"Ang bawat bulong ng mga diwata o anghel ay makapangyarihan, Claret. Hindi ko magawang ituro sa kanila kung sino ang itinutukoy sa ikalawang linya..."

"Pagkabasa ng iyong pisngi at halik ng iyong mga daliri..." ikatlong linya naman ang inulit niya. Saglit kaming natigilan ni Claret. Muli siyang lumingon sa labas ng yelo.

"Z-Zen..."

Sina Iris at Harper ay mas naging alerto nang makitang mas lalong lumalaki ang bitak ng makapal na yelong nakaharang sa amin. Muling humarap sa akin si Claret, alam ko nais na rin niya magmadali.

Inulit ko sa aking isipan ang ikatlong linya. Mariin na akong napapikit habang pilit iniisip ang mga koneksyon ng mga salita.

"Leticia..." usal ni Claret.

Sa halip na sumagot sa kanya at magmulat, sinubukan kong sundin ang ipinararating ng huling bugtong.

"Bulong na nakatago sa iyong mga kamay..." usal ko. Sa kabila ng aking nakapikit na mga mata at presensiyang nakatago sa loob ng makapal na yelo, ramdam kong biglang tumalas ang aking pandama.

Ang mabibigat na paghinga ni Claret at ang mariin niyang mga matang nakatitig sa akin, ang malakas na pagtibok ng puso nina Harper at Iris, ang paglandas ng pawis sa noo nina Zen at Caleb, ang pagaspas ng malaking pakpak ni Seth, ang sayaw ng pulang sinulid at latigo nina Blair at Rosh. Ang ingay mula sa espada ni Nikos, ang nagtatangis na bagang ni Lucas at ang punyal ni Hua.

Inilapit ko sa aking mukha ang aking dalawang palad at marahan akong bumulong dito ng aking kahilingan.

"Pagkabasa ng iyong pisngi at halik ng iyong mga daliri..." sa bawat pagbigkas ko ng mga kataga, mas lalong bumibilis ang pintig ng puso ko. Lalo na't mas naiintindihan ko na ang nais ipahiwatig nito.

Naglalarawan ang bugtong...

Ang dalawa kong palad na nakalahad malapit sa aking mukha na kapwa magkadikit sa tagiliran ay unti-unti kong pinagdaop kasabay ng aking kahilingan, at nang sandaling tuluyan ko na iyong isinara, unti-unting kong ibinaba ang aking magkadaop na palad hanggang sa ang aking mga palapulsuhan ay tumigil sa itaas ng aking puso at ang dulo ng aking daliri'y nasa aking mga labi.

"Salita'y hindi sapat... tulad ng hanging walang lamig..." huling usal ko.

Narinig ko ang pagsinghap ni Claret habang nanatiling nakatitig sa akin, at nang sandaling unti-unti akong magmulat at magtama ang aming mga mata, gumuhit ang ngiti ko sa aking mga labi.

"Panalangin... isang panalangin ang nais iparating ng bugtong..."

"A prayer means..." tumango ako sa nabiting salita ni Claret.

"Isang anghel ang may hawak ng sunod na relikya."

Bintanang bahaghari tanaw ay iyong mata... sumisimbolo ito ng mga nakapikit na mata. Ang mata'y lubos na makakakita sa sandaling ito'y nakapikit... dahil sa gitna ng kadiliman sa sandaling ika'y manalangin, hindi lang liwanag kundi bahaghari ang siyang makikita. Iba't ibang uri ng kasagutan sa isang panalangin.

Bulong na nakatago sa iyong mga kamay... ito naman ang siyang kumakatawan sa bagay na iyong hinahangad-hangad. Bagay na tatanggapin ng iyong mga kamay.

Pagkabasa ng iyong pisngi at halik ng iyong mga daliri... sa sandaling ang iyong emosyon at panalangin ay tuluyan nang naghalo. Luha'y maglalandas, habang ang mga labing nakatikom ay nakadikip sa magkadaop na mga palad.

Salita'y hindi sapat... tulad ng hanging walang lamig... dahil ang panalangin ay hindi na kailangan pang isasalita...

Tuluyan na akong tumayo sa aking posisyon at hinarap ang kasalukuyang kalagayan ng mga kasamahan namin, ganoon din si Claret na ang dalawang kamay ay nagliliwanag na rin.

Moonlight Throne (Gazellian Series #6)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon