Chapter Two: The Relationship

375 37 7
                                    


Dahil Biyernes ay inaya muna ni Ignacio si Lowella na pumunta sa isang kilalang coffee and cake shop sa bayan. Ito lamang ang masasabi na eleganteng tambayan ng mga nagtatrabaho at mga estudyante. Malawak ang parking lot ng coffee shop kaya naman marami ang nagpupunta roon. At pag ganitong Biyernes, may banda na tumutugtog sa coffee shop. Hindi naman siya tumutol dahil sa totoo lamang ay mainit na ang kanyang ulo dahil sa naging pagtatalo pa nila nang naghihintay sila ng traysikel. Iyon pa naman ang pinaka-ayaw niya. Ang maghintay at pumila.


"Kumain muna tayo bago kita ihatid sa inyo," sabi ni Ignacio na inabot sa kanya ang menu na dala ng nag-a-assist doon.  


Sa loob sila pumuwesto dahil may air-con. Madami na rin ang mga naroon pero mas pinili nila ang nasa labas dahil mas maririnig nila na ang banda kapag oras na ng pagkanta nila. Maaga pa kaya wala pang nagpe-perform.


Hindi siya kumibo na kinuha na lamang ang menu. Mas pinili na lamang niya ang mag-burger at frappe dahil magagalit na naman ang kanyang nanay kapag hindi siya kumain ng hapunan. Kahit nasa hustong gulang na siya ay madalas pa rin siyang pagsabihan ng kanyang nanay kapag nagpapalipas siya ng pagkain. Pagtatalunan lamang nila iyon kaya mas pinipili na rin niya na sundin na lamang ang ina.


Nang makaalis ang babaeng kumuha ng order nila ay napabuntonghininga si Ignacio. Nasa mukha na rin niya ang pagpipiit na mairita dahil mula sa traysikel ay wala silang imikan. "Huwag ka nang magalit. Alam mo naman na Biyernes ngayon at maraming mga last minute na dagdag trabaho."


Gusto niyang sabihin na hindi lamang naman iyon ang kinakainis niya kung hindi maging ang pagkuha nila ng sasakyan para sana maging madali ang kanilang transportasyon. Totoo naman na naiinggit siya kay Myr na palaging nakasakay sa kotse ni Aries at kung hindi naman ay sa kotse ng boyfriend nito kapag araw ng Lunes. Alam naman nila na matagal ng may gusto si Aries kay Myr pero si Myr ay hindi pinapansin ang kanilang panunukso. 


Pinigilan niya ang sarili na suminghal sa lalaki. Si Ignacio ay tipikal na taga San Nicolas. Bagamat  alam niya na mahal siya ng lalaki at loyal ito sa kanya, hindi niya minsan maramdaman na ito ang lalaking gagawin ang lahat para lamang iwasan na magalit siya. Palagi siyang lohikal mag-isip. Kahit na lumalabas sila bilang mag-boyfriend/girlfriend, pakiramdam niya para lamang silang magkaibigan na lumalabas. Hindi sa pinaghahanapan niya si Ignacio pero sampung taon na silang magkasintahan at siguro nga nasanay na lamang siya na ganito ito. 


Aminin man niya o hindi ay boring na boyfriend si Ignacio kagaya ng sinasabi nina Delia at Wilma. Madalas ay makaramdam siya ng inggit kay Myr na sinusundo ng boyfriend nito at halata sa mukha ng lalaki na mahal na mahal niya si Myr. Palagi itong may dalang rosas at tsokolate. Kung minsan ay tumatawag pa ang lalaki kay Myr kahit na breaktime nila kaya naman hindi nila makausap ang babae at palaging may ka-telebabad. Si Aries na lamang ang madalas nilang inaasar kapag busy si Myr sa telepono at halata naman kasing nagseselos si Aries.


Si Ignacio kahit na magkasama sila sa trabaho ay hindi nagpapakita ng sweetness sa mga kasamahan. Hindi nito ugali na bumili ng bulaklak o tsokolate kung wala naman okasyon. Nakakatanggap lamang siya ng mga ganoong bagay kapag birthday niya o Valentines day. Pero hindi sa opisina. Sa bahay dinadala iyon ni Ignacio. Masasabi na kahit na nagbabago ang panahon, si Ignacio ay nanatiling makaluma sa pagpapakita ng pagmamahal.


Ang ibang magkasintahan sa kanilang lugar na mas bata pa sa kanila at sasandali pa na naging magkasintahan ay ikinasal na dahil nabuntis ang babae. Sa kanilang barrio ay nakakaramdam pa ng pagkapahiya ang mga magulang ng mga ikakasal sa kaalaman na ginagawa na nila ang mga bagay na dapat ay sa mag-asawa lamang.

Love Takes TimeWhere stories live. Discover now