KABANATA 28

25K 714 57
                                    

"Victoria...Victoria..."

Isang napakalamig na tinig ang umaalingawngaw sa aking pandinig. Pilit kong ibinuka ang mga mata ko, ngunit naging napakalabo na ng paningin ko.

"Victoria...Victoria..."

Iyon na naman. Pinilit kong bumangon sa aking pagkakalugmok. Ngunit halos wala na akong lakas kaya napahiga rin akong muli sa sulok kung saan ako nakasiksik.

Kung ga'no na ako katagal sa madilim na sulok? Isang araw, dalawang araw, o tatlong araw? Hindi ko na alam. Ang alam ko lang, unti-unti na akong nanlulupaypay sa labis na pagkagutom at pagka-uhaw.

"Uminom ka Victoria." Muling sambit ng malamig na tinig--naramdaman ko ring may kumalong sa ulo ko. "Uminom ka." Naramdaman ko ang pagdampi ng baso sa aking bibig, at ang pagbuhos ng tubig sa loob ng aking bibig pababa sa lalamunan ko. "Kumain ka." Pagkasabi nito no'n, naramdaman ko naman ang pagsubo nito sa akin ng isang masarap na tinapay.

Habang pinapakain at pinaiinom ako ng estrangherong may malamig na tinig, sinibukan ko namang iminulat ang aking mga mata; pilit kong sinisipat ang mukha ng kung sino man ang tumutulong sa akin.

Hindi ko ito gaanong maaninag bukod sa hugis nitong isang matangkad na lalaking may maliwanag na mukha. Sa sobrang liwanag nga ng mukha nito, imposibleng makita ko ang hitsura nito.

"S-sino ka?" nanghihinang tanong ko.

"Hindi na mahalaga kung sino ako." Sagot nito, "Ang mahalaga, manumbalik ang lakas mo. Kakailanganin mo ito upang mailigtas mo ang iba pang nasa piitan."

"P-papaano ko sila maililigtas?" Tanong ko, "Kung ang sarili ko nga'y hindi ko kayang itakas?"

"Ituturo ko sa inyo ang daan palabas."

"Hindi ka ba kaisa sa kanila?"

"Hindi."

"Kung hindi, pa'no ka nakapasok dito? At pa'nong nalalaman mo kung pa'no kami makakatakas dito?"

Nagulat ako. Bigla na lang kasi itong naglaho. Luminga-linga ako. Mag-isa na lang akong muli. Gusto ko na sanang maniwala na guni-guni ko lang ang kausap ko, kung hindi ko nakita ang isang baso ng tubig sa tabi ko, at ang kalahating piraso ng tinapay sa aking kamay.

"Magmadali kayo!" Nadinig kong hiyaw ng isang lalaki. Umaalingawngaw ang tinig nito sa pasilyo. Sumunod kong narinig ang kanilang mga yabag, na tila papalapit na sa kinaroroonan ko. "Hindi maaaring makawala ang babaeng 'yon! Wala itong maaaring labasan dito!"

Malakas ang kutob kong ako ang babaeng tinutukoy nila. Nakita na siguro nila ang bangkay ng g'wardyang napatay ko sa banyo; at batukoy kung sino ang nawawala nilang bihag.

Mas lalo kong isiniksik ang sarili ko sa dilim. Pinigil ang paghinga sa takot na maging iyon ay kanilang marinig.

Sa kabutihang palad dinaanan lamang ng mga ito ang aking kinaroroonan. Malaking bagay na namatay na pala ang ningas ng sulong nakasabit malapit sa aking kinaroroonan.

"Ngayon na Victoria! Pumunta ka sa kanan."

Nakagugulat na mga pangungusap 'yun na bigla na lamang dumapo sa aking isipan. Hindi ko naman masasabing isa itong tinig  dahil wala naman akong naririnig. At nakasisiguro rin naman akong hindi 'yun nanggaling sa aking sariling isipan at imahinasyon.

LagimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon