulo sa buhay na binhi ng pag-asa
Kailangan ang pagbangon nang makaiwas sa matang mapang-usig.

II.
Hindi man amining buhay ay isang hiwaga na parang ipu-ipo
Mabilis ang galaw ng bahaw na simoy ng hangin kaya mahirap makatago,
Kung nasa itaas ng himpapawid ang dulo
Paano makakabangon ang taong nakabitin sa lubid ng pagkatalo?

III.
Handang damhin ang alab ng nagniningas na alay sa isang pangarap
Ngunit sa bawat bigkas at sigaw na daing ng sariling sikap,
Nauuwi sa karimlan ang apoy ng pagbangon na may sinding liwanag
Talaga bang mundo'y naririnig ang alpas ng tinig na isang pangarap ang tawag?

IV.
Ang tinatahak na landas ng pagbangon sa lupang kinagisnan
Tubo ng kahapong puno ng katanungan,
Bawat yapak dala ay marka ng nakaraan
Datapwat isang pangarap ay bigyan ng kasagutan.

V.
Ilang beses mang puso'y nasindak at isipa'y nawindang
Kalimutan na ang pagsubok na nakayapos sa paraisong katuwang,
Sapagkat ang tunay na ligaya ay simbolo ng pagbangon
Sa elemento ng mundo na hatid ay pag-asa sa bawat ngayon.

VI.
Bago naangkin ang isang pangarap sa elemento ng mundo
Tulay na tubig, hangin ng pag-asa, apoy sa karimlan at lupang walang dulo,
Sinisid, hinipan, inapula, at tinahak ang ligalig sa bawat kapighatian
Dahil ang pagbangon para sa pangarap ang pundasyon sa matayog na kinabukasan.

Poems (Mga Tula)Where stories live. Discover now