Ikalawang Kabanata

727 41 9
                                    


Araw ngayon ng Linggo at pinaki-usapan ako ni Doña Victoria kahapon na pumasok na din ako ng Linggo ng umaga upang maihaitid ko sila sa Simbahan.

Ala-sais pa lamang nang umaga at kasalakuyan silang naghahanda ng kanilang mga sarili sa loob ng mansyon. Ako naman ay naghihintay lamang sa labas at naka-upo sa may silya sa ilalaim ng puno. Wala ang mga tigapag-silbi ngayong araw dahil Linggo ang araw ng kanilang pahinga. Gusto ko rin sana na magpahinga at manatili na lamang sa bahay upang makasama si Lucas ngunit nanghihinayang din ako sa salaping iuupa sa akin kapag tinanggihan ko ito.

Pinagmasdan ko ang mansyon ng mga Villafuerte. Mas malaki ito sa aming hacienda sa San Rafael. Sa unang kita pa lamang ay sumisigaw na ito ng karangyaan at kapangyarihan. Bagamat hindi interesado si Don Frederico sa politika ay marami siyang kakilala sa pamahalaan. Malaki din ang impluwensya nya sa bayan ng San Vicente dahil isa sila sa pinaka-mayaman sa bayang ito.

Naunang lumabas nang mansyon si Señorita Isabella. Tamad itong bumaba sa hagdan suot ang kanyang magarang saya. Kulay bughaw ang mga ito na nagpatingkad sa maputi niyang balat. Nakasuot din siya ng mamahaling mga alahas at kaunting kolorete sa kanyang mukha. Maayos din na nakapusod ang kanyang kulay tsokolateng buhok dahilan upang mas makita ang kanyang maliit na mukha, matangos na ilong at kanyang matataray na mga mata.

"Magandang umaga po, Binibini." nakangiti kong bati sa kanya habang tumatayo sa pagkaka-upo. Lumiwanag ang kanyang mga mukha nang ako ay kanyang makita. "Marcelino!" tawag nya sa akin habang lumulukso papalapit sa akin na akala mo ay isang paslit. "Tama nga na ikaw na ang bagong kutsero! Ngunit akala ko ba ay sa araw ng Lunes ka pa magsisimula?" nagtataka niyang tanong sa akin.

"Opo, Binibini. Ngunit pinaki-usapan po ako ng inyong Ina na magsimula na ngayon dahil masama daw po ang pakiramdam ni Mang Berto kahapon." paliwang ko sa munting binibini habang nakayuko.

"Ano ka ba naman, Marcelino! Hindi ba't sinabi ko na sa iyo na huwag mo na akong ginagamitan ng 'po at opo' kapag tayo lang ang magka-usap?" wika niya habang matalim ang tingin sa akin. "Para namang hindi tayo magkaibigan nina Elena sa ginagawa mo sa akin! At baka nakakalimitan mong ikaw ang mas matanda sa akin?" dagdag nya habang nakangisi. Tinawanan ko siya at tinanguan.

"Kamusta na pala ang iyong ipinipinta, Binibini?" tanong ko sa kanya. Ngumiti siya ng malaki, "Malapit ko nang matapos! Mas kakapalan ko na lamang ang kulay gaya ng iyong bilin sa akin, Guro!"

Mabuting tao si Señorita Isabella, ngunit hindi magpag-kakaila na masungit siya sa mga taong ayaw niya. Wala ding preno ang kanyang mga bibig at sinasabi ang kanyang nasa isip. Madalas niya rin akong tawagin na guro. Naalala ko noong unang linggo ko pa lamang dito sa mansyon ay nakita ko siyang nagpipinta sa may hardin matapos ang pananghalian. Inis niyang nilukot ang papel kung saan niya ginuguhit ang mga bulaklak sa hardin. Nilapitan ko siya at pinulot ang papel. Pinagmasdan ko iyon habang masama ang kanyang tingin sa akin. "Maayos naman ho ang pagkakaguhit ninyo, Binibini." puna ko sa kanyang ginawa. Biglang nawala sa kunot sa kanyang mga noon ngunit bakas pa din ang kanyang inis dahil sa nakatulis niyang mga nguso. "Siguro ay kailangan ninyo lamang dagdagan ang kulay upang mas maging matingkad ito." turo ko sa mga bulaklak. Noong araw din na iyon ay tinuruan ko na siya kung paano magpinta at maghalo ng kulay. Tinuruan ko rin siyang tumugtog ng piyano noong araw na iyon. Magaling naman si Señorita Isabella ngunit maikli ang kanyang pasensya. Marahil ay nasanay siya na mabilis niyang nakukuha ang mga bagay bagay na naisin nya.

Hindi din naging mahirap na maging magkakaibigan kami nina Señorita Isabella at Ellena. Marahil hindi naman nagkakalayo ang aming mga edad sa isa't-isa. Mas bata lamang siya sa amin ng isang taon at hindi rin tutol ang Don at Doña na makisalamuha sa amin ang kanilang anak. Wala kasi itong kalaro na kapatid dahil parehong nasa Maynila ang kanyang mga Kuya upang mag-aral. Nag-aaral ng medisina ang kanyang panganay na kapatid na si Vicente at abogasya naman ang kinuhang kurso ni Ignacio na kanyang sinundan. Bihira lamang umuwi ang kanyang mga Kuya kung kaya't palagi siyang mag-isa sa mansyon kasama ang kanyang Ina. Umuuwi lamang ang mga ito tuwing pista, pasko, bagong taon at iba pang mahahalagang kaganapan sa kanilang pamilya tulad ng kanilang mga kaarawan. Madalas ding wala si Don Frederico upang asikasuhin ang kanilang negosyo sa bayan.

Sa Talon ng San VicenteWhere stories live. Discover now