KABANATA 6

40.8K 968 51
                                    

Humiyaw ni Sister Aurora nang natilamsikan ang balat nito ng banal na tubig. Agad na nagnaknak ang mga nawisikang bahagi ng kanyang balat; unti-unti na rint kumalat ang mga naknak na 'yon sa kanyang buong katawan.

Ang baho; kaamoy nito ang pinaghalong amoy ng nabubulok na karneng nasusunog at asupre.

Tumingin ako sa nakababatang pari. Seryoso ang ekspresyon ng mukha nitong tila hindi na nagugulat sa kanyang mga nakikita. Kapansin-pansing nakatuon na rin ngayon ang kanyang paningin, sa gawi ni Father Gaudencio

Nawisikan din pala ang matandang pari ng banal na tubig, na siya namang nanging dahilan, kung bakit tila nagbago ang anyo nito. Kakilakilabot ang naging hitsura ng matandang pari. Animo'y isa itong demonyong nakangisi pa sa nakababatang pari.

Naging mamula-mula ang balat nito na may batik-batik na itim; mas lalong nangulubot ang balat nito, at nangawala na ang lahat ng buhok. Umitim din ang mga mata nito at napalitan ng mantsadong manilaw-nilaw na mga pangil ang kanina lamang ay normal na mga ngipin. Humumpak na rin ang mga pisngi nito, at mas lalong nangayayat ang buong katawan; habang ang mga galamay nama'y nangangsihabaan kaalinsabay ng pagtubo ng maiitim nitong mga kuko.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2014, All rights reserved.

Napabalikwas ako. Tumayo sa aking kinauupuan, at saka naghanap ng isang sulok na masisiksikan. Pagkasiksik na pagkasiksik ko, agad kong tiningnan ang aking mga brasong nawisikan ng banal na tubig. Wala namang nangyari sa balat ko. Nabasa lamang ang ito.

"Isa kang hangal Nathaniel, isa kang pakialamero." Nakapangingilabot na wika ng demonyo, na una kong nang nakilalang si Father Gaudencio.

Nakapagtatakang nginisian lamang ito ng mas nakababatang paring tinawag nitong Nathaniel--na dumukot naman ng pilak na gulok mula sa ilalim ng abito nito, na s'ya namang walang pasabing ipinangtagpas nito sa ulo ng demonyo.

Nagsitalsikan sa buong paligid ang maitim na dugo ng demonyo, na s'ya ring nagmantsa sa maputing kasuotan ni Nathaniel.

Dinig na dinig ko ang pag-angil ng animo'y aninong sumingaw sa napugutang katawan ng Demonyo. Mukhang 'yun ang maitim na kaluluwa ng nilalang na 'yon, "Pagbabayaraan mo sa panginoon, ang pangingialam mo, Nathaniel. Pagbabayaran mo!" Kakilakilabot na daing ng anino, bago ito tumalilis, at tuluyan ng naglaho.

"Ikaw!" Hiyaw sa akin ni Nathaniel;  pinupunit nito ang namantsahang abito. Nakasandong puti at nakamaong na punit-punit pala ito sa ilalim. Tadtad din ng mga tato ang maskuladong braso nito, na s'ya namang nagbigay sa akin ng ideya, na maaaring hindi naman ito tunay pari. "Sumama ka sa 'kin!" Dali-daling lumapit ito sa akin at hinatak ang aking kaliwang braso.

"S-saan mo ako dadalhin?" Halos kaladkarin na ako nito papalabas ng silid.

"Wala nang maraming tanong, Victoria." Nakasimangot ito.  Bitbit pa rin nito ang malaking gulok na ipinangtagpas nito sa ulo demonyo kanina. "Kailangang madala muna kita sa lugar kung saan hindi ka nila matutunton."

"N-nila? S-sinong nila?" Ninenerbyos na ko habang papalabas na kami sa mismong pintuan.

"Sila." Anito; halos kasabay ng pagbukas nito ng pinto.

