Chapter 34

40.5K 4.2K 1.1K
                                    

Chapter 34

Pagbabalik

Nang sandaling masiguro kong nasa mabuting kamay na ang unang anak ni Diyosa Eda, hindi ko na rin pinatagal ang pagtatanghal, agad ko rin iyong tinapos kasabay ng malamig na boses ni Albino na tila hanggang ngayon ay patuloy pa rin gumagawa ng musika sa isipan ng bawat manunuod.

Sa halip na malakas na palakpakan ang siyang dapat isalubong ng lahat, ang tanging natanggap ko at ang grupo ng mga musikero'y isang nakabibinging katahimikan.

Halos hindi gumalaw o gumawa man lang ng ingay ang lahat ng manunuod habang ang kanilang mga mata'y nakatuon, hindi lang sa akin kundi sa buong grupo ng manananghal na siyang sumuporta sa akin.

Dahan-dahan na akong bumaba sa lupa, ganoon din ang mga musikero lulan ng mga halaman. Samantalang ang gintong karagatan na tila anumang oras ay babagsak mula sa itaas ay unti-unti na rin naghiwa-hiwalay at naging tila libong patak ng ulan. At nang sandaling ito'y pinili nang bumuhos, naging palamuti na nga ang mga ito sa ere, dahilan kung bakit higit na nagningning ang kabuuan ng bulwagan.

Tipid akong sumulyap sa grupo ng magkakapatid na Gazellian, kapwa nakatuon sa akin ang kanilang mga mata.

Alam kong tagumpay ang ginawa kong ritwal at kasalukuyan nang hawak ng asul na apoy ang buhay ng anak ni Diyosa Eda. Ngunit alam ko sa sarili kong hindi pa rito nagtatapos ang lahat.

Ilang segundo pa ang siyang lumipas bago tuluyang nagising ang mga manunuod sa pagkamangha, una'y iilang palakpak lang ang siyang narinig ko hanggang sa iyon ay nagsunud-sunod na.

Hindi rin nagtagal ay lumapit na sa gitna ng bulwagan ang taga-anunsyo at pormal na niyang inihayag ang pagbubukas ng pagdiriwang.

Iyon ang siyang paalala sa akin ni Diyosa Eda, may inabot siya sa akin singsing na may batong lilac, sinabi niyang ikumpas ko lang ng dalawang beses ang aking kanang kamay at ang singsing na ang siyang bahalang gumawa ng siyang dapat kong gawin.

At nang sandaling matapos ang dalawang beses kong pagkumpas, ang bulwagan na may disenyong para lang sa mga manananghal at tagapanuod ay unti-unting nabago.

Ang itaas ng bulwagan na pawang kalangitan at mga bituin ang siyang makikita'y unti-unting natabunan ng salamin, saglit na nagliwanag na tila makasisilaw sa tititig hanggang sa iyon ay matabunan ng isang eleganteng kisame. Ang kisame'y higit na nabuhay dahil sa magagandang pintang larawan doon at maging ang tila mala-diyamanteng ilaw na siyang pumalit sa mga bituin.

Ang mga nakapaligid na pahagdang upuan ay nagsimula na rin maglaho, hanggang sa ang kabuuan ng bulwagan ay mapatag. Nagkaroon ng mahahabang lamesa na punung-puno ng iba't ibang klase ng pagkain na angkop sa bawat nilalang na naroon. Natakpan ang mga bintana ng magagandang kalidad ng pulang kurtina, ang kaunting bilang ng upuan ay may elegante rin disenyo, at ang lupa na kanina'y aming tinatapakan ay naging konkreto at nalatagan ng malambot at komportableng karpet.

Mahika na mula sa singsing ni Diyosa Eda ang siyang maayos na umalalay sa napakaraming nilalang na kanina'y nakaupo lamang. Hindi bumilang ng ilang minuto bago tuluyang nagbago ang kabuuan ng bulwagan. Kung kanina'y para lang sa manananghal ang lugar na iyon, ngayo'y para na ito sa partisipasyon ng lahat.

Sabay na pagtunog ng trumpeta ang siyang naghayag na malaya na ang bawat nilalang na makihalubilo sa isa't isa. Nawala na ang atensyon nila sa akin bilang si Diyosa Eda, ngunit pinanatili ko pa rin ang pagpapanggap ko. Pinili kong bumalik sa aking upuan habang naroon pa rin ang natitirang mataas na trono at kapwa nakatanaw sa mga nagkakasiyahan, tanging si Vidarr lang ang siyang nawawala.

Habang nakaupo ako sa pwesto ni Diyosa Eda at tipid kong pinaglalaruan ang aking mga daliri, hindi ko mapigilan ang paggala ng aking mga mata. Wala ba talagang nakapansin mula sa mga kalaban? Tila higit akong kinakabahan sa biglaang pagkalma ng kapaligiran.

Moonlight Throne (Gazellian Series #6)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon