KABANATA 17

33.3K 847 32
                                    

Palala nang palala ang mga pangitain ko. Dumating na ito sa puntong halos hindi na ako makalabas sa aming silid.  Tila naging tambayan na kasi ito ng iba't ibang mga nilalang, o kaluluwa, o kung ano man silang paulit-ulit na ginagambala sa akin.

Halos hindi na rin ako makausap nang matino ni Nathaniel. Parati na lang kasi nagbabago ang kanyang kaanyuan sa aking paningin.  Nangyayari ito tuwing napapatitig ako sa kanya nang higit pa sa kalahating minuto.

Animo'y isa akong baliw na takot sa lahat, at ilag sa lahat. Tila mga demonyo kasi ang tingin ko sa lahat ng mga nakapaligid sa akin

Walang ipinagkaiba, pumikit man ako o dumilat. Nakikita ko pa rin ang kanilang kakilakilabot na mga anyo, madilim man o maliwanag.

Pakiramdam ko, kaunti na lang, tatakasan na ako ng bait. Lalo pa't hindi na halos ako nakakatulog. Hindi kasi ako nilulubayan ng mga ito, kahit magtago o magsumiksik man ako sa kahit saang sulok.

"S-saan mo ako dadalhin?" Halos walang lakas kong tanong kay Nathaniel.

Naramdaman ko kasing binuhat ako nito upang dalhin kung saan.  Hindi ito nagsasalita. Ang naririnig ko lang mula sa kanya...ang malalalim nitong paghinga.

Isinakay ako nito nang pahiga sa likuran ng kanyang kotse. Nagmaneho ito at huminto makaraan ang isa't kalahating oras naming paglalakbay. Bumababa ito sa aming hinintuan, bago nito binuksan ang pinto ng kotse--sa aking bandang paanan.

Ilang saglit pa, naramdaman ko ang pagbuhat nito sa akin; at bagama't naririnig ko pa rin ang ilan sa mga bagay-bagay sa aking kapaligiran, naging napakalabo at wari'y umiikot ang aking paningin. Dala na rin marahil 'yun sa labis na pagkagutom. Halos isang linggo na rin kasi akong hindi nakakain nang maayos. Hirap na hirap kasi akong lumunok pagkain. Maging ang tubig, nahihirapan din akong lagukin.

***

"Bakit ngayon mo lamang s'ya dinala rito Nathaniel?" Dinig kong tinig ng isang matandang babae. Naramdaman kong inihihiga ako ni Nathaniel sa isang malambot na katre; hindi ko ito kinaringgan ng sagot.

"Nababaliw ka na ba?" Wikang muli ng matandang babae sa rito, "Alam mong ito ang kakahinatnan n'ya, pero inuna mo pa ang pansariling kagustuhan mo? Ano 'tong nabalitaan kong pinakasalan mo pa ang babaeng ito?"

"Mahal ko po s'ya Nana Biring." Nanginginig ang boses nito, "Hindi ko po kayang--"

"Isa kang hangal, Nathaniel! Alam mong binuhay lamang s'ya ng mga kampon ng kadiliman, sampu ng hindi na mabilang na iba pa, upang maging katawang-tao ng mga demonyo sa takdang panahon, ngunit anong ginawa mo? Hindi mo lamang kinupkop, inasawa mo pa?! Hindi ba't napagkasunduan na ng samahan na kailangan silang lipulin upang hindi na magkaro'n pa ng pakinabang sa mga masasamang espiritu?!"

"Nana Biring." Nagmamakaawang tinig ni Nathaniel. "Nasabi po sa akin ni Papa na may paraan pa para magkaroon si Victoria ng sarili nitong kaluluwang may basbas ng langit. Malapit na sana n'yang mahanap ang kasagutan. Pero sa kasawiang palad--"

"Sa kasawiang palad, pumanaw s'ya!" Pabulyaw na wika ni Nana Biring kay Nathaniel. "Hindi ba't malinaw na mensahe 'yon ng langit? Malinaw na hindi pinahihintulutan ng Diyos ang kung ano mang kaparaanang nahanap ng Papa mo!"