Gamuntik na akong takasan ng katinuan, nang bumungad na sa amin ang hindi mabilang na taong--sa pakiwari ko'y yung mga parokyano ng simbahang 'yun. Nakatingin ang lahat ng mga ito sa amin sa matatalim at kakilakilabot na paraan. Namumutla na ang kanilang mga balat at maiitim na rin ang kanilang mga mata. Katulad na katulad na rin nila, ang nakatatakot na hitsura ng pitong nilalang na nagpakita sa akin kanina.

Hindi na ako makahinga sa tindi ng pagtibok ng aking puso.

"Dito ka sa kaliwa ko," Pabulong na utos sa akin ni Nathaniel; sumunod naman ako. "Kumapit ka sa 'kin." Kumapit naman ako sa kanyang kaliwang braso. "Huwag kang bibitaw sa 'kin kahit na anong mangyari." Tumango ako; kahit hindi ko sigurado kung ano talaga ang pinaplano nito.

Sabay-sabay na nagsi-angilan ang mga taong animo'y mga buhay na na bangkay na nakapalibot sa amin; nakatingin lahat sa amin.

Unang sumugod sa amin ang tatlo, na sa isang wasiwas lamang naman ng gulok ni Nathaniel, naputulang lahat ng ulo.

Tila huminto naman ang aking paghinga. At nanlalatang nagpapakatianod na lamang sa kung saan man ako hilahin ni Nathaniel.

Halos sabay-sabay kaming sinugod ng mga nilalang, ngunit hinahawi naman ng gulok ni Nathaniel, ang kahit sinong humaharang sa aming dinaraanan.

Hindi ko na mabilang kung ilan sa kanila ang nagtangka akong hatakin, habang lakad-takbo kaming sumusugod papalabas ng simbahan. Hinawakan akong mabuti ni Nathaniel; ipinulupot nito ang malakas na kaliwang braso sa palibot ng aking baywang.

Hindi ko na matantya kung ga'no ang itinagal ng aming kalbaryo bago kami tuluyang nakalabas. Daig ko pa ang lobong lutang, na hindi batid kung saan ako mapapadpad.

Madilim na sa labas. Puro sanaw na ang kalsada na s'yang naging bakas ng malakas na pag-ulan kanina. Sa aming pagtakbo, ramdam na ramdam ko ang talsik ng tubig sanaw sa aking mga binti.

May dinukot na key fob sa bulsa si Nathaniel. "Sakay!" Matapos nitong i-unlock sa pamamagitan ng key fob na 'yun ang isang makabagong itim na kotse. Sandali akong napatulala. "Sakay sabi eh!" Bakas sa mukha nito ang pagka-irita.

"S-saan tayo pupunta?" Pinapaandar na niya ang makina ng sasakan.

Hindi ito nagsalita. Sa hilip, matalim na tiningnan lamang nito ang mga nilalang na sumusugod sa amin sa bandang harapan. Walang tatlong segundo, tinungtungan n'ya ng todong-todo ang accellerator, at saka walang pag-aalinlangang binangga ang lahat ng humaharang sa aming dinaraanan.

Hindi ko na mabilang kung ilan ang sumalapak sa mismong ungos ng kotse;  maging 'yung mga natatamaan sa magkabilang gilid. Nakatulalang pinagmamasdan ko na lamang ang mga itim na dugong nagmamantsa sa windshield.

"A-ano ba sila? B-bakit nila tayo hinahabol?" Pinasisiritan n'ya ng windshield washer ang bandang unahan ng kotse.

"Hindi tayo ang hinahabol nila," Aniya, hindi ito nakatingin sa akin. "Ikaw lang."

"B-bakit?!" Natataranta na ako, "Ano bang kailangan nila sa 'kin?! Ano ba sila?"

Sinulyapan n'ya ako, bago nito muling itinutok ang kanyang mga mata sa harapan ng kotse.

"Ang katawan mo." Nagbuntong-hininga rin ito. "Kailangan nila ang katawang tao mo."

[Itutuloy]

LagimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon