One Shot 1 (Maikling Kwento)

137 7 0
                                    


Disclaimer

This is a work of fiction. The characters, events and places are all products of the Author's imagination.

Any resemblance from the real events, places, persons either living or dead is purely coincidental. Please take note that these were only used in fictitious manner.

Tanikala

Tumatagaktak ang kanyang pawis at mabilis ang pagtibok ng kanyang puso habang kumakaripas siya sa pagtakbo. Bitbit niya ang pera at pakete na may lamang pulbos. 

Hanggang sa dumaan siya sa isang masikip na pasilyo. Doo'y madilim na tanging buwan lamang  ang nagbibigay ng liwanag. Hindi niya alam kung nasaan na siya.  Basta ang alam lang niya ay dapat na makalayo siya mula sa mga pulis na humahabol sa kanya. Ilang beses na niya itong nagawa ngunit sa pagkakataong ito'y kinakabahan siya.

Maya-maya pa, pagkalabas niya sa mula sa pasilyo, "Beeeeppppppp!" Nang mga oras na iyon naramdaman niyang tumilapon ang kanyang katawan. Napakasakit. Nahihilo siya. Ito na yata ang katapusan niya.

Bata pa lamang ay hinahangaan na sa angking talino si Frederick. Salat man sa buhay ay nagsisikap pa rin siyang mag-aral. Nakatira siya kasama ang kanyang malaking pamilya sa isang iskwater sa Tondo, Manila.  Ikaapat siya sa walong magkakapatid. Parehong hindi nakatapos ng pag-aaral ang kanyang mga magulang kaya siya'y namulat na sa isang kahig isang tuka. Labandera ang kanyang ina samantalang kargador sa palengke ang kanyang ama.

Nasa ikaanim na baitang na si Frederick kung kaya hangad niyang makatapos at maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan.  Subalit isang araw, nagkasakit nang malubha ang kanyang ama na kalaunan ay humantong sa pagkamatay nito.

Pagkauwi galing sa libing ng ama, kinausap siya ng kanyang ina. "Anak, kailangan mo nang huminto sa pag-aaral. Pasensya ka na. Kung hindi lang sana namatay ang iyong tatay," lumuluhang wika ng kaniyang ina. Bumuhos ang luha mula sa mga mata ni Frederick. Lumong-lumo siya. Ang mga pangarap na binubuo niya, biglang naglaho na parang bula.

Magmula nang araw na iyon, nagbago si Frederick. Naging kabarkada niya ang mga tambay sa kanilang lugar. Lagi siyang sumasama sa mga ito kaya natutuhan niya ang masasamang bisyo tulad ng paninigarilyo at paglalasing.

Isang gabi habang umiinom ng alak, inabot sa kanya ng kanyang kaibigang si Caloy ang isang puting pulbos. Hindi alam ni Frederick kung ano ito kaya nagtanong siya. "Shabu iyan. Ang solusyon sa problema natin," nakangiting sagot ni Caloy.

Noong una'y nag-aalangan si Frederick na tanggapin ito ngunit nakumbinsi siya ng kanyang mga kaibigan. Mula noon, natuto na rin siyang gumamit ng ilegal na droga at mas malala pa, nagbebenta na rin siya para makatulong sa pantustos ng kanilang pamilya.

Napaluha na lamang si Frederick nang maalala kung paano siya humantong sa ganoong sitwasyon. Kung nakinig lang sana siya sa kanyang ina, wala sana siya ngayon sa ospital. "Iho, menor de edad ka pa lamang pero nagtutulak ka na ng droga, hindi mo ba alam na ilegal ito?" tanong sa kanya ng isang pulis na nagngangalang Ginoong Santos. Medyo matanda na ito ngunit mababanaag sa mukha nito ang kabaitan. Kahit nahihiya siya, ikinuwento pa rin ni Frederick ang dahilan kung bakit nasangkot siya sa ipinagbabawal na gamot.

Naantig si G. Santos matapos niyang isalaysay ang kanyang buhay.  "Dahil labing-limang taong gulang ka pa lang, sa rehabilitation center ka dadalhin. Pero, 'wag kang mag-alala tutulungan kitang makapagtapos ng pag-aaral," nakangiting sambit ni G. Santos.

Napangiti si Frederick. Nagkaroon siya ng pag-asa. Tapos-puso siyang nagpasalamat sa mabait na pulis. Tila isang tanglaw si G. Santos sa kanyang buhay. Kaya naman nangako siya kay G. Santos at sa kanyang sarili na magtatapos siya ng pag-aaral. At ganoon nga ang nangyari.

Makalipas ang ilang taon, nakatapos siya bilang isang guro at natulungan ang kanyang pamilya. Hanggang sa pagtanda,  tatanawin ni Frederick ang kanyang utang na loob kay G. Santos. Para sa kanya, isa itong mabuting tao na ginamit ng Diyos para mahanap niya ang susi sa tanikala ng kanyang buhay.

***

Year originally written: 2019

Date published on wp: August 6, 2020 (I'm not sure)

Blue_estherjane

Feature Articles & One Shot Stories (Completed)Where stories live. Discover now