"Nana Biring, parang awa n'yo na tulungan n'yo akong iligtas si Victoria. Mahal na mahal ko po s'ya. Sabihin n'yo po sa 'kin kung ano ang dapat kong gawin?"

"Alam mong walang makatutulong sa kanya, kundi ang awa ng Diyos, Nathaniel. Wala nang ibang paraan. 'Yun lang."

"Parang sinabi niyo na rin sa akin na wala nang pag-asa."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2014, All rights reserved. 

"Sa reaksyon mo." Natatawang sambit ni Nana Biring, "Para mo na ring sinabi na hindi ka naniniwala na may awa nga ang Diyos."

Hindi nakasagot si Nathaniel. Kung sumagot man ito nang maglaon, hindi ko na narinig 'yon. Tuluyan na kasing nagdilim ang aking paningin.

* * *

Nagising akong nakasubsob sa aking tabihan si Nathaniel. Natutulog. Mukhang naro'n pa rin kami sa barung-barong ng matandang tinawag ni Nathaniel na si Nana Biring.

Hinaplos ko ang likuran ng buhok ni Nataniel; nagising ito sa ginawa ko. "V-Victoria?" Anito. Hawak-hawak nito ang aking kanang kamay at hinahalikan ito. "Ano na ang pakiramdam mo?"

Bumangon ako nang paupo sa papag. Nilagyan naman agad ni Nathaniel ng unan ang pagitan ng aking likod at ng dingding.

"Nanghihina pa rin ako." Sagot ko, matapos kong makasandal. "Pero wala na ang sakit ng ulo ko."

"Mabuti naman." Nakangiti ito; hinahaplos ang aking mukha.

"Anong ginagawa natin dito?" Tanong ko.

"Humahanap ng paraan para gumaling ka na."

"Nathaniel. Ano ba ang nangyayari sa akin? Bakit tila ayaw nila akong lubayan?"

"Ligtas ka rito. Hindi ka nila masusundan dito."

"Paano mo naman nasabi 'yun?"

"May basbas itong munting tahanan ni Nana Biring. Maliit na dampa man ito, walang nakakapasok ditong masasamang isipiritu."

"Hindi mo pa sinasagot 'yung katanungan ko. Bakit palala na yata nang palala ang pagpapakita nila sa 'kin?"

"Dahil malapit na ang panahon."

"Malapit na ang panahon ng alin?"

"Malapit na ang panahon para permanenteng ankinin na ng kahit sino sa kanila ang katawang-tao mo. Mangyayari 'yon sa pinakahuling kabilugan ng buwan, bago lumipas ang iyong ikalabing-walong taong pananatili sa mundo."

"H-ha? Pero..."

"Unti-unti nang hindi tinatanggap ng katawan mo ang kaluluwa ng Papa," Dugtong nito, "Dahil do'n, kung sino-sino't kung ano-ano na ang pumapasok sa 'yo na hindi na halos kinakaya ng katawan mo. Nag-aagawan sila. Pare-parehong nangangarap na mapasakanila ang katawang-tao mo."

"Nathaniel." Nanginginig na daing ko. "Patayin mo na lang kaya ako. Ayokong mapasademonyo ang katawan ko. Ayokong gamitin nila ang katawan ko para magkasala at mapariwara ang mga taong dadaan sa buhay ko."

"H'wag kang magsalita nang ganyan, Victoria. Alam mong hindi ko hahayaang mangyari ang mapahamak ka. Humahanap na ako ng paraan. Magtiwala ka. Mahahanap ko rin ang paraan upang mabigyan ka ng Diyos ng sarili mong kaluluwa."

[Itutuloy]

LagimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon