13th Chase

36 2 0
                                    

Yngrid



Nakaangat ang ulo ko at pinagmamasdan ang malaking tore sa aking harapan. Kasing tangkad ito ng ordinaryong tore ngunit ang lawak nito ay maitutumbas sa laki ng bulwagan ng palasyo. Puti ang kulay ng tore at isang detalye lang ang nagpapaagaw pansin nito sa akin. Pinagtaka ko ang lokasyon ng pinto. Sa halip na nasa ibaba ito, nasa tuktok ito ng tore. Nasa gitna ito ng lawa na madalas naming puntahan ni Cecilion upang mag-ensayo. Napagkunot ang kilay ko ng makarating ang impormasyon galing sa paladin na sa loob ng tore gaganapin ang laro. Iniisip kong nahihibang na ang paladin dahil malabo na magkasya kaming lahat sa tore. Pinaningkitan ko ng mata ang tore dahil sigurado ako na mayroong patibong dito at halimbawa na nito ang lokasyon ng nag-iisang pinto.



"Hm hm~ Dito pala nagaganap ang Laro ng Titulo. Galak na galak na ako."



Nilingon ko si Lancelot na malawak ang ngisi sa labi at nakahawak sa kanyang baba. Batid ko sa kanyang mukha ang pagkamangha sa nakikitang tore.



"Heeheehee! Ako rin! Iniisip ko palang ang loob ng tore hindi ko na mapigilan ang mapangiti!" Lumapit si Katarina ng marinig ang opinyon ni Lancelot.



"Hm hm!"



"Heehee!"



Nagkatinginan silang dalawa at kapwang ngumiti sa isa't isa dahil sa pagkakaparehas ng kanilang opinyon. Kapwang hindi maitatanggi sa mukha ng dalawa na sabik na sabik sila sa tore.



"Tsk."



Narinig ko ang pasimpleng pag ismid ni Theopilus. Ramdam ko ang pinupukol niyang matatalim na titig saakin. Ito na ang araw na hinihintay niya.



'Sa araw na magsimula ang laro ng titulo, sisiguraduhin ko na ito ang una't huling araw mo. Papaslangin kita, Yngrid.'



Sigurado ako na maghihintay lang siya ng tamang pagkakataon para atakihin ako. Inalis ko ang tingin ko sa tore at pasimpleng sumulyap kay Cecilion na kanina pa walang kibo at nakatingin lang sa repleksyon niya sa tubig. Nasa tabi siya ni Lancelot na nakikipag-usap sa masiyahing Katarina. Si Helewys ang katabi ko sa kaliwa at si Igor sa kanan. Susunod sa kanya si Theopilus. Napahawak ako sa punyal na nakasabit sa aking bewang.



Muntikan ko nang makalimutan, ito rin pala ang araw na hinihintay ko.



Bago maglubog ang araw ang simula ng laro pero madaling araw palang naghahanda na kaming lahat. Mayroong hindi maipaliwanag na kaba ang bumabalot sa aking dibdib. Iniisip ko palang ang laman ng panukala, hindi na ako mapakali sa maaaring mangyari. Batid kong may taglay na lakas ang mga kasama ko ngunit ang problema ko ay ang sarili ko. Hindi ko alam kung kaya kong pantayan ang kakayahan nila. Umaasa lang ako sa pisikal kong lakas at hindi ito maikukumpara sa kanilang mahika. Nasaksihan ko ang kakayahan ni Theopilus sa pagmanipula ng apoy at ang balita na gumawa si Cecilion ng mala-dagat na senryo sa aren habang ang napakalaking lila naman ng apoy ay ang kay Helewys. Napakalakas nila.



"Magandang hapon sa inyong lahat."



Natanaw ko ang papalapit na pigura ng paladin sa tore. Lumalim ang tensyon na nasa paligid ng makita ang paladin na maglakad sa ibabaw ng tubig at huminto sa gitna nito. Posible ba ang maglakad sa tubig? Kaya rin kaya itong gawin ni Cecilion?



Nakakamangha.



Nakaraming kayang gawin ng paladin at parang hasa na siya sa mga ganitong bagay.

Chasing the CrownTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang