Ika-Dalawampu't Anim na Kabanata

235 24 11
                                    



"W-wala po akong k-kinuha o n-ninakaw." kinakabahan kong saad sa mga guardia civil na nakapalibot sa akin ngayon. Inilibot ko ang aking paningin at nakita ang mga taong nakatitig sa akin ng may panunuya habang nagbubulungan. Mga taong kahihingi lamang ng kapatawaran ngunit ngayon ay agad na nanghuhusga.

"M-marcelino, apo!" malakas na sigaw ni Lola Trinidan mula sa di kalayuan. Naagaw niya ang pansin ng lahat nang tumakbo siya ng buong lakas papunta sa akin. Bawat hakbang niya ay nagpapabigat sa aking dibdib, lalo na nang aking makita ang takot sa kanyang mga mata. Mahigpit niya akong niyakap at bahagyang inilayo sa mga guardia civil.

"Ano pang hinihintay ninyo at hindi niyo pa hulihihin ang magnanakaw na iyan?" saad ni Padre Valerio ng makalapit ito sa amin.

"Hindi po magnanakaw ang aking apo." mabilis na pag-alma ni Lola habang umiiling at naluluha. "Hindi po niya kayang gawin ang ibinibintang ninyo." patuloy pa niya at saka mas lalong hinigpitan ang pagkakayakap sa akin.

Hindi ko maiwasang isipin na nangyari na ang bagay na ito sa akin noon. Nais kong ipagtanggol ang aking sarili at sabihin na wala akong ginagawang masama, ngunit walang lumalabas na salita sa aking bibig. Ni hindi ko rin kayang gumalaw sa aking kinatatayuan. Marahil kung hindi ako yakap-yakap ni Lola ay kanina pa ako nakaluhod sa lupa.

"Kung hindi magnanakaw ang batang iyan, ano na lamang ang dahilan kung bakit nasa kamay niya ang bagay na pag-aari ng simbahan?" usisa ni Padre Valerio at saka marahas na inagaw ang supot sa aking kamay. "Dalhin ninyo na siya sa piitan!" utos ni Padre sa mga guardia na agad namang sumunod at hinawakan ang aking braso.

Labag man sa loob ni Lola ay wala siyang nagawa ng hawiin ng mga guardia ang kanyang kamay sa akin. Di hamak na mas malakas ang mga ito kaysa sa kanya. Mabuti na lamang at agad siyang dinaluhan ni Ate Lita at pinakalma.

Ilalayo na sana ako ng mga guardia nang sumigaw ang isang pamilyar na boses ng lalaki, "Bitawan ninyo siya!" Sa hindi malamang kadahilanan ay bigla na lamang lumandas ang mga luha sa aking mata nang makita si Señor Ignacio na tumatakbo sa aming kinaroroonan. Nasa likod niya ang kanyang pamilya at nababakas rin ang pag-aalala sa kanilang mga mukha.

Agad na tinanggal ni Señor Ignacio ang kamay ng dalawang guardia na siyang mahigpit na nakahawak sa aking braso. Nang magtagumpay ay itinago niya ako sa kanyang likuran at buong tapang na hinarap ang mga ito para sa akin. Kitang kita ko ang mabilis na paghinga niya dahil sa pagtaas-baba ng kanyang balikat."Hindi ninyo siya maaaring dalhin sa piitan ng walang sapat na-"

"Ignacio." kalmado ngunit may diing tawag ni Don Frederico sa anak. Hinawakan nito ang balikat ni Señor Ignacio at marahang pinisil. Mabilis din niya akong sinulyapan bago harapin ang mga guardia.

"Mawalang galang na po, Padre. Ngunit maaari ko po bang malaman ang buong pangyayari?" magalang na tanong ni Don Frederico kay Padre Valerio.

Doon ko lamang napansin na nakasunod pala sa kanila ang pamilya Montemayor na pinangungunahan ni Heneral Luciano. Kunot noo nito akong tinapunan ng tingin ngunit humarap din kay Padre upang makinig sa sasabihin nito. Sa tabi naman niya ay si Señor Roberto na tila nagulat ng makita akong umiiyak. Nag-igting rin ang kanyang matatalas na panga ng nagsalita si Padre Valerio.

"Nasaksihan ng aking sakristan ang pagnanakaw na ginawa ng inyong kutsero, Don Frederico." mahinahong salaysay ni Padre. Malayo ito sa nag-aalab na galit na aking naramdaman nang ka-usap niya si Lola Trinidad kanina. Hindi nakapagtatakha dahil malaki ang inia-ambag ng pamilya Villafuerte sa tuwing may pagdiriwang ang simbahan. Isa pa ay nakaharap din ang Gobernadorcillo ng San Vicente kung kaya't hindi na niya maitaas pa ang kanyang boses.

Sa Talon ng San VicenteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon